Sunday, September 21, 2008

Si Tatay

Sobrang close ng tatay ko at ni Ate Laila. May mga panahong nanunuod silang dalawa ng sine. Madalas nabibiro nga sila na magsyota. Baby face kasi ang tatay ko kaya akala mo halos magka-edad lang sila ni ate.

Ito ang dahilan kaya nung ipagtapat ni Ate Laila kina nanay at tatay na tinawagan na siya ng kumpanyang inaplayan niya sa Japan, halos ilang araw siyang hindi pinansin ng tatay.

Katakut-takot na pagsusuyo ang ginawa ni ate para hindi na magtampo ang tatay ko. Dalawang taon lang naman siya sa Japan, sabi niya. Maski na, sabi ng tatay ko. Mahaba ang dalawang taon.
Naisip ko rin iyon. Mahaba nga ang dalawang taon. Graduating na rin kasi ako noon. Ibig sabihin hindi makakarating si ate sa graduation ko. Ibig sabihin mawawala na ang pinakamamahal kong ate na hinding-hindi nagagalit kahit lagi kong kinukulit. Mami-miss ko talaga siya, sa loob-loob ko. Pero higit sa lahat mas mami-miss siya ni tatay.


Sa araw ng biyahe ni ate papunta ng Japan, ihinatid namin siya sa airport. Dinala ni tatay ang minamaneho niyang taxi. Buti na lang pinayagan siya ng may-ari. Natatandaan ko pa hindi mo makausap si tatay noon habang nagda-drive. Katabi ko si tatay noon. Sina nanay at ate naman magkahawak-kamay sa likuran ng taxi.

Pagbalik namin sa bahay, diretso sa kuwarto niya si tatay. Si nanay naman naiwan sa sala at nakatingin sa akin. Nagpaalam naman ako na magpapahinga muna.

Dumiretso ako sa kuwarto ni ate. Tandang-tanda ko pa ang kulay ng kurtina sa bintana niya. Lumilipad ang kurtina sa lakas ng hangin. Parang ibig ding kumawala sa pagkakatali. Tahimik na tahimik ang kuwarto. Basyo na ang aparador. Ipinamigay na rin kasi niya ang koleksyon niya ng mga stuffed toys sa mga pinsan ko. Ang naiwan na lang ay ang mga naka-frame niyang mga pictures. Mahilig magdi-display ng mga pictures niya ang ate ko simula noong bata pa kami. Natawa ako. Japang-japan na talaga siya kahit noong bata pa. “Say mo!” naisip kong sinasabi niya. Paborito niya iyong sabihin kapag nagbibiro siya sa aming pamilya.

Ilang linggo ring nanlumo ang tatay ko. Ibinaling niya ang lungkot sa pagmamaneho ng taxi. Ang nanay ko naman nahuhuli ko pa noong umiiyak habang pinagmamasdan isa-isa ang mga pictures na nakasalansan sa tukador sa kuwarto ni ate.

Mga ilang buwan ding kaming ganoon. Buti na lang uso na noon ang overseas calls kaya hindi na namin kailangang hintayin lagi ang kartero. Wala pa kasi kami noong personal computer. Pero me cell phone na kami, mumurahin nga lang. Mabilis ding nagte-text si ate kapag mayroon siyang padala.

Isang hapon, pag-uwi ko galing eskuwela nagulat ako at nadatnan ko sa bahay si tatay. Hindi niya kasi oras iyon ng pag-uwi.

“O, tay. Bakit?” pagtataka kong sabi pagkatapos kong magmano sa kanya.

“Etong tatay mo kasi,” sabi ni nanay habang hinihimas ang likod ni tatay.

“Hala. Bakit po?” Nag-alala na ako.

Napansin ko ang pangingislap ng mga mata ni tatay. Yung tipo bang nangingilid na ang mga luha.

“I-text mo nga ang ate mo,” sabi niya. “Kumustahin mo nga.”

"Sige po,” sabi ko. Hindi na ako nakaupo. Binuksan ko agad ang bag ko at hinagilap ang cell phone.

“Me load ka ba?” tanong ng nanay ko.

“Opo,” sabi ko. “Ano pong sasabihin ko?” usisa ko sa kanila habang pinipindot ang keypad.

“Kumustahin mo lang siya,” sabi ni tatay. “Kumustahin mong lagay niya roon.”

“Sige po,” sabi ko ulit.

Nai-send ko na ang text nang sabihin ng nanay ko na maupo muna ako at basang-basa ako ng pawis.

“Mainit,” sabi ko. Nagpaypay ako gamit ang dala kong bimpo. Pinaypayan ako ni nanay gamit ang punit na karton ng gatas.

Saka nagkuwento si nanay.

“Ito kasing tatay mo kung anu-ano ang nakikita,” sabi niya.

Nakanganga lang ako.

“Ang ate mo kase…” sabi ni tatay.

Nagda-drayb daw noon si tatay at naghahanap ng pasahero. May pumara sa kanyang isang babae. Primero hindi niya nakilala ang mukha. Pero nakaputi raw ito ng damit. Sumakay ang babae sa likod ng taxi.

Naabutan daw nila ang trapik sa EDSA. Etong si tatay komo maabilidad, sinabi sa babae na dadaan sila sa shortcut kung okey lang sa babae. Hindi raw ito nagsalita.

Nang silipin daw niya sa salamin ang pasahero niyang babae nagulat na lang daw si tatay. Kamukhang-kamukha ni ate ang pasahero niya.

Nasindak talaga siya. Akala niya si ate ang pasahero niya. Hindi raw niya pinansin at tumuloy sila sa shortcut.

Nang lumiko sila sa isang eskinita nagsimulang magkuwento ang tatay ko sa pasahero. Tahimik daw talaga ang pasahero. Parang wala siyang kasama. Nang silipin ulit ni tatay ang likuran ng taxi natakot na siya talaga. Walang tao sa likuran niya. Walang pasahero. Walang babae.

Nakakapagtaka ang karanasan ni tatay. Ilang oras pa nag-reply na si ate. Okey naman daw siya. wag daw kaming mag-alala.

Isang linggo ang lumipas. Mga alas otso iyon ng gabi. Kumakain kami ni nanay ng hapunan at nasa biyahe pa si tatay noon. Biglang nag-ring ang telepono.

Pagkasagot ko, si ate pala. Humahagulgol siya. Nasaan daw si tatay. Nagtaka ako. Sabi ko asa biyahe pa. Pinatawag niya si nanay. Si nanay ang kinausap niya.

Mag-isa raw kasi si ate sa bahay niya sa Japan. Pumasok siya ng kuwarto. Patay daw ang ilaw. Bigla na lang daw siyang may nakitang lalaking nakaupo sa gilid ng kama niya. Hindi raw niya makita ang mukha pero nakilala niya sa biyas ng katawan. Si tatay.

Pagbukas niya ng ilaw wala nang tao.

Nanginginig noon ang mga kamay ni nanay sa nerbiyos nang ikuwento niya sa akin ang sinabi ni ate. Bigla namang nag-ring ulit ang telepono. Dali-daling lumapit si nanay para sagutin.

Doon na naglupasay si nanay. Kapatid pala iyon ni tatay. Nasa ospital na raw si tatay. Hinoldap habang nagbibiyahe.

Hindi na namin naabutan nang buhay si tatay sa ospital.


Saturday, September 20, 2008

Overnight

TEN NA AKO ulit nagising. Pinasok na ng init ang kuwarto ko. Nasa third floor kasi ako at mababa ang bubong. Mainit ang singaw ng katawan ko. Para akong tatrangkasuhin.

Actually nagising na ako ng six. Nag-check at nag-delete ng mga messages sa cell phone na para bang naalimpungatan lang.

May lakad ang tropa nang araw na iyon. Hindi ko na matandaan kung ilang text messages ni Jhay ang nabura ko. Tol, 9AM sa harap ng McDo Farmers. Wag kang mawawala.

Nakapikit akong bumangon sa kama. Kinapa ko ang direksyon ng bentilador. Pinihit ko paharap sa akin. Ilan pang messages ni Jhay ang nabura ko. Nasan ka na, oy? Tol, andito na kami.

Alis na kami. Sunod ka na lang.

Gusto kong matulog ng buong araw. Masakit ang muscles ko. Parang lumalabas ang apoy sa mga mata ko.

Pero kinatok ako ni mama. Tumawag daw si Jhay, ilang beses na. Lumarga na raw ako.

Kaya napilitan akong hilahin ang bigat ng katawan ko para sundan ang tropa. Reply ni Jhay, nasa Chowking Balintawak sila. Doon na ako bumaba para sabay-sabay na kami sa sasakyan.


NAABUTAN KONG nagyoyosi sa labas sina Drake at Earl. Kinawayan ako ni Jhay na nakaupo malapit sa counter.

Pagkaupong-pagkaupo ko binati agad ako ni Jhay. “Tol, ano nangyari sa ‘yo? Namumula mukha mo ah.”

Kinapa ko ang pisngi ko. Nabasa ng pawis ang palad ko nang hipuin ko ang noo ko. Pinahid ko paitaas sa buhok ang pawis.

“Me lagnat yata ako,” sagot ko kay Jhay.

“Mukha nga,” sabi niya.


NAKASANDAL AKO sa salamin ng van buong biyahe sa NLEX. Nasisilaw na ako sa liwanag at umiikot ang sikmura ko.

“Okay ka lang, pare?” tanong ni Drake mula sa manibela.
Tumango lang ako.

“Oo nga. Namumutla ka,” singit ni Earl na nakasilip sa rear-view mirror.

Pumikit lang ako.

“Gusto mo’ng gamot, dude?” tanong ni Jhay sa akin. binuksan niya ang bulsa sa gilid ng kalong niyang backpack. Kinuha ko ang Bioflu sa kamay niya. “Tubig o,” abot niya ng bote.


GINISING AKO ni Jhay. Nakarating na pala kami sa resort. Nasa labas na ng sasakyan si Drake at naglalakad palayo sa amin. Si Earl naman kinukuha ang cooler sa likuran.

Tumingin ako sa wrist watch ko. Magsi-six thirty na ng gabi. Bumaba ako ng sasakyan kasunod ni Jhay.

Bumalik si Drake dala ang susi ng kuwarto
“Ayos! Tayo lang ang tao,” excited na balita ni Drake.


NAKAPAGPALIT NA kami ng damit. Tumalon agad si Drake sa swimming pool.

Sa mga silyang bakal kami umupo nina Jhay at Earl. Naglabas si Earl ng apat na Red Horse in can.

Kumuha si Earl ng isang lata at binuksan. “Gusto mo?” alok niya sa akin.

“Oy, me sakit ‘yan,” saway sa kaniya ni Jhay.

Totoo ‘yun. Nangangatog na nga ako sa ginaw kahit nakasuot ako ng hoodie. Yakap-yakap ko ang sarili ko.

Nagpaalam na ako sa kanila at dumiretso sa kuwartong ni-rent namin.


NASA SECOND floor ang kuwartong ibinigay sa amin. Bakante ang iba pang kuwarto. Madilim ang sa hagdan paakyat. Madilim ang corridor. Kinapitan ako ng kakaibang lamig ng hangin. Nagtayuan lahat ng balahibo ko sa braso.

Pagbukas ko ng pinto, sinalubong agad ako ng lamig.

Pinuntahan ko agad ang aircon. Pinihit ko ang dial para humina ang buga.

Nahiga ako sa kama at nangangatog na binuklat ang kumot.

Ilang minuto rin akong nakatingala ako sa kisame. Tahimik na tahimik sa loob ng kuwarto. Walang ibang ingay bukod sa andar ng aircon. Kahit sitsit ng kuliglig wala.

Narinig ko ang impit na sigaw ni Drake mula sa swimming pool sa ibaba. Narinig ko ang wasiwas ng tubig. Narinig ko rin ang sigaw ni Earl at pagkatapos ang tunog ng talsik ng tubig sa semento.

Narinig ko ang kabog ng dibdib ko. Mabilis na mabilis. Parang katatapos ko lang mag-basketball.

Ewan ko kung paano nagsimula pero bigla akong ginapang ng takot. Naramdaman kong umuuga ang kama. Dahil ba ‘yun sa mabilis na tibok ng puso ko? Teka. Hindi. Pabilis nang pabilis ang uga. Parang may batang tumatalon sa kama. Dinadala ang katawan ko ng uga. Lumulubog ang likod ko, lumalapat. Lumulubog, lumalapat.

Sinilip ko ang gawing banyo. Nakabukas nang kaunti ang pintuan ng banyo. Sinilip ko ang dilim. Baka may biglang lumitaw mula sa dilim.

Pero wala. Pumikit ako. Huminga ako ng malalim. Mabilis pa rin ang kabog ng dibdib ko.

May narinig akong humihinga. Mahina lang sa umpisa. Parang galing sa tabi ko. Sa gawi ng nakasarang aparador. Pinakinggan kong maigi. Kinilala ko ang tunog. Mahina. Para ngang humihingang tao. Nang biglang lumakas. Hingal. Malakas na hingal.

Biglang bumukas ang pinto.


SI JHAY pala.

“’Musta na?” usisa ni Jhay.

“Okay lang,” pabulong na sabi ko. Kahit na ninenerbiyos na ako noon.

“Nilalagnat ka pa?”

“Konti,” pakli ko.

“Me Bioflu pa d’yan. Anong oras ka ba uminom kanina?” Tinungo ni Jhay ang banyo. Medyo nakainom na. Halata sa lakad niya.

Hindi ko alam ang sagot.

Paglabas niya ng banyo tumayo sa harapan ko si Jhay. “Bumaba ka ba kanina?” tanong niya pagkatapos titigan ang kumot na nakabalot sa akin.

“Bumaba?” pagtataka ko.

“Oo, kanina di ba pag-akyat mo? Bumaba ka ba ulit?”

Napaismid ako. “Hindi. Kanina pa ako nakahiga dito. Bakit, tol?”

“Wala,” sagot ni Jhay.

Pumasok na rin sa kuwarto sina Drake at Earl.

“Dude, bumaba ka ba kanina?” bungad agad sa akin ni Earl.

“Hindi.”

“Dude, hindi nga?” kulit ni Earl.

Nakatingin lang si Drake habang pinupunasan ng maruming damit ang binti.

“Hindi. Bakit nga?”

“Bro,” sabi ni Drake, “may nakita kasi kami kanina diyan sa terrace kumakaway.”

“Akala nga namin ikaw e.”

“Wala namang ibang tao dito sa second floor ikaw lang.”

“Baka ‘yung boy lang,” kumbinsi ko sa kanila.

“Andun sila sa ibaba. Tinanong nga namin.”

Madilim sa labas ng kuwarto. Ako lang ang tao sa second floor.

“Tigilan n’yo na ‘yang kakainom n’yo!” biro ko sa kanila. Pero kahit ako ay kinilabutan sa nangyari.

Strange Pilgrim

‘Yun ang unang biyahe sa Batangas ng kaibigan kong si Trevor. ‘Yun ang unang araw ng trabaho niya bilang surveyor. Nireto siya ng kaniyang tiyahin sa bilas nito. May experience na sa field research ang sabi ng tito niya kaya binigyan siya agad ng assignment.

Bumaba si Trevor sa tapat ng Big Ben. Sinundan siya ng titig ng mga drayber ng traysikel. Sumilong siya sa waiting shed at dinukot sa bulsa ang cell phone. Tinanggal niya ang suot na salamin, kinuskos ng laylayan ng t-shirt, at ibinalik ulit sa mata.

Sa kabilang kalsada, natanaw ni Trevor ang Chowking. Sa tabi nito, ang McDo. Sa McDo sila magkikita ng kausap.

Tumawid sa kalsada si Trevor. Halatang turista. Namimintog ang dalang back pack sa likod. Naninino ang mga mata sa bawat makasalubong.

Sa labas ng McDo nakangiting naghihintay ang kausap ni Trevor. Inabot nito ang kamay sa kaniya.

“Ako si Yol, repa,” pagpapakilala ng lalaki.

“Trevor,” abot niya ng kamay.


Sumakay sila ng traysikel.

Ipinasok ni Trevor ang hawak na pocketbook sa gilid ng back pack.

“Mahilig ka ring magbasa, repa?” singit ni Yol.

“Uh-oh,” ungol ni Trevor kasabay ng pagtango.

“Ano ‘yun?”

“Strange Pilgrims,” sagot ni Trevor.

“Sino nagsulat, repa?”

“Gabriel Garcia Marquez.”

Tumango si Yol. “Ang tindi ng init!” reklamo niya habang pinapahid ng panyo ang pawis sa leeg.

Sumipol si Trevor.

“First time mo?” usisa ni Yol sa kaniya.

Ngumiti si Trevor na parang nahihiyang birhen.

“First time mo…” Si Yol na ang sumagot sa sarili, sabay-Hehe.

Pinamulahan ng mukha si Trevor.


Bumaba ang dalawa sa tapat ng isang kulay-maroon na bungalow. Nakasara ang mga bintana ng bahay. May mga orchids na nakatanim sa bao ng niyog at nakasabit sa mababang alulod. Sa kaliwang parte ng bahay, nakaluwa ang likod ng aircon. Medyo malayo ang distansiya ng mga katabing bahay. Dinig na dinig ni Trevor ang siyap ng mga maya sa katahimikan.

Gamit ang isang limang pisong barya, kumatok si Yol sa kulay-lumot na gate.
“Tao po! Tao po! Aling Wena?” Nakangiti si Yol kay Trevor habang tinutuktok ang bakal.

Hinintay ni Trevor na gumalaw ang bagua na nakasabit sa pinto.

“Tuloy kayo,” sabi ng boses ng isang matandang babaeng lumapit sa kanila. May hawak siyang plastik na may lamang gulay.

“Aling Wena!” bati ni Yol sa babae.

“Namalengke lang ako sandali,” abiso ng babae. “Pasok kayo. Pasok. ‘Wag na kayong mahiya.”


Makulimlim na ang langit nang pumasok sila sa bahay. Malabo ang liwanag ng compaq fluorescent lamp. Biglang bumigat ang pakiramdam ni Trevor. Napansin niyang nakatitig din sa kaniya si Aling Wena tulad ng pagkakatitig ng mga tricycle drivers kanina. Napaismid siya. Ganito ba tumanggap ng bisita ang mga tao dito?

Maayos naman ang bahay na tutuluyan niya, naisip ni Trevor. May kuryente. May water tank. Hindi mauubusan ng tubig. “May water pump diyan sa labas,” turo ni Aling Wena. May shower ang CR. At may tatlong kuwartong tulugan. ‘Yung isang kuwarto may aircon pa.

Tinapik ni Yol sa balikat si Trevor. “Ipasok mo na lang ang gamit mo sa kuwarto.”

“Bakit hindi pa sa kuwartong may aircon, Yol? Nakakahiya naman sa bisita,” sabi ni Aling Wena.

“Kung makakatagal ka dun,” misteryosong sabi ni Yol kay Trevor.

“Bakit? Ano’ng meron sa kuwarto,” pagtataka ni Trevor.

“May multo raw kasi dun,” sagot ni Yol.

“Ganu’n po ba?”

“Ang laki-laki na ni Trevor, matatakot pa ba sa multo?” tawa ni Aling Wena.

“Ano? Gusto mo sa may aircon?”

“Oks lang,” sabi ni Trevor.

“Kung ayaw mo naman, dun ka na lang sa kabilang kuwarto,” paalala ni Yol.

Linggo noon, ang sabi sa akin ni Trevor. Sinadya niyang bumiyahe ng Linggo para may panahong makapaglibot.

Pero sobrang bigat ng katawan niya, hindi niya maintindihan kung bakit. Simula nang pagpasok niya sa bahay.

Sa kuwartong may aircon ipinasok ni Trevor ang gamit. Pero sira ang dutsa sa kuwarto, sabi ni Aling Wena. Kaya dala ang tuwalya, sabon, shampoo, at mga damit na pamalit, lumipat siya sa kabilang kuwarto para sa banyo roon maligo.

Pagbukas na pagbukas ng pinto, sumalubong kay Trevor ang lamig ng kuwarto. Kakaiba. Hindi naman aircon dito. At nakasara ang mga bintana. Hindi gumagalaw ang mga kurtina. Naamoy ni Trevor ang bango ng fabric conditioner sa mga punda ng unan at kubrekama.

Dahan-dahang tinawid ni Trevor ang kuwarto patungo sa pintuan ng banyo. Kakaiba ang katahimikan sa bahay. Akala mo umuungol ang pinto nang buksan niya.

Gustong guluhin ni Trevor ang katahimikan kaya nagpatugtog siya gamit ang kaniyang cell phone.

Malamig ang buhos ng shower. Pero habang nagkukuskos ng katawan si Trevor biglang may kumatok sa pinto sa labas. Tatlong beses. Malakas ang kalabog. Baka si Aling Wena ‘yun, naghanda ng miryenda, naisip ni Trevor.

“Sandali lang po!” sigaw ni Trevor mula sa pinto.

Pero palakas nang palakas ang kalabog sa pinto. Tigatlong ulit. “Sandali lang po!” sigaw ni Trevor na nagpaagos agad ng sabon sa katawan. Nagtapis ng tuwalya si Trevor at lumabas ng banyo.

Sumuot sa balat niya ang lamig ng kuwarto. Tumayo ang mga balahibo niya. Tinungo ni Trevor ang pintuan. Binuksan niya ang door knob. Hindi naman naka-lock.

Pagbukas niya ng pinto biglang namatay ang ilaw sa labas. Sumilip siya. Walang tao. Tinawag niya si Aling Wena. Si Yol. Wala talaga.

Nadatnan niyang nag-uusap sa kusina ang dalawa.

Nagsimulang matakot si Trevor. Nakangisi sa kaniya si Yol nang sabihin niyang sa sala na lang siya matutulog.

“Unang gabi mo dito,” paalala ni Yol.

Nakatingin lang sa kaniya si Aling Wena.


Nang gabing iyon, namahay si Trevor at hindi makatulog. Sinikap niyang ipagpatuloy ang pagbabasa ng Strange Pilgrims. Pero natakot siya sa isang kuwento roon—The Ghost of August—minulto ang mag-asawang bida na natulog isang gabi sa kastilyo.

Dinig na dinig ni Trevor ang kaba sa dibdib niya. Sinimulan niyang basahin ang susunod na kuwento pero nagsimulang mamigat ang mga mata niya.

Biglang pumitlag si Trevor. Nakatulog na pala siya. Madilim na madilim. Madaling-araw pa lang yata. Nagising siya sa lamig.

Kinapa niya ang kaniyang cell phone at pinasinagan ng liwanag ang paligid. Nagulat siya sa takot. Nakahiga siya sa kama. Nasa loob siya ng kuwartong walang aircon.

Kinaumagahan, pilit na inalala ni Trevor kung paano siya nakarating sa kuwarto mula sa sala.

“Baka naglakad ka habang natutulog, repa,” suhestiyon ni Yol.

“Hindi ko alam,” sagot ni Trevor.

Abut-abot ang paumanhin ni Trevor kay Aling Wena dahil nagpalipat siya ng tutuluyang bahay nang araw ding iyon.

Second Floor

Isang inaagiw na pintuan ang sumalubong kay Tatay pagkabalik niya galing ospital. Binaklas na ang pinto para maipasok ang kaniyang ataul. Biglang bagsak ang katawan niya simula noong gamutin siya dahil sa prostate cancer.

Si Tatay ang nakababatang kapatid ng lola ko. May sarili siyang pamilya. Dito na sila sa Isabela tumira mula nang mag-missing in action ang isang anak niya noong naroon pa sila sa Marikina.

Pagkatapos ng ilang taon, noon ko lang ulit nakita si Tatay. Hindi rin kasi ako umuuwi kahit sa bakasyon dahil sa trabaho ko sa Manila. Naalala ko iyong kasabihang nagkikita-kita lang ulit ang magkakamag-anak kapag may patay.

Napabayaan na rin ang bahay dahil sa pag-asikaso nila kay Tatay. Tinapalan na lang ng mga karton ang pinag-iwanan ng salamin sa lumang aparador na pamana ng lola nila. Lumulusot na ang mga gamu-gamo sa mga guwang ng bintanang yari sa kapis. Ingat na ingat na rin kami sa pag-apak sa kawayang sahig sa second floor at tipong magigiba na rin.

May nakita akong siwang sa kawayang sahig. Tumatagas doon ang liwanag mula sa ibaba. Lumuhod ako at dumukwang sa tapat ng butas. Nagulat ako sa nasilip ko. Tapat na tapat ang mukha ni Tatay na nakahiga sa ataul.

Ako lang ang nasa second floor noon. Tinitigan ko si Tatay mula sa kisame. Lubug na lubog ang pisngi niya. Alsado ang kulay ng make-up sa pusyaw ng mukha niya. Nagsasalubong ang mga kulubot hanggang sa leeg.

Bakas sa mukha ni Tatay ang naranasan niyang hirap sa ilang buwang pagpapagamot. Dagdag pa rito ang problema niya sa mga anak. Hindi pa rin nagpapakita ang anak niyang babae. At bukod sa pambabae ng dalawang anak niyang lalaki, wala pa silang mga trabaho. Ibinenta na nila ang lupang ipinamana sa kanila ng kanilang mga magulang. Pati iyong lupang pag-aari ng dalawa kong lola ay pilit nilang ibinenta.

Biglang umingit ang bintanang kapis. Nagulat ako. May malamig na hangin na humaplos sa braso ko. Nagsimulang gumapang sa dulo ng balahibo ko ang takot. Sinilip ko sa gilid ng mata ko ang gawing madilim. Pinakiramdaman ko kung may hahakbang sa hagdan. Baka may umakyat lang. Pero wala talaga.

Nailibing si Tatay at bumalik kami ng Maynila.

Pagkatapos ng ilang linggo, lumuwas naman ang pinsan ko. Pinaalala niya sa amin ang padasal para kay Tatay. May ikinuwento rin siya sa akin na ikinapanindig-balahibo ko.

“Oo, insan,” sabi niya.

“Ano nangyari?” usisa ko.

“Mag-iinuman kasi sila uncle sa tapat…”

“Hala! Kakamatay lang ni Tatay makikipag-inuman agad,” pangungutya ko.

“’Yun na nga e…”

“Lasing na ba siya?”

“Hindi pa nga sila nagsisimulang mag-inuman.”

“Grabe talaga!” sabi ko.

“Ganito ‘yun,” pagpapatuloy niya, “Umakyat si uncle sa second floor para kumuha ng pera. Walang tao sa second floor no’n. Bababa na sana siya.”

“O, ano nangyari?”

“Nadaanan niya ‘yung kuwarto ni Tatay. Di ba walang pinto ‘yun… kurtina lang.”

Tumango ako.

“May nakita siyang tao sa likod ng kurtina.”

“Hala! Imposible…”

“Akala nga niya si Tatay e. Sabi niya, ‘‘Tay, ‘wag n’yo naman akong biruin ng ganyan!’”

“Oo. Insan, andun pa yata si Tatay e. May naririnig nga kami mga yabag sa itaas kahit walang tao.”

“Baka nga. Minumulto niya kayo.”

Naintindihan ako ni insan. Tinutukoy ko iyong problema nila sa pamilya.

“Heto pa, pinsan,” sabi niya. “Hapon ‘yon, nagluluto si Nanay. Siya lang mag-isa sa bahay. May naramdaman siyang pumasok sa pinto sa harapan tapos umakyat sa second floor.

“May narinig siyang humakbang paakyat sa hagdan e. Akala niya si uncle. Tas pagkatapos ng ilang minuto tahimik na ulit.

“Tawag daw siya ng tawag kay uncle. Pero wala naman sumasagot. Kaya naisip daw niya na akyatin si uncle.”

“Tapos?”

“Tapos asa tapat na siya ng hagdan nang biglang dumating si uncle. ‘Sino tinitingnan n’yo d’yan, nay?’ sabi raw ni uncle kasi nakatanghod si Nanay sa itaas ng bintana.

“Napa-Diyusko! Diyusko! raw si Nanay.”

“Ba’t naman kasi iniiwan ninyo iyong matanda?”

“Wala talaga kasing tatao dun sa bahay e.”

Sasabihin ko sana na kasi pinalayas nila ‘yung pamilya ng katiwala sa bahay.

“Ito pa, insan…” sabi niya.

“Ngak! Meron pa.”

“Pati ‘yung mga kapitbahay nakikita si Tatay.”

“Pa’no ‘yun?”

“’Yung mga kapitbahay na dumadaan sa tapat, may nakikita silang lalaki sa loob ng bahay. Sa second floor.”

“Baka naman si uncle lang ‘yun.”

“Payat na lalaki ‘yung nakikita raw nila. Alam mo naman mukhang butete si uncle.”

“Baka galit si Tatay.”

Baka nga galit si Tatay dahil sa mga pinaggagawa ng asawa at mga anak niya. Kaya siya nagmumulto. Ngayon nabalitaan namin sa iba pang kamag-anak sa Isabela na balak ibenta nila Nanay at uncle ang bahay na ipinamana ng mga magulang ni Tatay sa kanilang magkakapatid. Pati kami dito sa Maynila ay nanggagalaiti na rin sa ginagawa ng mag-anak niya. Baka nagpaparamdam si Tatay para paalalahanan sila na kahit sa kabilang-buhay hindi nila maiiwasan ang hustisya.

3,029 at 3,030

Bago pa tayuan ng footbridge ng MMDA ang EDSA Bagong Barrio, nilagyan na ng malaking harang ang island sa gitna. Ginawa kasi iyong tawiran ng mga tao. Mas malapit kasi ito sa sakayan ng dyip at traysikel papasok kaysa sa footbridge sa bungad ng Balintawak.


Isang hapong nag-abang ako ng dyip papuntang Monumento nakita ko iyong malaking paskil—3,028.


Mga alas tres ng madaling-araw nang makauwi ako galing sa inuman sa Malate. Nagtaksi kami ng tropa ko at ibinaba nila ako sa tapat ng pabrika sa EDSA Bagong Barrio. Magkakalayo ang mga road lamps kaya medyo madilim ang kalsada lalo na sa kinatatayuan ko. Malabo pa ang mata ko.


Inaninagan ko ang mga paparating na sasakyan. Mga kumukutitap na headlights ang nakikita ko kaya doble ingat. Lalo pa’t me amats na ako noon dala ng pinaghalong Red Horse at antok.


Pagtingin ko sa kanan may namataan akong taong papalapit. Medyo natakot ako, baka holdaper. Kinapa ko agad ang wallet ko. Isang matandang babae lang pala. May kasamang bata na hanggang baiwang niya.


Huminto ang dalawa sa tapat ng istasyon ng bumbero; mga ilang metro mula sa kinatatayuan ko. Naasar ako noon. Mas malapit kasi sila sa tulay sa Balintawak bakit hindi pa sila doon tumawid. Alam na nga nilang delikado. Sabagay may mga nababalitaan din kasi akong may mga tumatambay na holdaper sa itaas ng tulay.


Papalit-palit ako ng tingin. Sa mga humahagibis na mga sasakyan sa kaliwa. Sa mag-ina sa kanan. Isasabay ko ba sa pagtawid ang mag-ina? Medyo matanda na yata ang babae. Sinipat ko ang mukha niya. Alanganin ding tumawid ang dalawa.


Nakahanap ako ng tiyempo. Nagsimula na akong maglakad papunta sa island. Lakad-takbo. baka may biglang lumitaw na trak na walang headlights, patay ako. Dire-diretso ako sa gitna. Naalala ko iyong mag-ina. Wala nang tao sa tapat ng istasyon ng bumbero. Baka naglakad sila pabalik sa Balintawak, naisip ko.


Nakatayo ako sa tapat ng malaking karatula na may 3,028. Doon ko lang nabasa iyong sulat sa ilalim. Iyon ang bilang ng mga naaksidente na sa pagtawid sa gitna ng EDSA. Humaharurot ang mga sasakyan mula sa Quezon City at mga cargo truck naman ang kumakanan papuntang Bonifacio Ave. Sa kabila ng babala, marami pa rin ang tumatawid sa kalsada. Sinira pa nila iyong dating bakod para makalusot sa kabila.


Sa gawing ito ng kalsada mas delikado. Mas mabibilis ang takbo ng mga sasakyan galing Quezon City. Sa gawing ito mas maraming nasasagasaan. Kaya tinalasan ko ang paningin ko kahit nanlalabo na sa kalasingan. Tinanaw ko ang liwanag mula sa Mini Stop sa kabila. Hinintay kong mawala sa dilim ang mga kumukurap na headlights.


Dali-dali akong tumawid sa kabila.


Nakamata sa akin ang matandang lalaking nagtitinda ng balot sa tapat ng Mini Stop. Nakatengga ang dyip na papasok sa Bagong Barrio. Walang ibang laman kundi ang drayber na nagpapaypay ng diyaryo. May mga taksi sa tapat ng bilding ng Pag-ibig. May ilang traysikel ding naglalamay sa gilid.


Nagdalawang-isip ako kung sasakay ba ako sa likod o tatabi ako sa drayber.


Tumabi ako sa drayber.


Pagkalipas ng sampung minuto doon lang may pasaherong sumampa sa likod ng dyip. Bumaba ang drayber at bumili ng yosi. Sinipat ko ang namumutla kong pisngi sa side mirror at nag-bura ako ng messages sa cellphone.


Isinasara ko na ang zipper ng bag ko nang bumalik ang drayber sa tapat ng manibela.
Lumapit sa drayber ang isa pang lalaki. Nakasando lang at may nakasampay na bimpo sa balikat. Drayber din siguro ito, naisip ko. Ikinapit ng lalaki ang kaliwang kamay sa spare tire sa gilid ng dyip habang ikinamot naman sa kilikili ang kanan.


“Taga-saan daw, pare?” usisa ng lumapit sa katabi kong drayber na inilipat ang kamay sa taghiyawat sa kanang pisngi.


“Diyan daw sa Tirona, pare,” sagot ng katabi kong drayber.


“Wala na ‘yun, ano?” paninigurado ng lalaki.


“Ay, sigurado,” sagot ng katabi kong drayber. “Durog daw ang utak e.”


“E yung bata?”


“Yung bata kumalat daw ‘yung bituka sa semento.”


“Tsk. Tsk.”


Nakatitig lang ako sa kanila.


Umalis ang lalaki at bumili ng yosi sa mamang nagtitinda ng balot.


Limang pasahero na ang naghihintay sa likod namin ng drayber.


“Ano ‘yun, ‘noy?” usisa ng isang matabang babae malapit sa drayber. Nilingon ko ang babae. Nakasuot siya ng bota. May dala siyang timba na pinatungan ng maliit na bilao at transparent plastik.


“May nasagasaan po ng trak kagabi…” sagot ng drayber habang nakasilip sa salamin sa tuktok niya.


“Nasagasaan, ‘noy? Ay, kawawa naman.”


“Sino raw po ‘yung nasagasaan?” singit ng isa pang pasahero.


“Matanda po,” sagot ng drayber habang inaabot ang bayad ng isang pasahero.


“Babae?”


“Babae… Matanda saka isang bata.”


“Haaay!! Kawawa naman!” halinghing ng babae.


Bigla akong kinilabutan. Naalala ko iyong mag-inang nakita ko sa tapat ng istasyon ng bumbero sa kabila ng EDSA. Hindi ko sila nakitang tumawid. Wala akong namataang naglakad sa gilid ng kalsada. Baka sumabay sila sa akin.


Anak

“Hay naku, Mark! Diyos ko!” habol-hiningang hiyaw ng katulong naming si Madel nang pumasok siya sa kuwarto ko.

May nakasuot na earphones sa magkabilang tainga ko at full blast ang mp3 player ko pero narinig ko pa rin ang kalabog ng pinto. Bigla itong itinulak ni Madel. Hindi ko alam kung paano dahil hawak niya ang mga nakatupi kong damit.

Tinanggal ko ang earphones at umupo ako sa gilid ng kama. Nasilip ko ang puting kaliwang mata ni Madel (may katarata kasi siya) at ang mga nanginginig niyang kamay habang ipinapatong niya ang mga damit sa tabi ko.

“Hay naku, Mark!” hingal niya.

“Bakit?” pagtataka kong tanong.

“Hayy..”

Nagsisilong daw siya ng mga sinampay nang umakyat sa terrace ang lola kong si Mama Lydia. Dala ni Mama si Brooke, ang three month old kong pamangkin.

Habang nagtutupi ng mga tuyong damit, nagpaalam daw si Mama na may gagawin sa ibaba. Inihiga niya si Brooke sa kama at nilagyan ng mga unan sa magkabilang gilid.

Sinabihan ni Mama si Madel na bantayan si Brooke at may kukunin lang siya sandali sa ibaba.

Nakatapos nang magtupi ng mga damit si Madel at ibabalik na ang mga hanger at sipit sa lalagyan. Sinilip niya si Brooke. Tahimik naman daw ang bata. Nilalaru-laro pa ang stuffed toy niyang Barney. Tumatawa-tawa pa raw si Brooke na parang nilalaro ng guardian angel niya.

Tumayo si Madel at mabilis na dinala sa lalagyan sa terrace ang mga hanger at sipit dahil wala ngang bantay si Brooke. Nakatapat ang lalagyan ng mga hanger sa bintana ng kuwarto kaya pwede niyang silipin ang bata.

Biglang humangin nang malakas at bahagyang sumara ang pinto. Narinig ni Madel ang hagikhik ni Brooke mula sa bintana.

Pagsilip ni Madel sa bintana, natakot siya. May nakita siyang babaeng nakahiga sa tabi ni Brooke. Payat at mahaba ang buhok. Hindi niya nakita ang mukha dahil sa nakaharap ito sa bata.

Hinawi niya agad ang pinto at pinuntahan si Brooke. Wala na ang multo. Napaakyat si Mama sa sigaw ni Madel.


“Hay! Gusto ko nang umuwi, Mark!” sabi sa akin ni Madel.

“Wala ‘yun,” paniniguro ko sa kanya.


Bagong katulong lang namin noon si Madel. Hindi pa pala niya nakikita ang picture ng mommy ni Brooke.

Naghanap ako ng latest picture namin ni ate bago siya namatay. Nakangiti ko iyong ipinakita kay Madel.

Napaigtad si Madel. “Ganyan ang hitsura niya!” sabi niya.

“Sigurado ka?” tukso ko sa kaniya. “Hindi mo nga nakita ang mukha.”

“Siya ‘yun! Sigurado!” sabi niya sa tonong Bisaya.

Madali naman akong nakapag-isip ng opinyon sa nangyari. Namatay si ate sa panganganak kay Brooke. Tutol pa nga si Mama sa nangyari kasi kaka-graduate lang ni ate noong ipagtapat niya kay mommy na buntis siya. Five months na pala. Hindi namin nalaman kung hindi tumawag ang nanay namin mula sa Canada para batiin ng ‘Happy Graduation’ si ate. Akala namin tumataba lang siya dahil lumalaki ang baiwang niya.

Pinagalitan agad ni Mama si ate. Sinabihan siyang sinira ang kinabukasan niya. Bakit daw hindi pa niya ipina-abort ang bata. Nasabi ito sa akin ni ate nung third trimester na niya.

Hindi ko alam kung may itinago pa ring sama ng loob si ate kay Mama hanggang noong ikamatay niya ang panganganak. Nahirapan talaga siya sa pagbubuntis dahil mahina ang katawan niya.


Mula noon may mga naririnig na kaming yabag mula sa kuwarto sa itaas na parang may naglalakad. Sabi ni Madel, may nagbubukas daw ng pinto.

“Wala namang hangin,” pagtatanggol ni Madel.


Isang Sabado, kinuha ko si Brooke kay Mama. Dinala ko si Brooke sa kuwarto ko at doon nilaro ng stuffed toy niyang Barney. Pinahiga ko siya sa kama. Nakakatuwa kasi tawa siya nang tawa.

Kinambatan lang ako ng pagtataka. Nakatingin kasi siya ibabaw ng ulo ko, lampas sa buhok ko. May nakikita ang bata, kutob ko. May naglalaro sa kaniya mula sa likod ko. Nakalutang mula sa ulo ko.

Naisip ko si ate. Baka nilalaro siya ni ate.

Tinitigan ko mata si Brooke. Sinilip ko sa mala-salaming itim sa mata niya ang sarili kong repleksyon. Tiningnan ko kung may makikita akong bagay na nakalutang sa ibabaw ko—na siyang nagpapatawa kay Brooke. Inaasahan kong makita si ate na nakatayo sa likod.

Pero wala. Wala akong nakita. Sa harapan ko patuloy pa rin sa paghagikhik si Brooke.


“Mark! Diyos ko!”

Sinalubong ako ni Madel pag-uwi ko galing sa school.

Si Mama na ang nagkuwento.

“Babalik na siya sa Bukidnon,” sabi ni Mama.

“Hala! Bakit?” gulat ko.

Nakatingin lang si Madel sa aming dalawa.

“May nakita raw siyang multo,” paliwanag ni Mama habang nakapamaywang.

Madaling-araw kanina natutulog si Madel sa sala. Pinapatay niya ang ilaw sa sala. ‘Yung ilaw sa kusina ang tanging liwanag niya.

Bigla raw siyang naalimpungatan. Pero hindi siya bumangon.

Pagtingala niya may nakita siyang naglalakad na anino sa daanan papunta sa kusina.

“Babae?”

“Babae,” sagot ni Madel. Bigla raw nawala.

“Baka white lady,” dugtong ko. Pero si ate ang nasa isip ko.


Kasabay ng binyag ni Brooke pina-bless namin ang bahay. Nakakapagtakang huminto na rin ang mga pagpaparamdam. Hindi ko alam ang mensaheng gustong iparating sa amin ni ate. Pero sisiguraduhin ko sa kaniyang papalakihin namin nang maayos ang anak niya.

Sunday, June 22, 2008

Pasâ

NGAYONG UMAGA LANG napansin ni Paolo ang pasa sa hita niya. Habang naliligo, yumuko siya para sabunin ang ibabang parte ng katawan. Akala niya mantsa dahil nang nakaraang gabi kumutkot siya ng isang mangkok ng inasinang duhat galing sa ref. Hindi ito nabura ng sabon at tubig.

Korteng hinlalaki ang pasa. Kulay hinog na abukado.

Hindi maalala ni Pao kung saan niya nakuha ang pasa. Kung nabangga ba siya sa pasimano, saang parte ng bahay? Baka sa hawakan ng lock ng gate. Mahigpit na kasi ito dahil sa kalawang.
Pagkatapos magpunas ng basang katawan, umupo siya sa gilid ng kama. Pinindot niya ang pasa tulad ng sabi ng lola niya noong magbakasyon sila dati sa Bulacan. Dapat lamugin ang pasa para mabuhay daw ang namuong dugo.


SA LABAS NG school entrance, nakatayo ang mga kaklaseng lalaki ni Pao. Kinindatan niya ang mga kaklase.

“Saglet,” turo niya sa uniform ng nakasalaming si Rodel. “Wag kang gagalaw.”

Hinila ni Pao ang puting sinulid na nakasabit sa nakatahing nameplate ni Rodel.

“Uy, thank you,” sabi sa kanya ni Rodel.

“Chong, me sagot ka na sa geom?” pag-uungkat ni Jason, ang pinakamatangkad at pinakamaputi sa klase nila. Inilabas ni Pao ang Sterling notebook niya sa Geometry.

“Yung sa chem?” sunod ni Jason.

Umiling si Pao. “Wala ‘tol, eh.”

“Ako meron,” sabad ni Rodel. Binuksan niya ang zipper ng backpack niya.

“Thank you, dude!!” Hinablot ni Jason ang notebook ni Rodel sabay-bali sa braso niya. Sa gulat, napaurong si Rodel sa mga kaklaseng nasa likod at napa-“Oooy!!” sila. Tinanganan ni Pao ang nakasalaming kaklase bago pa sila matumba lahat.


TEN MINUTES BAGO mag-bell, pumasok na sila sa loob ng gate. Nakasalubong nila ang mga college students na naka-white uniform. Sikat na medical school sa KaMaNaVa ang university. Katabi ito ng isang ospital na nagagamit rin sa internship nila. Dalawang magkalapit na mga building ang highschool at elementary.

Nakatingin kay Pao ang mga babaeng college students. Pati yung bading na kasama nila sa grupo halos mabali na ang leeg sa pagkakatitig sa kanya.

Nagngitian lang silang magkakaklase. Bigotilyo kasi si Pao at makapal ang kilay niya. Kinagat niya ang mga labi niya saka binasa ng sariling laway.

Papasok na sila sa highschool building nang biglang manlamig ang batok ni Pao.

May narinig siyang sutsot. Hindi naman tinawag ang pangalan niya pero hinanap niya kung saan iyon nanggaling. Sa bakanteng loteng may tanim na mga papaya at ginawang tambakan ng mga sirang inodoro, may batang nakatayo at nakatingin sa kanya.

May naramdaman siyang humawak sa braso niya. Pagtingin niya, nakakapit sa kanya ang batang nakita niyang nakatayo sa lote. Marungis ang kamay nito. At nangingitim sa dumi ang mukha.

“Ow shit!” Napasigaw siya sa gulat. Naihampas niya ang braso sa hangin para mapalis ang pagkakahawak ng bata sa tabi niya.

“Oy, dude okey ka lang?” pansin ni Jason sa pamumutla niya.

“Kulang lang sa tulog,” sagot ni Pao. Pinagpapawisan na rin siya ng malamig.


PASADO ALAS SINGKO nang mangyari sa klase nila. Sila na lang ang nagkaklase sa left wing ng building. Si Miss Maquimay ang teacher nila sa Chemistry.

Sobrang init nang hapon na iyon. Magsa-summer na kasi. Medyo mahina na rin ang dalawang bentilador sa magkabilang parte ng kuwarto. Nagpapaypay na ang ilan sa mga kaklase ni Pao.
Habang nagsasagot sila ng zeroxed copy ng reviewer, biglang may narinig silang katok.

Ilan sa mga kaklase ni Pao ang nakapansin. Pero sinaway sila ni Miss Maquimay na nakaupo sa harap ng teacher’s table at nagbubuklat rin ng Chemistry book.

Siguro wala pang tatlong minuto, nakarinig ulit sila ng katok. Palakas na nang palakas.

“Who’s that?!” galit na tanong ni Miss Maquimay.

“Ma’am baka may tao po sa labas,” singit ng isang kaklase nila.

“Sige, tingnan mo, Saberon,” utos niya sa nagsalita.

Tumayo si Saberon at tinungo ang nakasarang pinto. Nakasunod ng tingin sa kanya ang mga kaklase. Binuksan niya ang pinto at inilabas niya ang ulo niya. Hindi pa siya nakuntento at lumabas na talaga siya sa pintuan at nawala siya sa sipat ng mga kaklase niya. Naglakad-lakad siguro siya sa corridor.

Lumitaw ulit si Saberon sa tapat ng pintuan at nilingon siya ni Miss Maquimay. “Ma’am?”

“Wala pong tao,” sagot niya sa teacher na naghihintay sa kanyang magsalita.

“Sige maupo ka na,” utos niya. “Okey, class. Continue with what you’re doing,” utos niya sa klase.

Bog! Bog! Bog!

Ang lakas ng katok at pati si Miss Maquimay ay halatang nagulat.

“Class, stop knocking on your seats!” sigaw ni Miss Maquimay. Nahulog ang ballpen niya nang padabog niyang ibaba ang makapal na libro sa lamesa.

“Ma’am, sa labas ‘yun galing,” salo ng ilan sa klase.

“Class, stop joking.” Tumingin siya kay Jason. “Ramos!”

“Ma’am, hindi ako ‘yun!” nagrereklamong sagot ni Jason.

“Ma’am, galing po yata sa likod ng blackboard.”

Naniwala yata si Miss Maquimay dahil lumingon siya sa dulo ng blackboard. Bigla uling may kumatok at nakita niyang nalaglag mula sa board ang mga alikabok ng chalk.

Isang inabandonang CR ang katapat ng blackboard nila. Tinawag ni Miss Maquimay si Jason at inutusang samahan ang presidente ng klase para i-check ang katabing CR.

Pagbalik ng dalawa sinabi nila sa teacher na naka-padlock ang CR. Saka imposible nang mabuksan ‘yon dahil ginawa na itong bodega.

Nagsimula nang panindigan ng balahibo ang mga magkakaklase.

“Class, I think we should pray,” mahinahong paliwanag ni Miss Maquimay sa klase.

Inutusan niya ang klase na yumuko at pumikit. Pati ang mga Born Again sa klase ay sumabay sa pagdasal ng Our Father at isang Glory Be.

Pagkatapos nilang magdasal, tahimik ang klase. Pinakiramdaman nila kung ano ang mangyayari.
Nang biglang may kumalabog sa gilid. “What’s that?!” nanginginig na sigaw ng teacher sa klase.

Si Pao pala. Tumumba siya. Nakahandusay siya sa sahig sa tabi ng bag niya.
Dinala siya sa clinic.


ANG TAAS NG lagnat ni Pao. Inihatid siya nila Jason pauwi.

Sa bahay, lumapit sa kanya ang tita niya na madalas makausog. Nilawayan siya sa tiyan.
Nagpatawag sila ng magtatawas.

Sa harap ni Pao, umusal ng dasal ang magtatawas at saka pinatulo sa isang plangganang tubig ang sinindihan niyang puting isperma. Nakapalibot sa dalawa ang tita at lola niya.

Maitim ang tunaw na kandilang lumutang sa tubig. Korteng ahas ito.

“Ahas, ‘kita n’yo o,” sabi ng magtatawas sa kanila nang dakutin niya sa tubig ang tunaw na kandila. “Namaligno siya,” paliwanag niya sa tita ni Pao.

Tumingin ang magtatawas sa mga mata ni Pao. “Baka may naapakan kang engkanto.”

Naalala ni Pao na noong isang linggo ginabi sila sa praktis sa school. Umihi siya sa bakanteng lote na pinagtatambakan ng mga sirang inudoro. Sinabi niya iyon sa magtatawas.

“Eh eto po,” turo ni Pao sa pasa sa hita niya.

“Naku, ayan na sinasabi ko,” sabi ng magtatawas. “Itim na multo ang nagpakita sa iyo. Batang lalaki. Kinurot ka sa hita.”

Dinurog ng magtatawas ang natunaw na kandila at saka ibinalot sa diyaryo. Inutusan ang tita ni Pao na itago ang binalot na diyaryo sa ilalim ng kama ni Pao at sunugin ito kinabukasan para hindi raw sila balikan ng multo.


AYON SA MGA kuwentu-kuwento, anak daw ng dating janitor ang batang nagmumulto. Ito rin daw ang multong naglalaro sa Biology lab tuwing gabi. Nagsusuot sa ilalim ng mga mesa at ginagalaw ang mga silya. Walang makapagpatunay na totoo ang kuwento dahil hindi nila alam kung sino ang janitor na tatay ng bata.