Noong lumuwas ako dito sa Manila para magtrabaho, nakilala ko si Mike. Ipinakilala siya sa akin ng officemate ko. Ka-building namin siya. Nagkataong naghahanap siya noon ng matitirhan dito sa Manila at ako naman ay naghahanap ng housemate.
Galing sa Samar si Mike. Ako naman tubong Laguna. Hindi nalalayo ang edad namin kaya nagkasundo kami agad.
Mahilig magbasa at magsulat si Mike. Punung-puno ng libro ang kuwarto niya. Isang araw, nabanggit sa akin ni Mike na gumagawa siya ng libro tungkol sa akin. Nagulat naman ako. Itinuring ko iyong biro.
“Ba’t mo naman ako gagawan ng kuwento?” sabi ko sa kanya.
“Basta!” sabi niya.
“Tungkol saan naman ‘yan?” dugtong ko.
“Tungkol ito sa iyo,” sabi niya.
Naalala ko ang kakaibang balik ng liwanag sa mga mata niya nang sabihin niya iyon.
“Bahala ka,” sabi ko sa kanya. “Ipabasa mo na lang sa akin ‘pag tapos mo na.”
Pero isang linggo pagkatapos mangyari ang usapan namin, binawian ng buhay si Mike. Namatay siya sa loob mismo ng kuwarto niya. Namatay siya habang natutulog. Bangungot. Hindi ko alam kung ano ang nangyari sa isinusulat niyang kuwento tungkol sa akin, kung natapos ba niya o ano.
Kinuha ng mga kamag-anak ni Mike ang mga gamit niya ilang araw matapos ang libing. Kinuha nila ang mga damit at personal effects niya. Pero iniwan sa kuwarto ang koleksyon niya ng mga libro.
Ilang linggo pagkatapos ng libing niya, bumalik si Mike sa dati niyang kuwarto.
Natutulog ako noon sa kabilang kuwarto nang bigla akong gisingin ng malalakas na katok. Tumayo ako sa kama na ang nasa isip ko ay si Mike. Baka may kailangan, sabi ko sa sarili. Madalas niya kasi akong katukin pag nauubusan siya ng toothpaste o ‘pag nawawala ang hair wax niya.
Pupungas-pungas akong pumunta sa pintuan. Pagkabukas ko ng pinto, walang tao. Saka ko lang naalala na patay na nga pala ang housemate ko. Tumayo ang mga balahibo sa braso ko sa takot. Ako lang mag-isa sa bahay. Hindi ako dapat matakot. Tumingin ako sa orasan, 3:05 AM, tandang-tanda ko. May pasok pa ako ng umaga. Isinara ko ang pinto at bumalik sa higaan. Nagtalukbong ako ng kumot.
Mula noon, madalas nang may nagpaparamdam sa bahay. Bandang madaling-araw kapag naaalimpungatan ako at may maririnig na mga kalatog sa kusina sa ibaba. May parang nagtutulak ng silya. May mga gumagalaw ng pinggan. Pinapatay ko ang ilaw sa kusina bago ako umakyat ng kuwarto kaya natatakot akong bumaba at silipin kung may tao roon. Baka may makita nga akong tao. Baka makita ko ang kaluluwa ni Mike.
Naisip ko na baka hindi pa alam ni Mike na patay na siya. Ganoon daw ang ginagawa ng mga lagalag na kaluluwa. Hindi pa nila alam na patay na sila kaya nakikipamuhay pa sila sa mundo natin. O kaya may mga kailangan silang gawin na hindi nila natapos noong buhay pa sila. Kaya sila nagpaparamdam para maghabilin sa ating mga buhay pa.
Isang gabi, natutulog ako sa kuwarto. Bigla na lang akong napabalikwas nang may marinig akong kalabog. Napatayo ako sa kama. Malakas na kalabog iyon, galing sa labas ng kuwarto. Galing sa kuwarto ni Mike. Parang itinulak ng malakas ang pinto ng kuwarto niya.
Pero imposibleng mangyari iyon kasi naka-lock ang pintuan ng kuwarto ni Mike.
Tumayo ako ng kama at nanginginig na naglakad palabas ng kuwarto ko. Tiningnan ko ang oras. 3:05 AM na naman. Ganitong oras din noong magising ako dati. Parang may malamig na hangin na humihip sa batok ko. “Tae, Mike! ‘Wag mo ‘kong tatakutin!” sigaw ko.
Binuksan ko ang pintuan. Tahimik at madilim ang paligid. Madilim sa corridor papunta sa kuwarto ni Mike. Kinapa ko ang ilaw. Ang lamig ng paligid.
“Susi…” Naalala ko ang susi sa kuwarto ni Mike. Naka-lock nga pala ang kuwarto niya. Bumalik ako sa kuwarto ko. Hinanap ko pa sa kabinet kung saan ko naitago ang susi sa kuwarto niya.
Lumabas ulit ako ng kuwarto ko. Hawak ang susi, naglakad ako palapit sa kuwarto ni Mike. Hinawakan ko ang malamig na doorknob. Bukas ang pinto! Hindi ko maalalang naiwan ko itong bukas.
Binuksan ko ang pinto at kinapa ang switch. May naaninagan akong anino na nakaupo sa kama ni Mike. Lumakas ang kabog ng dibdib ko. Hindi ko iyon gustong pansinin pero napansin ko. Ano iyon? Si Mike ba iyon? Para akong mabubulunan sa takot. Dali-dali kong binuksan ang ilaw.
Sa kama ni Mike, nakita ko ang notebook niya na lagi niyang sinusulatan. Naalala ko, sabi niya sa akin noon na gumagawa siya ng libro tungkol sa akin. Bakit nasa kama ni Mike ang notebook eh alam ko nagligpit na ang mga kamag-anak niya noong pumunta sila sa bahay para kunin ang mga gamit ni Mike.
Kinuha ko ang notebook at umupo ako sa kama niya. Malamig ang kama. Nanlalamig na rin ako. Pakiramdam ko, umuuga ang kama sa lakas ng kabog ng dibdib ko. Binuksan ko ang notebook.
After 8 days, sulat ni Mike, I found myself asleep. Iyon lang ang laman!
Isang linya lang ang nasulat ni Mike. Sabi niya tungkol iyon sa akin pero bakit parang tungkol iyon sa kanya.
Ilang araw ang nakalipas nang maisip ko na namatay si Mike eksaktong walong araw matapos niyang sabihin sa akin na gumagawa siya ng kuwento tungkol sa akin. Ang date, August 8..8/8. ‘Yung oras na nagigising ako tuwing madaling-araw—3:05 AM—3 plus 5 equals 8. Saktong 8 weeks din buhat ng mamatay si Mike noong magsimulang may magparamdaman sa bahay. Saka ko rin naalala na naging obsessed si Mike sa number 8. Ang mga gamit niya may number 8. Ang mga t-shirt niya. Ang baseball cap. Ang mga posters na nakakabit sa dingding, may number 8.
Hindi ko maintindihan kung ano ang koneksyon ng pagpaparamdam ni Mike sa number 8. Pero kinaumagahan noon, kinontak ko ang mga kamag-anak niya para kunin na ang lahat ng gamit niya sa kuwarto. Nagpa-bless na rin ako ng bahay. Pero hanggang ngayon may takot pa rin ako kapag nakakakita ako ng number 8. Naaalala ko ang nangyari kay Mike.
Tuesday, May 24, 2011
Subscribe to:
Posts (Atom)