Tungkol ito sa pinsan ko sa Laguna, si Ruth. Sixteen lang siya noon. Tahimik at mahinhin si Ruth. Hindi makabasag-pinggan, sabi nga.
Isang araw, naglalakad si Ruth papunta sa sakayan ng traysikel malapit sa grocery. May napulot daw siyang isang kuwintas. Kulay-gold at may locket pa na korteng puso. Kumikinang daw ito nang mapansin niya sa tabi ng kalsada. Siya lang yata ang nakakita. Suwerte niya.
Nang makauwi si Ruth sa bahay ipinakita niya agad sa nanay niya ang kuwintas. Napansin din ng nanay niya ang locket.
Hindi niya matungkab, sabi ni Ruth.
“Gamitin mo ‘yung kutsilyo,” sabi ni auntie.
Nagmamadaling pumunta si Ruth sa kusina para kunin ang kutsilyo.
Pagbalik namumutla na siya, may balot na basahan ang kaliwang kamay.
“Ano’ng nangyari sa iyo, anak?” Biglang ninerbiyos si auntie.
Nadulas ang kutsilyo. Nahiwa ang hintuturo sa kaliwang kamay ni Ruth. Ayaw maampat ng dugo.
Nabuksan ni Ruth ang locket. Sa loob, isang picture ng babae, bata pa, ginupit din na korteng-puso para magkasya sa lalagyan. May nakaukit din na letrang R. Baka kapangalan pa niya ang babaeng nakawala ng kuwintas.
Isinuot ni Ruth ang kuwintas.
Kinabihan (siguro dahil sa nawalan ng dugo) nilagnat si Ruth. Kinumbulsyon daw siya, sabi ng mga kamag-anak namin doon.
Nagsasalita raw si Ruth habang natutulog. Hindi mo naman maintindihan ang sinasabi. Parang bumubulong. Parang naglilitanya ng kung ano. Parang may tinatawag.
Madaling-araw kinabukasan, bigla na lang daw bumangon si Ruth sa higaan.
Naramdaman daw ni auntie na may nagbukas ng pinto sa kuwarto ni Ruth. Magkatabi lang ang pintuan ng mga kuwarto nila. Naalimpungatan. Bumangon ito. Lumabas ng kuwarto. Nakita niya si Ruth, nakatalikod, pababa ng hagdan. “Anak…” tawag niya. Pero dire-diretso lang si Ruth papunta sa kusina.
Humarap si Ruth sa paminggalan. Naka-pajama pa at nakayapak. Binusisi niya ang mga pinggan at platitong nakasalansan, parang may hinahanap.
“Ruth,” tawag ng nanay niya na huminto sa gitna ng hagdanan. Sinilip siya.
Hindi sumagot si Ruth. Patuloy lang sa pagbusisi.
Nang mga sandaling iyon, may napansin si auntie sa anak niya. Parang mas mahaba ang buhok Ruth. Mas malapad ang balikat. Parang hindi si Ruth na anak niya. Pagtingin niya sa ibaba, puro putik ang mga paa ni Ruth. Biglang kinilabutan ang nanay niya. “Diyos ko, Ruth!” sigaw nito.
Nagising ang tatay ni Ruth. Tumakbo pababa ng hagdan.
“Bakit?” pagtataka nito. Naabutan niya ang asawang nakaupo sa panggitnang baitang ng hagdan. Nakabaon sa mga kamay ang mukha at umiiyak. “Bakit, nay?” ulit nito.
“Si Ruth,” sagot ni auntie.
“Si Ruth?” pagtataka ni uncle. “Si Ruth. Naandun sa kuwarto niya. Natutulog pa.”
“H-ha? Paano?” Sinilip ni auntie ang paminggalan. Walang tao.
Umakyat ang mag-asawa at pinuntahan ang kuwarto ni Ruth. Nandoon nga si Ruth, mahimbing na natutulog. Nanginginig daw ang mga kamay ni auntie.
Hindi nila alam kung namalikmata lang si auntie. O naglakad habang tulog si Ruth. Somnambulism. O naglagalag ang kaluluwa niya. Pero hindi roon nagtapos ang mga kakaibang nangyari sa pinsan ko.
Parang laging may ibang tao sa kuwarto ni Ruth. Masyadong mabigat ang pakiramdam nila auntie kapag pumapasok sila sa kuwarto. Nito lang sinabi ni uncle, bandang alas sais ng gabi iyon, sinilip niya si Ruth sa kuwarto. May nakita raw siyang isang babaeng nakaupo sa tabi ni Ruth. Kahawig ni Ruth kapag nakatalikod. Suot din ang damit nito. Nakayuko at nakatingin kay Ruth habang natutulog.
Isang linggo ring binatbat ng lagnat si Ruth. Hindi nila nalaman ang totoong dahilan.
Pero noong huling araw na may sakit siya. kumunsulta sila sa isang magtatawas. Nakatatakot ang resulta. Tinanong daw sila ng magtatawas kung may nabili ba si Ruth nitong mga nakaraang araw. Kung may napulot ba siya o ibinigay sa kaniya.
‘Yung kuwintas lang na may locket ang naisip ni auntie.
“Nasaan ang kuwintas?” agad na usisa ng magtatawas.
Suot-suot pa rin ito ni Ruth.
Agad na ipinatanggal ng magtatawas ang kuwintas.
Binalot nila ng diyaryo ang kuwintas kasama ng tinunaw na insenso at abo. Ibinaon daw nila sa hukay sa tabi ng kalsada sa tapat ng bahay nila.
Bigla raw bumaba ang lagnat ni Ruth. Bumangon ito na parang walang nangyari.
Isang araw, may nabasa sa diyaryo si auntie. Nahukay ang bangkay ng isang babae sa isang bakanteng lote. Pinagsamantalahan daw ang babae, sabi sa balita. Nagulat si auntie nang makita sa diyaryo ang picture ng babae. Kamukha ito ng babae sa locket na napulot ni Ruth.
Hindi nila alam kung paano napunta sa kalsada ang kuwintas ng biktima. Ngayon nasa Singapore na ang aking pinsan at doon na nagtatrabaho.
Monday, March 2, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment