I was fortunate I got a job agad sa isang private hospital kahit hinihintay ko pa lang yung results ng board exam ko.
Yung first patient ko matandang Intsik. After a few days sa ospital inuwi na sa bahay nila. Kinuha akong caregiver.
After one week nagulat na lang ako sa text nila sa akin. Na-coma yung pasyente ko. Hindi natapos ang araw naka-receive ako ng balita. Namatay na siya. Nasa bahay kasi ako nun, day-off ko kaya kinilabutan talaga ako. First patient ko pa naman siya.
Bumalik ako sa hospital. Buti na lang tinanggap ulit ako ng admin. Kamag-anak kasi ng bf ko yung nagwu-work dun. Buti na lang kakosa rin niya yung mga resident doctors.
Isang Intsik ulit ang na-assign sa aking pasyente. Tawagin na lang natin siyang Mrs. Dee. May problema siya sa kidneys. 35% na lang ng kidneys niya ang gumagana. Matanda na rin kasi siya kaya hindi na magandang option ang operasyon.
“Malas mo, girl,” warning sa akin ng co-nurse kong si Ella.
“Bakit naman?” pagtataka ko.
“Si Mrs. Dee ang na-assign sa iyo. Alam mo ba ibig sabihin nun?”
Napatanga na lang ako.
“Matinik yang si Mrs. Dee,” sabi ni Ella. “Walang nakakasundong nurse yan, girl. Para yang me galit sa mundo.”
“Ganun ba?” sabi ko.
“Girl, lahat dito hindi niya kasundo. Minsan nga binabato pa niya ng gamit ang mga nurse. Matigas talaga ulo niya. Ingat ka.”
“O-okei. Thank you,” sabi ko.
Habang naglalakad ako papunta sa kuwarto ni Mrs. Dee naiisip ko na ang mga mangyayari. Paano ko siya aamuhin mahirap pala siyang makasundo? Baka mahirapan akong kunin ang bp niya. Baka mahirapan akong i-check ang dextrose niya pati yung ihi niya. Paano ko siya paiinumin ng gamot? Nagsasalimbayan ang mga ito sa utak ko.
Huminto ako sa tapat ng kuwarto ni Mrs. Dee. Huminga muna ako ng malalim bago ko binuksan ang pinto.
“Hello po,” nakangiting bati ko sa babaeng pasyenteng nakagapos sa dextrose. Nang mga pagkakataong iyon ay sinasalinan din siya ng malinis na dugo.
“Good evening po,” bati ng isang babaeng nakaupo malapit sa kama at nanunuod ng TV.
“Check up lang po,” sabi ko sa kanya. “Kayo po ang anak ni Mrs. Dee?”
“Pamangkin niya ako,” sagot sa akin ng babae.
“Ganun po ba? Check ko lang po ang bp niya.”
Nahirapan talaga ako kay Mrs. Dee. Itinataboy niya ang kamay ko habang tsine-check ko ang braso niya. Ni ayaw niyang palapitan.
“Ganyan talaga yan,” paliwanag ng kamag-anak niya.
“Salamat po,” sabi ko, “babalik na lang po ako after awhile.” Salamat naman at nakahinga na ako ng malalim.
The next time na pumasok ako sa kuwarto ni Mrs. Dee abut-abot ang ngiti ko. Todo-todo talaga ang rapport ko sa kanya. Hindi siya nagsasalita sa umpisa. May pagkayamot sa mukha niya. Nakatingin siya sa pader habang tinitingnan ko ang sitwasyon niya.
Pero isang beses nagulat na lang ako. Paalis nko ng kuwarto ni Mrs. Dee nang bigla niya akong tawagin. Nagulat din yung bantay niya.
“Bakit po?” pagtataka ko pero nakangiti pa rin.
Nagpapahatid pala siya sa CR.
Kinabahan ako. Muntik na ako mag-panic. Naisip ko kasi yung warning sa akin ni Ella at ng iba pang mga nurse. Na notorious si Mrs. Dee.
Pero mali pala ako. Mula noon naging close na kami ni Mrs. Dee.
“Sosyal!” tukso sa akin ni Ella.
“Anu ka?!” pamumula ng mukha ko.
“Magsabi ka nga. Ano’ng ipinakain mo dun sa matanda?” usisa pa ni Ella.
“Huy wala ha!”
Buhat noon nakakabiruan ko na si Mrs. Dee. Kapag may ibang nurse na pumapasok sa kuwarto niya lagi pa rin siyang nagwawala. Ako raw lagi ang hinahanap niya.
Day off ko ulit nang matanggap ko ang balita. Na-coma raw si Mrs. Dee. Lunus na lunos ako. Malas ata ako sa pasyente, lagi na lang silang naku-coma.
Pagpasok ko sa kuwarto ni Mrs. Dee. Tahimik na siya. Ang tanging maingay na lang ay iyong makinang nakakabit sa kanya para kunan siya ng heartbeat.
“Kumusta pasyente mo?” tanong sa akin ni Ella sa nurse station.
“Ayun…” sabi ko. Alam na siguro niya ang nangyari kay Mrs. Dee.
“Okay lang yan, girl,” alo niya.
“Hay…” sabi ko sabay talikod.
“O sa’n ka pupunta?”
“Tulog muna ‘ko sa quarters.”
“Tapos na shift mo?”
Tumango na lang ako sa pagod. Hindi na ako nakasagot.
Nasa loob na ako ng quarters nang may mapansin akong pasyenteng nakaupo sa labas. Restricted area ang sleeping quarters. Bawal doon ang mga pasyente at bisita. Tumayo ako para dunggulin ang pintuan.
Si Mrs. Dee pala.
“Hay, Mrs. Dee!! Ba’t nandito kayo? Bawal kayo rito” pagtataka ko. Hinawakan ko siya sa braso.
“Nauuhaw ako,” bulong niya.
“Ha? Teka kukuha ko kayo ng tubig. Upo muna kayo dyan.”
Pumunta ako sa water station para kumuha ng tubig. Pagbalik ko sa hilera ng mga upuan. Wala na si Mrs. Dee. Nasaan na kaya yun? bulong ko sa sarili.
Wala akong ka-aydi-idea nang bumalik ako sa nurse station.
“Girl, alam mo na?”
“Ang alin, girl?”
“Yung pasyente mo si Mrs. Dee binawian na ng buhay.”
“Ha?!” Namutla ako. Nalaman ko na lang kay Ella na yung mga oras na nakita ko si Mrs. Dee sa labas ng sleeping quarters yun yung oras na namatay siya.
Ikinuwento ko ang nangyari kay Ella. Pati siya kinilabutan.
Monday, March 2, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment