Monday, March 2, 2009

Klaymb

Tuwang-tuwa si Richard nang malaman niya na sasama ako sa pag-akyat ng grupo nila sa Batangas.

Nagkakilala kami sa isang joint climb ng mga mountain climbers galing sa iba’t ibang universities. Ang first impression ko nga sa kanya noon suplado kasi kahit ganoon ang complexion niya (mas moreno pa siya kay Richard Gomez) mukha pa rin siyang mayaman. Actually medyo secret crush ko nga siya noon dahil kahawig niya ang crush kong artista at taxi driver na si Richard Quan.

Siya ang team leader ng grupo nila. Naalala ko pa na pasulyap-sulyap siya sa akin sa mga activities mula nang ipakilala kami sa isa’t isa sa meeting place ng mga grupo sa Cubao. ‘Yung ngiti niya ang laging pumapasok sa isip ko. ‘Yung tipong ngiti ng true-blue babaero.

Advantage niya ‘yung ganoong attitude dahil nang lapitan niya ako noon habang nagpe-prepare kami ng pananghalian naging madali na para sa kanya ang pakikipag-usap sa akin. Siya pa nga ang nagdala ng lutuan at rice bag ko.

Nagbago ang first impression ko kay Richard (mas Richard Quan siya kesa Goma, buti na lang) dahil napaka-gentleman niya. Kapag magkasama kami lagi akong tumatawa. Kahit sa mga biruan namin hindi niya nakakalimutan na may respeto siya sa akin.

Medyo delikado ‘yung dapat sana ay una naming climb dahil Oktubre noon at nakabuntot pa rin ang siyam-siyam na pag-ulan. Kelangan talaga mag-ingat kahit na may guide dahil hindi ka sasantuhin ng panahon. Hindi mo alam kung kailan magbibiro ang kalikasan.

“Open na pala sa trekking ang Banahaw, baby. Akala ko bawal sa kanila,” kuwento ko sa kanya nang mabasa ko sa diyaryo.

“Puwede na ngayon maintenance climb,” paliwanag ni Richard. “‘Yung grupo nga nila Yayong me permission na ng DENR.”

“Ganun ba?” dugtong ko. Basa ulit ako ng diyaryo.

“Naka-ready ka na ba, baby?” tanong ni Richard sa akin.

“Uu.”

“Good,” sabi niya.

“Ay, sabi ni Kaptan iba na pala ‘yung trail na aakyatin natin sa Batulao.”

“Yep! Napa-update na ako run. Nga pala niregaluhan ako ni Mamang ng bagong gas stove.”

“Ows! Di nga?” excited kong usisa sa kanya.

“Joke! Pinahiram ako ng pera ni Mamang kaya nakabili na ako kahapon.”

Pinalo ko siya ng diyaryo sa asar ko. “Ikaw talaga! Lagi mo ko’ng binibiro. Huhu!” mukmok ko.

“Ikaw naman, baby.” Niyakap niya ako ng mahigpit at hinalikan sa likod ng tenga ko. Kung saan ako may kiliti.


Araw ng climb, nagba-brunch ang grupo sa isang kainan sa Tagaytay, nang sorpresahin ako ni Richard.

“Ano ‘to?” tanong ko sa kanya nang abutin ko ang ibinigay niyang bagay na nakabalot sa plastik.

“Tingnan mo!” sabi niya na nakangiti.

“Sige na nga,” sabi ko habang tinatanggal ang balutan. “Ikaw talaga! Ang kuripot mo. Nakaplastik lang talaga.”

“Hehehe…”

Pagbukas ko, isang shawl na kulay pula at orange ang regalo niya sa akin. Halos maluha ako sa tuwa.

“Happy anniversary…” bulong ni Richard sa tenga ko.

Sinalubong ko ang akbay niya. Niyakap ko siya ng mahigpit.

Palakpakan ang mga kagrupo niya habang tinutukso kami.

“Kiss! Kiss naman diyan!” “Wala bang kiss diyan?!”

Itinali ko agad sa dibdib ko ang bigay niyang shawl.

Idinampi ni Richard ang likod ng kamay niya sa leeg ko. “Mainit ka, baby.”

May lagnat nga ako noon. Medyo nasisilaw na ako sa liwanag.

“Sisipunin yata ako,” sabi ko sa kanya.

“Wag ka na kayang sumama sa pag-akyat.”

“Okay lang sa ‘yo?”

“Oo naman. Maiwan ka na rito. Ibibilin ko kina Tita Belle na dun ka muna sa kanila.”

Buti na lang may bahay ang tita ni Richard sa Tagaytay.

Pero nang dumating na kami sa bahay ng tita niya hindi rin ako mapakali. First climb namin iyon na magkasama. Kaya pinilit ko rin siya na sumama na lang ako.


Sa base camp, nagsimulang sumakit ang ulo ko. Parang kumikibot talaga ang mga ugat sa ulo ko.
“Magkakatrangkaso ata ako,” sabi ko kay Richard.

Na lumala pa. Dahil nang pumunta ako sa CR para magbanyo (shempre) Nadulas ako sa sahig.

Na-sprain ang kaliwang paa ko. Iika-ika akong naglakad palabas ng CR habang inaalalayan ako ni Richard.

Sign siguro iyon. Hindi na talaga ako pinayagan ni Richard na sumama sa grupo nila. Nagpaiwan na rin ‘yung isang babaeng kasama nila para asikasuhin ako.


Nagsimulang umambon ilang sandali lang pagkatapos nilang umalis. Sinasabi ko na nga ba, sabi ko sa sarili ko. Bigla akong kinutuban. Biglang lumakas ang ulan. Parang gripo na bumuhos ang balde-baldeng tubig.

Walang tigil ang pagbuhos ng malakas na ulan. Sobrang alala ko. Malamang ma-stranded sila sa trail.

Tatlong araw na ang nakalipas mula nang umalis sila nang mamataan kong may mga paparating sa base camp.

Paika-ika akong lumapit sa grupo ng mga mountaineers. Hinanap ko si Richard.

Inisa-isa ko ang mga mukha nila. May mga mukhang hindi ko kilala. Mga na-stranded din siguro sa pag-akyat. Basang-basa sila ng ulan. Namumutla na ang mga labi nila.

Lumapit sa akin ang pinakamatanda sa grupo. ‘Yung itinuturing nilang tatay.

“Si Richard?” bungad ko sa kanya. Mahigpit kong hawak ang shawl na nakatali sa leeg ko. Ang shawl na bigay ni Richard.

“Gayen…” pabulong niyang sabi. Hinawakan niya ang braso ko. Nangalisag ako sa hawak niya. Nangungulubot na ang mga palad niya sa pagkakababad sa ulan.

“Ano?!” ‘Yun lang talaga ang nasabi ko. Nagsimula akong kabahan sa ayos ng kaharap ko.

“O my God!”

Nanginig ang laman ko.

“Gayen,” sabi niya, “Nagka-landslide. Natabunan ang bf mo.”

Hindi siya nakaligtas. Si Richard. Wala sa kanila. Hindi nila kasamang bumaba.

Pumalahaw ako ng iyak. Hanggang sa kinagabihan, nang natutulog na silang lahat. Paika-ika akong naglakad papunta sa labas ng bahay sa base camp. Basa pa ang lupa.

Nagulat ako. Sa gitna ng dilim, may isang lalaking paika-ikang naglalakad palapit sa akin.
Si Richard.

“Baby,” sabi niya, mangiyak-ngiyak. “Baby, nagka-landslide. Ako lang ang nakaligtas.”

Hindi ako makapaniwala sa sinabi ni Richard. Namatay silang lahat.

No comments: