Sunday, June 22, 2008

Pasâ

NGAYONG UMAGA LANG napansin ni Paolo ang pasa sa hita niya. Habang naliligo, yumuko siya para sabunin ang ibabang parte ng katawan. Akala niya mantsa dahil nang nakaraang gabi kumutkot siya ng isang mangkok ng inasinang duhat galing sa ref. Hindi ito nabura ng sabon at tubig.

Korteng hinlalaki ang pasa. Kulay hinog na abukado.

Hindi maalala ni Pao kung saan niya nakuha ang pasa. Kung nabangga ba siya sa pasimano, saang parte ng bahay? Baka sa hawakan ng lock ng gate. Mahigpit na kasi ito dahil sa kalawang.
Pagkatapos magpunas ng basang katawan, umupo siya sa gilid ng kama. Pinindot niya ang pasa tulad ng sabi ng lola niya noong magbakasyon sila dati sa Bulacan. Dapat lamugin ang pasa para mabuhay daw ang namuong dugo.


SA LABAS NG school entrance, nakatayo ang mga kaklaseng lalaki ni Pao. Kinindatan niya ang mga kaklase.

“Saglet,” turo niya sa uniform ng nakasalaming si Rodel. “Wag kang gagalaw.”

Hinila ni Pao ang puting sinulid na nakasabit sa nakatahing nameplate ni Rodel.

“Uy, thank you,” sabi sa kanya ni Rodel.

“Chong, me sagot ka na sa geom?” pag-uungkat ni Jason, ang pinakamatangkad at pinakamaputi sa klase nila. Inilabas ni Pao ang Sterling notebook niya sa Geometry.

“Yung sa chem?” sunod ni Jason.

Umiling si Pao. “Wala ‘tol, eh.”

“Ako meron,” sabad ni Rodel. Binuksan niya ang zipper ng backpack niya.

“Thank you, dude!!” Hinablot ni Jason ang notebook ni Rodel sabay-bali sa braso niya. Sa gulat, napaurong si Rodel sa mga kaklaseng nasa likod at napa-“Oooy!!” sila. Tinanganan ni Pao ang nakasalaming kaklase bago pa sila matumba lahat.


TEN MINUTES BAGO mag-bell, pumasok na sila sa loob ng gate. Nakasalubong nila ang mga college students na naka-white uniform. Sikat na medical school sa KaMaNaVa ang university. Katabi ito ng isang ospital na nagagamit rin sa internship nila. Dalawang magkalapit na mga building ang highschool at elementary.

Nakatingin kay Pao ang mga babaeng college students. Pati yung bading na kasama nila sa grupo halos mabali na ang leeg sa pagkakatitig sa kanya.

Nagngitian lang silang magkakaklase. Bigotilyo kasi si Pao at makapal ang kilay niya. Kinagat niya ang mga labi niya saka binasa ng sariling laway.

Papasok na sila sa highschool building nang biglang manlamig ang batok ni Pao.

May narinig siyang sutsot. Hindi naman tinawag ang pangalan niya pero hinanap niya kung saan iyon nanggaling. Sa bakanteng loteng may tanim na mga papaya at ginawang tambakan ng mga sirang inodoro, may batang nakatayo at nakatingin sa kanya.

May naramdaman siyang humawak sa braso niya. Pagtingin niya, nakakapit sa kanya ang batang nakita niyang nakatayo sa lote. Marungis ang kamay nito. At nangingitim sa dumi ang mukha.

“Ow shit!” Napasigaw siya sa gulat. Naihampas niya ang braso sa hangin para mapalis ang pagkakahawak ng bata sa tabi niya.

“Oy, dude okey ka lang?” pansin ni Jason sa pamumutla niya.

“Kulang lang sa tulog,” sagot ni Pao. Pinagpapawisan na rin siya ng malamig.


PASADO ALAS SINGKO nang mangyari sa klase nila. Sila na lang ang nagkaklase sa left wing ng building. Si Miss Maquimay ang teacher nila sa Chemistry.

Sobrang init nang hapon na iyon. Magsa-summer na kasi. Medyo mahina na rin ang dalawang bentilador sa magkabilang parte ng kuwarto. Nagpapaypay na ang ilan sa mga kaklase ni Pao.
Habang nagsasagot sila ng zeroxed copy ng reviewer, biglang may narinig silang katok.

Ilan sa mga kaklase ni Pao ang nakapansin. Pero sinaway sila ni Miss Maquimay na nakaupo sa harap ng teacher’s table at nagbubuklat rin ng Chemistry book.

Siguro wala pang tatlong minuto, nakarinig ulit sila ng katok. Palakas na nang palakas.

“Who’s that?!” galit na tanong ni Miss Maquimay.

“Ma’am baka may tao po sa labas,” singit ng isang kaklase nila.

“Sige, tingnan mo, Saberon,” utos niya sa nagsalita.

Tumayo si Saberon at tinungo ang nakasarang pinto. Nakasunod ng tingin sa kanya ang mga kaklase. Binuksan niya ang pinto at inilabas niya ang ulo niya. Hindi pa siya nakuntento at lumabas na talaga siya sa pintuan at nawala siya sa sipat ng mga kaklase niya. Naglakad-lakad siguro siya sa corridor.

Lumitaw ulit si Saberon sa tapat ng pintuan at nilingon siya ni Miss Maquimay. “Ma’am?”

“Wala pong tao,” sagot niya sa teacher na naghihintay sa kanyang magsalita.

“Sige maupo ka na,” utos niya. “Okey, class. Continue with what you’re doing,” utos niya sa klase.

Bog! Bog! Bog!

Ang lakas ng katok at pati si Miss Maquimay ay halatang nagulat.

“Class, stop knocking on your seats!” sigaw ni Miss Maquimay. Nahulog ang ballpen niya nang padabog niyang ibaba ang makapal na libro sa lamesa.

“Ma’am, sa labas ‘yun galing,” salo ng ilan sa klase.

“Class, stop joking.” Tumingin siya kay Jason. “Ramos!”

“Ma’am, hindi ako ‘yun!” nagrereklamong sagot ni Jason.

“Ma’am, galing po yata sa likod ng blackboard.”

Naniwala yata si Miss Maquimay dahil lumingon siya sa dulo ng blackboard. Bigla uling may kumatok at nakita niyang nalaglag mula sa board ang mga alikabok ng chalk.

Isang inabandonang CR ang katapat ng blackboard nila. Tinawag ni Miss Maquimay si Jason at inutusang samahan ang presidente ng klase para i-check ang katabing CR.

Pagbalik ng dalawa sinabi nila sa teacher na naka-padlock ang CR. Saka imposible nang mabuksan ‘yon dahil ginawa na itong bodega.

Nagsimula nang panindigan ng balahibo ang mga magkakaklase.

“Class, I think we should pray,” mahinahong paliwanag ni Miss Maquimay sa klase.

Inutusan niya ang klase na yumuko at pumikit. Pati ang mga Born Again sa klase ay sumabay sa pagdasal ng Our Father at isang Glory Be.

Pagkatapos nilang magdasal, tahimik ang klase. Pinakiramdaman nila kung ano ang mangyayari.
Nang biglang may kumalabog sa gilid. “What’s that?!” nanginginig na sigaw ng teacher sa klase.

Si Pao pala. Tumumba siya. Nakahandusay siya sa sahig sa tabi ng bag niya.
Dinala siya sa clinic.


ANG TAAS NG lagnat ni Pao. Inihatid siya nila Jason pauwi.

Sa bahay, lumapit sa kanya ang tita niya na madalas makausog. Nilawayan siya sa tiyan.
Nagpatawag sila ng magtatawas.

Sa harap ni Pao, umusal ng dasal ang magtatawas at saka pinatulo sa isang plangganang tubig ang sinindihan niyang puting isperma. Nakapalibot sa dalawa ang tita at lola niya.

Maitim ang tunaw na kandilang lumutang sa tubig. Korteng ahas ito.

“Ahas, ‘kita n’yo o,” sabi ng magtatawas sa kanila nang dakutin niya sa tubig ang tunaw na kandila. “Namaligno siya,” paliwanag niya sa tita ni Pao.

Tumingin ang magtatawas sa mga mata ni Pao. “Baka may naapakan kang engkanto.”

Naalala ni Pao na noong isang linggo ginabi sila sa praktis sa school. Umihi siya sa bakanteng lote na pinagtatambakan ng mga sirang inudoro. Sinabi niya iyon sa magtatawas.

“Eh eto po,” turo ni Pao sa pasa sa hita niya.

“Naku, ayan na sinasabi ko,” sabi ng magtatawas. “Itim na multo ang nagpakita sa iyo. Batang lalaki. Kinurot ka sa hita.”

Dinurog ng magtatawas ang natunaw na kandila at saka ibinalot sa diyaryo. Inutusan ang tita ni Pao na itago ang binalot na diyaryo sa ilalim ng kama ni Pao at sunugin ito kinabukasan para hindi raw sila balikan ng multo.


AYON SA MGA kuwentu-kuwento, anak daw ng dating janitor ang batang nagmumulto. Ito rin daw ang multong naglalaro sa Biology lab tuwing gabi. Nagsusuot sa ilalim ng mga mesa at ginagalaw ang mga silya. Walang makapagpatunay na totoo ang kuwento dahil hindi nila alam kung sino ang janitor na tatay ng bata.