Thursday, September 3, 2009

Balete

Ang ghost experience ko nangyari sa school namin dati. Parochial school kasi ‘yun. Lumang-luma na talaga ang simbahan kaya marami nang ghost stories.

Mga alas singko na ‘yun ng hapon. Tapos na ang klase. Second year kami noon. Naghintayan kaming magkakabarkada. Kaming apat. Ako, si Ronald, si Paolo, at si Marlon. Tutuloy na kami sa tambayan namin sa isang karinderya sa tapat lang ng school sa kabilang kalsada.

“Ano’ng oras na?” tanong ni Ronald sa amin. Nakatingin na siya sa relo sa braso ni Paolo.

“5:30 na ‘dre,” sagot agad ni Marlon.

“5:25,” sagot naman ni Paolo. “Late ‘to ng ten minutes.”

Pareho pa rin silang hindi eksakto.

“Maaga pa pala,” sabi ni Ronald.

Tiningnan ko nang masama si Ronald. “Ano’ng maaga? Tingnan mo bukas na nga ang mga ilaw sa covered walk.”

“Sabagay.”

Nag-suggest si Ronald na dumaan kami sa lumang building ng kinder. Pang-umaga lang lahat ng klase sa kinder kaya mangilan-ngilan na lang ang mga tao roon.

“Long cut,” sabi ni Paolo.

Mapuno sa lugar ng lumang building. Nagkalat ang mga nahulog na tuyong dahon. Hindi pa siguro nakakapaglinis ang janitor. Pero anong oras na ‘yun? Nasaan na kaya siya?

Habang naglalakad bigla akong napatingin sa dating pinagkakatayuan ng puno ng balete.

Nakatingin din pala roon si Paolo. Nagkatinginan kami.

“’Dre...”

“Ano? Shit!”

Kumaripas kami ng takbo. Naiwan ang dalawa naming kaklase na hinabol kami.

Basang-basa kami sa pawis nang huminto kami sa pagtakbo malapit sa gate ng school.

“Nakita mo?” tanong agad sa akin ni Paolo.

“’Wag kayong ganyan!” sabi ni Ronald. Akala nilang dalawa ni Marlon nag-trip lang kaming maghabulan.

“Oo, nakita ko.”

“Ano’ng nakita n’yo?” usisa ng dalawa sa amin.

Pero kami ng kuwento ni Paolo. May nakita rin siyang isang taong nakabigti sa patay na sanga ng puno ng balete.

“Nakagapos ang mga kamay,” sabi ni Paolo.

“Nakatali sa likod,” dugtong ko.

“Nakita mo ‘yung mukha?”

“Nakayuko eh.”

“Oo nga. Nakayuko yata. Pero wala yatang mukha. Madilim.”

Madilim na rin kasi noon sa area.

Kakaiba pero hindi nakita ng dalawa naming kasama ang nakita namin ni Paolo. Kaya hindi sila makapaniwala.

Minsan sa klase napag-usapan na namin ang mga ghost stories sa school. Marami na rin pala ang nakaramdam ng kakaiba sa puno ng balete sa lumang building ng kinder. Kahit daw mga teachers na naiiwan doon. Kahit na tanghali.

Kaya siguro napagdesisyunan na patayin ang puno. Pinutol nila ang mga sanga ng puno. Pero naiwan ang katawan.

Sabi nila, may nagpapakita raw dati na matandang lalaki na nakatayo sa tabi ng puno ng balete. Nakasuot ng damit na pang-panahon ng Kastila. Minsan naman daw may naririnig silang hagikhik ng mga bata sa paligid ng puno.

Kinilabutan ako sa nangyari sa isang teacher sa kinder. Magtatanghali na raw noon. Habang nag-aayos daw siya ng gamit sa loob ng classroom may natanaw daw siya sa labas ng pintuan. Isang matandang babae na nakasuot ng damit noong unang panahon. Naglakad daw ito papunta sa direksyon ng puno ng balete. Pero dire-diretso itong naglakad at naglaho itong bigla. Parang pumasok sa puno.

Kahit nang putulin na ang mga sanga ng balete may nagpaparamdam pa rin. Para raw may boses ng matandang babae na umuungol.

Nakakita na rin ako nung sinasabi nila na orb. ‘Yung lumilipad na bolang apoy. Ang sabi nila, gumagalang kaluluwa raw ‘yun. Sa school din na ‘yun. Sa classroom naman.

Habang nagkaklase napatingin ako sa labas ng bintana. May nakita akong bolang apoy na pumasok sa siwang ng bintana. Papunta sa likuran ng classroom. Naramdaman kong namanhid ang mukha ko hanggang sa ulo ko. Parang pumipintig ang mga ugat sa ulo ko. Pati loob ng bibig ko namanhid din.

Hindi na ako lumingon sa likuran. Natakot kasi ako baka kung ano na makita ko o kung ano mangyari sa akin. Pero ako lang ang nakakita nung orb.

No comments: