Sabi nila, kapag nawala sa iyo ang taong pinakamamahal mo para ka na ring namatayan ng kapamilya. Ganun siguro ang tumama sa akin nang mawala si Denmark. Nang mga panahon ding iyon nagsimula ang mga pagmumulto.
Isang linggo na akong umiiyak. Tinext ako ni Denmark a week ago na magkita kami sa mall.
Nawirduhan ako sa pagiging tahimik ni Denmark habang kumakain kami. The usual: salpicao sa kanya; pork adobo naman sakin.
Pagkatapos naming kumain bigla niyang tinawag ang pangalan ko.
Bigla siyang nakipag-break sa akin. Tinanong ko siya kung bakit. Isang nagyeyelong sorry lang ang sagot niya. Tas bigla siyang tumayo at umalis habang naiwan akong nakatanga.
Hindi ko maubos-maisip kung ano ang dahilan ng pakikipag-break sa akin ni Denmark. Third party ba? Huling usap namin napagkasunduan namin na aayusin namin ang lahat sa relationship tas bigla siyang gaganun. Para akong gamit na basta na lang binitawan.
Isang tanghaling tapat noon, nakahiga ako sa kuwarto sa 3rd floor ng bahay namin. Pagud na pagod na ako kakaiyak. Nakatingin ako sa siwang ng pintuan. naririnig ko ang huni ng mga ibon na dumadapa sa mga tanim naming halaman. Unti-unting bumabagsak ang mga mata ko.
Bigla kong narinig ang pangalan ko. Basag ang boses. Parang uwak.
May nakita akong dumaan sa likod ng pinto. Bigla akong bumangon. Chineck ko kung may tao dahil alam ko namang ako lang ang nasa 3rd floor noon. Walang tao. Sumilip ako sa hagdan. Wala ring tao sa 2nd floor. Baka namalengke ang lola ko na tanging kasama ko sa bahay.
Isang lalaki. Naka-tshirt na puti yata. Naka-short. Nakita ko siyang dumaan sa likod ng pintuan. Pumasok ang anino niya sa kuwarto.
Sino’ng boses yung tumawag sa pangalan ko? Hindi ako nakapag-isip nang maayos. Tuyong-tuyo na ako kakaiyak. Idinaan ko na lang sa tulog.
Noong umalis si Denmark, iniwan niya ang puso niya sa akin. Hindi niya binalikan. Araw-araw pumapasok siya sa isip ko. Kahit nagliligpit ako ng pinagtulugan. Kahit nagpapasok ako ng mga labahin sa washing machine. Kahit naglalakad ako sa kalsada.
May mga panahon na akala ko siya yung lalaking nakatayo sa tapat ng pintuan ng MRT. Akala ko siya yung makakasalubong ko mula sa malayo habang naglalakad ako sa kalsada. Kahit sa kuwarto ko—sa mga kumot at unan—para bang naiwan doon ang amoy ng pabango niya.
Nasa bukana ng eskinita namin ang bakery ni Aling Lena. Tuwing umuuwi ako binabati niya ako ng ngiti. Siguro napansin niya ang bigat sa mukha ko kaya sinusundan niya ako ng tingin. Pero hindi na siya ngumingiti pag dumaraan ako. Kakaiba. Nakakunot ang nuo niya.
Isang hapon pauwi gutom na gutom ako kaya bumili ako ng tinapay sa b akery.
“Anak,” sabi ni Aling Lena, “’wag ka sanang mabibigla.”
Hindi ako nakaimik. Nagtaka lang ako kung ba’t siya magsasalita ng ganun sa akin.
“Anak, kasi…” sabi niya, “kasi laging may nakasunod sa iyo.”
Tumingin ako sa likuran ko. Wala namang tao.
“Kayo naman, Aling Lena. Tinatakot nyo naman ako.”
Kinuha ko ang plastik ng tinapay sa kamay niya. Thank you po, sabi ko bago ako maglakad papasok sa amin. Nararamdaman ko pa ang pagsunod ng titig niya sa akin.
Imposible namang linoloko lang niya ako. Tatlong linggo na pagkatapos ng break-up namin ni Denmark. Mabigat pa rin ang loob ko.
“Kadarating mo lang?” bungad sa akin ng lola ko.
“Opo.”
“Akala ko dumating ka na kanina.”
“Ha? Bakit po?” pagtataka ko.
“Parang me tao kasi sa kuwarto mo e. Me narinig akong kalabog kanina.”
“Baka daga lang yun.”
“Baka nga.”
Isang Sunday, nagsiesta ako sa kuwarto. May naramdaman akong tumapik sa braso ko. Sa lakas ng tapik, bigla akong nagising. Ako lang naman ang tao sa kuwarto. Mga one month na yun after ng break-up.
Matagal din akong nakaupo sa kama. Naalimpungatan. Kinukusot ko pa ang mata ko. Ayokong maapektuhan ng takot. Baka sa pagod lang yun. Matindi rin kasi ang emotional stress na pinagdaanan ko. Nang biglang tumunog ang cell phone ko. Malakas. Naiwan ko palang hindi naka-silent mode.
Si Denmark.
“Baby?”
Sinigurado ko kung siya nga yung nasa kabilang linya.
“Baby, tulungan mo ‘ko,” sabi niya.
“H-ha?”
Hindi ko alam kung tatawagin ko rin siyang baby o kung sasabihin ko ang pangalan niya.
“Tulungan mo ‘ko...”
Biglang naputol ang linya.
Come to think of it may pagka-weird na si Denmark mula noong huli kaming magkita sa mall. anong nangyari sa kanya? Naaksidente ba siya? ? Nag-attempt ba siya mag-suicide? Baka patay na si Denmark at multo na lang yung nakausap ko sa cell phone. Maraming mga kuwentong ganun. Kinilabutan ako.
Tinawagan ko siya sa landline.
“Bakit?” tanong ko sa kanya.
“H-ha?” tumagos sa oditibo ang pagtataka niya.
“Sabi ko ba’t ka tumawag.”
“Tumawag?”
Napika na ako. Puro tanong lang din ang sagot niya sa akin.
“Tumawag ka kanina sa cell phone. Humihingi ka ng tulong.”
“H-ha?” sagot niya ulit.
“Ba’t ba puro ka ha? Tumawag ka sa akin kanina sa cell phone. Humihingi ka ng tulong. Sabihin ko pa sa iyo kung anong oras.”
“Imposible,” sabi niya. “Ikaw nga ang tumawag sa akin e. Ipakita ko pa sa iyo ang cell phone ko.”
Inulit ko ulit sa utak ko ang nangyari. Nag-ring ang phone. Sinagot ko. Si Denmark. Tulungan mo ako, sabi niya. Baby, sabi niya. Tulungan mo ako. Ngayon sasabihin niyang ako ang tumawag sa kanya.
“Never mind,” sabi ko. Ibinaba ko ang telepono.
After a few seconds, nag-ring ang telepono. Nag-ring nang nag-ring. Hindi ko na ito sinagot.
Thursday, September 3, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
3 comments:
kinilabutan tuloy ako.
Magisa lang ako sa opisina habang binabasa ko...adik ka true to life story ba toh?
Casino - Blackjack, Slots, and Table Games - JTM Hub
› 충주 출장안마 casino › blackjack › 여수 출장마사지 casino › blackjack Casino · Blackjack · Blackjack 김제 출장안마 · Video 전라남도 출장샵 Poker · Blackjack. Blackjack. Blackjack. Play Blackjack 안동 출장샵 · Roulette · Video Poker. Blackjack. Blackjack. Blackjack.
Post a Comment