Sunday, September 21, 2008

Si Tatay

Sobrang close ng tatay ko at ni Ate Laila. May mga panahong nanunuod silang dalawa ng sine. Madalas nabibiro nga sila na magsyota. Baby face kasi ang tatay ko kaya akala mo halos magka-edad lang sila ni ate.

Ito ang dahilan kaya nung ipagtapat ni Ate Laila kina nanay at tatay na tinawagan na siya ng kumpanyang inaplayan niya sa Japan, halos ilang araw siyang hindi pinansin ng tatay.

Katakut-takot na pagsusuyo ang ginawa ni ate para hindi na magtampo ang tatay ko. Dalawang taon lang naman siya sa Japan, sabi niya. Maski na, sabi ng tatay ko. Mahaba ang dalawang taon.
Naisip ko rin iyon. Mahaba nga ang dalawang taon. Graduating na rin kasi ako noon. Ibig sabihin hindi makakarating si ate sa graduation ko. Ibig sabihin mawawala na ang pinakamamahal kong ate na hinding-hindi nagagalit kahit lagi kong kinukulit. Mami-miss ko talaga siya, sa loob-loob ko. Pero higit sa lahat mas mami-miss siya ni tatay.


Sa araw ng biyahe ni ate papunta ng Japan, ihinatid namin siya sa airport. Dinala ni tatay ang minamaneho niyang taxi. Buti na lang pinayagan siya ng may-ari. Natatandaan ko pa hindi mo makausap si tatay noon habang nagda-drive. Katabi ko si tatay noon. Sina nanay at ate naman magkahawak-kamay sa likuran ng taxi.

Pagbalik namin sa bahay, diretso sa kuwarto niya si tatay. Si nanay naman naiwan sa sala at nakatingin sa akin. Nagpaalam naman ako na magpapahinga muna.

Dumiretso ako sa kuwarto ni ate. Tandang-tanda ko pa ang kulay ng kurtina sa bintana niya. Lumilipad ang kurtina sa lakas ng hangin. Parang ibig ding kumawala sa pagkakatali. Tahimik na tahimik ang kuwarto. Basyo na ang aparador. Ipinamigay na rin kasi niya ang koleksyon niya ng mga stuffed toys sa mga pinsan ko. Ang naiwan na lang ay ang mga naka-frame niyang mga pictures. Mahilig magdi-display ng mga pictures niya ang ate ko simula noong bata pa kami. Natawa ako. Japang-japan na talaga siya kahit noong bata pa. “Say mo!” naisip kong sinasabi niya. Paborito niya iyong sabihin kapag nagbibiro siya sa aming pamilya.

Ilang linggo ring nanlumo ang tatay ko. Ibinaling niya ang lungkot sa pagmamaneho ng taxi. Ang nanay ko naman nahuhuli ko pa noong umiiyak habang pinagmamasdan isa-isa ang mga pictures na nakasalansan sa tukador sa kuwarto ni ate.

Mga ilang buwan ding kaming ganoon. Buti na lang uso na noon ang overseas calls kaya hindi na namin kailangang hintayin lagi ang kartero. Wala pa kasi kami noong personal computer. Pero me cell phone na kami, mumurahin nga lang. Mabilis ding nagte-text si ate kapag mayroon siyang padala.

Isang hapon, pag-uwi ko galing eskuwela nagulat ako at nadatnan ko sa bahay si tatay. Hindi niya kasi oras iyon ng pag-uwi.

“O, tay. Bakit?” pagtataka kong sabi pagkatapos kong magmano sa kanya.

“Etong tatay mo kasi,” sabi ni nanay habang hinihimas ang likod ni tatay.

“Hala. Bakit po?” Nag-alala na ako.

Napansin ko ang pangingislap ng mga mata ni tatay. Yung tipo bang nangingilid na ang mga luha.

“I-text mo nga ang ate mo,” sabi niya. “Kumustahin mo nga.”

"Sige po,” sabi ko. Hindi na ako nakaupo. Binuksan ko agad ang bag ko at hinagilap ang cell phone.

“Me load ka ba?” tanong ng nanay ko.

“Opo,” sabi ko. “Ano pong sasabihin ko?” usisa ko sa kanila habang pinipindot ang keypad.

“Kumustahin mo lang siya,” sabi ni tatay. “Kumustahin mong lagay niya roon.”

“Sige po,” sabi ko ulit.

Nai-send ko na ang text nang sabihin ng nanay ko na maupo muna ako at basang-basa ako ng pawis.

“Mainit,” sabi ko. Nagpaypay ako gamit ang dala kong bimpo. Pinaypayan ako ni nanay gamit ang punit na karton ng gatas.

Saka nagkuwento si nanay.

“Ito kasing tatay mo kung anu-ano ang nakikita,” sabi niya.

Nakanganga lang ako.

“Ang ate mo kase…” sabi ni tatay.

Nagda-drayb daw noon si tatay at naghahanap ng pasahero. May pumara sa kanyang isang babae. Primero hindi niya nakilala ang mukha. Pero nakaputi raw ito ng damit. Sumakay ang babae sa likod ng taxi.

Naabutan daw nila ang trapik sa EDSA. Etong si tatay komo maabilidad, sinabi sa babae na dadaan sila sa shortcut kung okey lang sa babae. Hindi raw ito nagsalita.

Nang silipin daw niya sa salamin ang pasahero niyang babae nagulat na lang daw si tatay. Kamukhang-kamukha ni ate ang pasahero niya.

Nasindak talaga siya. Akala niya si ate ang pasahero niya. Hindi raw niya pinansin at tumuloy sila sa shortcut.

Nang lumiko sila sa isang eskinita nagsimulang magkuwento ang tatay ko sa pasahero. Tahimik daw talaga ang pasahero. Parang wala siyang kasama. Nang silipin ulit ni tatay ang likuran ng taxi natakot na siya talaga. Walang tao sa likuran niya. Walang pasahero. Walang babae.

Nakakapagtaka ang karanasan ni tatay. Ilang oras pa nag-reply na si ate. Okey naman daw siya. wag daw kaming mag-alala.

Isang linggo ang lumipas. Mga alas otso iyon ng gabi. Kumakain kami ni nanay ng hapunan at nasa biyahe pa si tatay noon. Biglang nag-ring ang telepono.

Pagkasagot ko, si ate pala. Humahagulgol siya. Nasaan daw si tatay. Nagtaka ako. Sabi ko asa biyahe pa. Pinatawag niya si nanay. Si nanay ang kinausap niya.

Mag-isa raw kasi si ate sa bahay niya sa Japan. Pumasok siya ng kuwarto. Patay daw ang ilaw. Bigla na lang daw siyang may nakitang lalaking nakaupo sa gilid ng kama niya. Hindi raw niya makita ang mukha pero nakilala niya sa biyas ng katawan. Si tatay.

Pagbukas niya ng ilaw wala nang tao.

Nanginginig noon ang mga kamay ni nanay sa nerbiyos nang ikuwento niya sa akin ang sinabi ni ate. Bigla namang nag-ring ulit ang telepono. Dali-daling lumapit si nanay para sagutin.

Doon na naglupasay si nanay. Kapatid pala iyon ni tatay. Nasa ospital na raw si tatay. Hinoldap habang nagbibiyahe.

Hindi na namin naabutan nang buhay si tatay sa ospital.


No comments: