Isang inaagiw na pintuan ang sumalubong kay Tatay pagkabalik niya galing ospital. Binaklas na ang pinto para maipasok ang kaniyang ataul. Biglang bagsak ang katawan niya simula noong gamutin siya dahil sa prostate cancer.
Si Tatay ang nakababatang kapatid ng lola ko. May sarili siyang pamilya. Dito na sila sa Isabela tumira mula nang mag-missing in action ang isang anak niya noong naroon pa sila sa Marikina.
Pagkatapos ng ilang taon, noon ko lang ulit nakita si Tatay. Hindi rin kasi ako umuuwi kahit sa bakasyon dahil sa trabaho ko sa Manila. Naalala ko iyong kasabihang nagkikita-kita lang ulit ang magkakamag-anak kapag may patay.
Napabayaan na rin ang bahay dahil sa pag-asikaso nila kay Tatay. Tinapalan na lang ng mga karton ang pinag-iwanan ng salamin sa lumang aparador na pamana ng lola nila. Lumulusot na ang mga gamu-gamo sa mga guwang ng bintanang yari sa kapis. Ingat na ingat na rin kami sa pag-apak sa kawayang sahig sa second floor at tipong magigiba na rin.
May nakita akong siwang sa kawayang sahig. Tumatagas doon ang liwanag mula sa ibaba. Lumuhod ako at dumukwang sa tapat ng butas. Nagulat ako sa nasilip ko. Tapat na tapat ang mukha ni Tatay na nakahiga sa ataul.
Ako lang ang nasa second floor noon. Tinitigan ko si Tatay mula sa kisame. Lubug na lubog ang pisngi niya. Alsado ang kulay ng make-up sa pusyaw ng mukha niya. Nagsasalubong ang mga kulubot hanggang sa leeg.
Bakas sa mukha ni Tatay ang naranasan niyang hirap sa ilang buwang pagpapagamot. Dagdag pa rito ang problema niya sa mga anak. Hindi pa rin nagpapakita ang anak niyang babae. At bukod sa pambabae ng dalawang anak niyang lalaki, wala pa silang mga trabaho. Ibinenta na nila ang lupang ipinamana sa kanila ng kanilang mga magulang. Pati iyong lupang pag-aari ng dalawa kong lola ay pilit nilang ibinenta.
Biglang umingit ang bintanang kapis. Nagulat ako. May malamig na hangin na humaplos sa braso ko. Nagsimulang gumapang sa dulo ng balahibo ko ang takot. Sinilip ko sa gilid ng mata ko ang gawing madilim. Pinakiramdaman ko kung may hahakbang sa hagdan. Baka may umakyat lang. Pero wala talaga.
Nailibing si Tatay at bumalik kami ng Maynila.
Pagkatapos ng ilang linggo, lumuwas naman ang pinsan ko. Pinaalala niya sa amin ang padasal para kay Tatay. May ikinuwento rin siya sa akin na ikinapanindig-balahibo ko.
“Oo, insan,” sabi niya.
“Ano nangyari?” usisa ko.
“Mag-iinuman kasi sila uncle sa tapat…”
“Hala! Kakamatay lang ni Tatay makikipag-inuman agad,” pangungutya ko.
“’Yun na nga e…”
“Lasing na ba siya?”
“Hindi pa nga sila nagsisimulang mag-inuman.”
“Grabe talaga!” sabi ko.
“Ganito ‘yun,” pagpapatuloy niya, “Umakyat si uncle sa second floor para kumuha ng pera. Walang tao sa second floor no’n. Bababa na sana siya.”
“O, ano nangyari?”
“Nadaanan niya ‘yung kuwarto ni Tatay. Di ba walang pinto ‘yun… kurtina lang.”
Tumango ako.
“May nakita siyang tao sa likod ng kurtina.”
“Hala! Imposible…”
“Akala nga niya si Tatay e. Sabi niya, ‘‘Tay, ‘wag n’yo naman akong biruin ng ganyan!’”
“Oo. Insan, andun pa yata si Tatay e. May naririnig nga kami mga yabag sa itaas kahit walang tao.”
“Baka nga. Minumulto niya kayo.”
Naintindihan ako ni insan. Tinutukoy ko iyong problema nila sa pamilya.
“Heto pa, pinsan,” sabi niya. “Hapon ‘yon, nagluluto si Nanay. Siya lang mag-isa sa bahay. May naramdaman siyang pumasok sa pinto sa harapan tapos umakyat sa second floor.
“May narinig siyang humakbang paakyat sa hagdan e. Akala niya si uncle. Tas pagkatapos ng ilang minuto tahimik na ulit.
“Tawag daw siya ng tawag kay uncle. Pero wala naman sumasagot. Kaya naisip daw niya na akyatin si uncle.”
“Tapos?”
“Tapos asa tapat na siya ng hagdan nang biglang dumating si uncle. ‘Sino tinitingnan n’yo d’yan, nay?’ sabi raw ni uncle kasi nakatanghod si Nanay sa itaas ng bintana.
“Napa-Diyusko! Diyusko! raw si Nanay.”
“Ba’t naman kasi iniiwan ninyo iyong matanda?”
“Wala talaga kasing tatao dun sa bahay e.”
Sasabihin ko sana na kasi pinalayas nila ‘yung pamilya ng katiwala sa bahay.
“Ito pa, insan…” sabi niya.
“Ngak! Meron pa.”
“Pati ‘yung mga kapitbahay nakikita si Tatay.”
“Pa’no ‘yun?”
“’Yung mga kapitbahay na dumadaan sa tapat, may nakikita silang lalaki sa loob ng bahay. Sa second floor.”
“Baka naman si uncle lang ‘yun.”
“Payat na lalaki ‘yung nakikita raw nila. Alam mo naman mukhang butete si uncle.”
“Baka galit si Tatay.”
Baka nga galit si Tatay dahil sa mga pinaggagawa ng asawa at mga anak niya. Kaya siya nagmumulto. Ngayon nabalitaan namin sa iba pang kamag-anak sa Isabela na balak ibenta nila Nanay at uncle ang bahay na ipinamana ng mga magulang ni Tatay sa kanilang magkakapatid. Pati kami dito sa Maynila ay nanggagalaiti na rin sa ginagawa ng mag-anak niya. Baka nagpaparamdam si Tatay para paalalahanan sila na kahit sa kabilang-buhay hindi nila maiiwasan ang hustisya.
Saturday, September 20, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment