Saturday, September 20, 2008

Strange Pilgrim

‘Yun ang unang biyahe sa Batangas ng kaibigan kong si Trevor. ‘Yun ang unang araw ng trabaho niya bilang surveyor. Nireto siya ng kaniyang tiyahin sa bilas nito. May experience na sa field research ang sabi ng tito niya kaya binigyan siya agad ng assignment.

Bumaba si Trevor sa tapat ng Big Ben. Sinundan siya ng titig ng mga drayber ng traysikel. Sumilong siya sa waiting shed at dinukot sa bulsa ang cell phone. Tinanggal niya ang suot na salamin, kinuskos ng laylayan ng t-shirt, at ibinalik ulit sa mata.

Sa kabilang kalsada, natanaw ni Trevor ang Chowking. Sa tabi nito, ang McDo. Sa McDo sila magkikita ng kausap.

Tumawid sa kalsada si Trevor. Halatang turista. Namimintog ang dalang back pack sa likod. Naninino ang mga mata sa bawat makasalubong.

Sa labas ng McDo nakangiting naghihintay ang kausap ni Trevor. Inabot nito ang kamay sa kaniya.

“Ako si Yol, repa,” pagpapakilala ng lalaki.

“Trevor,” abot niya ng kamay.


Sumakay sila ng traysikel.

Ipinasok ni Trevor ang hawak na pocketbook sa gilid ng back pack.

“Mahilig ka ring magbasa, repa?” singit ni Yol.

“Uh-oh,” ungol ni Trevor kasabay ng pagtango.

“Ano ‘yun?”

“Strange Pilgrims,” sagot ni Trevor.

“Sino nagsulat, repa?”

“Gabriel Garcia Marquez.”

Tumango si Yol. “Ang tindi ng init!” reklamo niya habang pinapahid ng panyo ang pawis sa leeg.

Sumipol si Trevor.

“First time mo?” usisa ni Yol sa kaniya.

Ngumiti si Trevor na parang nahihiyang birhen.

“First time mo…” Si Yol na ang sumagot sa sarili, sabay-Hehe.

Pinamulahan ng mukha si Trevor.


Bumaba ang dalawa sa tapat ng isang kulay-maroon na bungalow. Nakasara ang mga bintana ng bahay. May mga orchids na nakatanim sa bao ng niyog at nakasabit sa mababang alulod. Sa kaliwang parte ng bahay, nakaluwa ang likod ng aircon. Medyo malayo ang distansiya ng mga katabing bahay. Dinig na dinig ni Trevor ang siyap ng mga maya sa katahimikan.

Gamit ang isang limang pisong barya, kumatok si Yol sa kulay-lumot na gate.
“Tao po! Tao po! Aling Wena?” Nakangiti si Yol kay Trevor habang tinutuktok ang bakal.

Hinintay ni Trevor na gumalaw ang bagua na nakasabit sa pinto.

“Tuloy kayo,” sabi ng boses ng isang matandang babaeng lumapit sa kanila. May hawak siyang plastik na may lamang gulay.

“Aling Wena!” bati ni Yol sa babae.

“Namalengke lang ako sandali,” abiso ng babae. “Pasok kayo. Pasok. ‘Wag na kayong mahiya.”


Makulimlim na ang langit nang pumasok sila sa bahay. Malabo ang liwanag ng compaq fluorescent lamp. Biglang bumigat ang pakiramdam ni Trevor. Napansin niyang nakatitig din sa kaniya si Aling Wena tulad ng pagkakatitig ng mga tricycle drivers kanina. Napaismid siya. Ganito ba tumanggap ng bisita ang mga tao dito?

Maayos naman ang bahay na tutuluyan niya, naisip ni Trevor. May kuryente. May water tank. Hindi mauubusan ng tubig. “May water pump diyan sa labas,” turo ni Aling Wena. May shower ang CR. At may tatlong kuwartong tulugan. ‘Yung isang kuwarto may aircon pa.

Tinapik ni Yol sa balikat si Trevor. “Ipasok mo na lang ang gamit mo sa kuwarto.”

“Bakit hindi pa sa kuwartong may aircon, Yol? Nakakahiya naman sa bisita,” sabi ni Aling Wena.

“Kung makakatagal ka dun,” misteryosong sabi ni Yol kay Trevor.

“Bakit? Ano’ng meron sa kuwarto,” pagtataka ni Trevor.

“May multo raw kasi dun,” sagot ni Yol.

“Ganu’n po ba?”

“Ang laki-laki na ni Trevor, matatakot pa ba sa multo?” tawa ni Aling Wena.

“Ano? Gusto mo sa may aircon?”

“Oks lang,” sabi ni Trevor.

“Kung ayaw mo naman, dun ka na lang sa kabilang kuwarto,” paalala ni Yol.

Linggo noon, ang sabi sa akin ni Trevor. Sinadya niyang bumiyahe ng Linggo para may panahong makapaglibot.

Pero sobrang bigat ng katawan niya, hindi niya maintindihan kung bakit. Simula nang pagpasok niya sa bahay.

Sa kuwartong may aircon ipinasok ni Trevor ang gamit. Pero sira ang dutsa sa kuwarto, sabi ni Aling Wena. Kaya dala ang tuwalya, sabon, shampoo, at mga damit na pamalit, lumipat siya sa kabilang kuwarto para sa banyo roon maligo.

Pagbukas na pagbukas ng pinto, sumalubong kay Trevor ang lamig ng kuwarto. Kakaiba. Hindi naman aircon dito. At nakasara ang mga bintana. Hindi gumagalaw ang mga kurtina. Naamoy ni Trevor ang bango ng fabric conditioner sa mga punda ng unan at kubrekama.

Dahan-dahang tinawid ni Trevor ang kuwarto patungo sa pintuan ng banyo. Kakaiba ang katahimikan sa bahay. Akala mo umuungol ang pinto nang buksan niya.

Gustong guluhin ni Trevor ang katahimikan kaya nagpatugtog siya gamit ang kaniyang cell phone.

Malamig ang buhos ng shower. Pero habang nagkukuskos ng katawan si Trevor biglang may kumatok sa pinto sa labas. Tatlong beses. Malakas ang kalabog. Baka si Aling Wena ‘yun, naghanda ng miryenda, naisip ni Trevor.

“Sandali lang po!” sigaw ni Trevor mula sa pinto.

Pero palakas nang palakas ang kalabog sa pinto. Tigatlong ulit. “Sandali lang po!” sigaw ni Trevor na nagpaagos agad ng sabon sa katawan. Nagtapis ng tuwalya si Trevor at lumabas ng banyo.

Sumuot sa balat niya ang lamig ng kuwarto. Tumayo ang mga balahibo niya. Tinungo ni Trevor ang pintuan. Binuksan niya ang door knob. Hindi naman naka-lock.

Pagbukas niya ng pinto biglang namatay ang ilaw sa labas. Sumilip siya. Walang tao. Tinawag niya si Aling Wena. Si Yol. Wala talaga.

Nadatnan niyang nag-uusap sa kusina ang dalawa.

Nagsimulang matakot si Trevor. Nakangisi sa kaniya si Yol nang sabihin niyang sa sala na lang siya matutulog.

“Unang gabi mo dito,” paalala ni Yol.

Nakatingin lang sa kaniya si Aling Wena.


Nang gabing iyon, namahay si Trevor at hindi makatulog. Sinikap niyang ipagpatuloy ang pagbabasa ng Strange Pilgrims. Pero natakot siya sa isang kuwento roon—The Ghost of August—minulto ang mag-asawang bida na natulog isang gabi sa kastilyo.

Dinig na dinig ni Trevor ang kaba sa dibdib niya. Sinimulan niyang basahin ang susunod na kuwento pero nagsimulang mamigat ang mga mata niya.

Biglang pumitlag si Trevor. Nakatulog na pala siya. Madilim na madilim. Madaling-araw pa lang yata. Nagising siya sa lamig.

Kinapa niya ang kaniyang cell phone at pinasinagan ng liwanag ang paligid. Nagulat siya sa takot. Nakahiga siya sa kama. Nasa loob siya ng kuwartong walang aircon.

Kinaumagahan, pilit na inalala ni Trevor kung paano siya nakarating sa kuwarto mula sa sala.

“Baka naglakad ka habang natutulog, repa,” suhestiyon ni Yol.

“Hindi ko alam,” sagot ni Trevor.

Abut-abot ang paumanhin ni Trevor kay Aling Wena dahil nagpalipat siya ng tutuluyang bahay nang araw ding iyon.

No comments: