Saturday, September 20, 2008

3,029 at 3,030

Bago pa tayuan ng footbridge ng MMDA ang EDSA Bagong Barrio, nilagyan na ng malaking harang ang island sa gitna. Ginawa kasi iyong tawiran ng mga tao. Mas malapit kasi ito sa sakayan ng dyip at traysikel papasok kaysa sa footbridge sa bungad ng Balintawak.


Isang hapong nag-abang ako ng dyip papuntang Monumento nakita ko iyong malaking paskil—3,028.


Mga alas tres ng madaling-araw nang makauwi ako galing sa inuman sa Malate. Nagtaksi kami ng tropa ko at ibinaba nila ako sa tapat ng pabrika sa EDSA Bagong Barrio. Magkakalayo ang mga road lamps kaya medyo madilim ang kalsada lalo na sa kinatatayuan ko. Malabo pa ang mata ko.


Inaninagan ko ang mga paparating na sasakyan. Mga kumukutitap na headlights ang nakikita ko kaya doble ingat. Lalo pa’t me amats na ako noon dala ng pinaghalong Red Horse at antok.


Pagtingin ko sa kanan may namataan akong taong papalapit. Medyo natakot ako, baka holdaper. Kinapa ko agad ang wallet ko. Isang matandang babae lang pala. May kasamang bata na hanggang baiwang niya.


Huminto ang dalawa sa tapat ng istasyon ng bumbero; mga ilang metro mula sa kinatatayuan ko. Naasar ako noon. Mas malapit kasi sila sa tulay sa Balintawak bakit hindi pa sila doon tumawid. Alam na nga nilang delikado. Sabagay may mga nababalitaan din kasi akong may mga tumatambay na holdaper sa itaas ng tulay.


Papalit-palit ako ng tingin. Sa mga humahagibis na mga sasakyan sa kaliwa. Sa mag-ina sa kanan. Isasabay ko ba sa pagtawid ang mag-ina? Medyo matanda na yata ang babae. Sinipat ko ang mukha niya. Alanganin ding tumawid ang dalawa.


Nakahanap ako ng tiyempo. Nagsimula na akong maglakad papunta sa island. Lakad-takbo. baka may biglang lumitaw na trak na walang headlights, patay ako. Dire-diretso ako sa gitna. Naalala ko iyong mag-ina. Wala nang tao sa tapat ng istasyon ng bumbero. Baka naglakad sila pabalik sa Balintawak, naisip ko.


Nakatayo ako sa tapat ng malaking karatula na may 3,028. Doon ko lang nabasa iyong sulat sa ilalim. Iyon ang bilang ng mga naaksidente na sa pagtawid sa gitna ng EDSA. Humaharurot ang mga sasakyan mula sa Quezon City at mga cargo truck naman ang kumakanan papuntang Bonifacio Ave. Sa kabila ng babala, marami pa rin ang tumatawid sa kalsada. Sinira pa nila iyong dating bakod para makalusot sa kabila.


Sa gawing ito ng kalsada mas delikado. Mas mabibilis ang takbo ng mga sasakyan galing Quezon City. Sa gawing ito mas maraming nasasagasaan. Kaya tinalasan ko ang paningin ko kahit nanlalabo na sa kalasingan. Tinanaw ko ang liwanag mula sa Mini Stop sa kabila. Hinintay kong mawala sa dilim ang mga kumukurap na headlights.


Dali-dali akong tumawid sa kabila.


Nakamata sa akin ang matandang lalaking nagtitinda ng balot sa tapat ng Mini Stop. Nakatengga ang dyip na papasok sa Bagong Barrio. Walang ibang laman kundi ang drayber na nagpapaypay ng diyaryo. May mga taksi sa tapat ng bilding ng Pag-ibig. May ilang traysikel ding naglalamay sa gilid.


Nagdalawang-isip ako kung sasakay ba ako sa likod o tatabi ako sa drayber.


Tumabi ako sa drayber.


Pagkalipas ng sampung minuto doon lang may pasaherong sumampa sa likod ng dyip. Bumaba ang drayber at bumili ng yosi. Sinipat ko ang namumutla kong pisngi sa side mirror at nag-bura ako ng messages sa cellphone.


Isinasara ko na ang zipper ng bag ko nang bumalik ang drayber sa tapat ng manibela.
Lumapit sa drayber ang isa pang lalaki. Nakasando lang at may nakasampay na bimpo sa balikat. Drayber din siguro ito, naisip ko. Ikinapit ng lalaki ang kaliwang kamay sa spare tire sa gilid ng dyip habang ikinamot naman sa kilikili ang kanan.


“Taga-saan daw, pare?” usisa ng lumapit sa katabi kong drayber na inilipat ang kamay sa taghiyawat sa kanang pisngi.


“Diyan daw sa Tirona, pare,” sagot ng katabi kong drayber.


“Wala na ‘yun, ano?” paninigurado ng lalaki.


“Ay, sigurado,” sagot ng katabi kong drayber. “Durog daw ang utak e.”


“E yung bata?”


“Yung bata kumalat daw ‘yung bituka sa semento.”


“Tsk. Tsk.”


Nakatitig lang ako sa kanila.


Umalis ang lalaki at bumili ng yosi sa mamang nagtitinda ng balot.


Limang pasahero na ang naghihintay sa likod namin ng drayber.


“Ano ‘yun, ‘noy?” usisa ng isang matabang babae malapit sa drayber. Nilingon ko ang babae. Nakasuot siya ng bota. May dala siyang timba na pinatungan ng maliit na bilao at transparent plastik.


“May nasagasaan po ng trak kagabi…” sagot ng drayber habang nakasilip sa salamin sa tuktok niya.


“Nasagasaan, ‘noy? Ay, kawawa naman.”


“Sino raw po ‘yung nasagasaan?” singit ng isa pang pasahero.


“Matanda po,” sagot ng drayber habang inaabot ang bayad ng isang pasahero.


“Babae?”


“Babae… Matanda saka isang bata.”


“Haaay!! Kawawa naman!” halinghing ng babae.


Bigla akong kinilabutan. Naalala ko iyong mag-inang nakita ko sa tapat ng istasyon ng bumbero sa kabila ng EDSA. Hindi ko sila nakitang tumawid. Wala akong namataang naglakad sa gilid ng kalsada. Baka sumabay sila sa akin.


No comments: