Meron akong sikreto na konti lang sa mga kakilala ko ang nakakaalam. Meron akong 3rd eye. Marami na akong nakitang multo. Sa bahay namin, sa bahay ng mga kaklase ko. Minsan sa simbahan sa kapitolyo. Kahit sa turo-turo sa kanto malapit sa bahay namin.
Pero ang pinaka-hindi ko malilimutan ay ‘yung nagpakita ang multo ng lola ko sa akin. As in face to face.
Ako ang pinakapaboritong apo ni Lola Choleng. Hindi naman nakapagtataka kasi sa kanya ako lumaki.
Old age na ang ikinamatay ni lola. Sabay-sabay na kumplikasyon sa lungs at kidneys. Isinugod siya sa ospital pero, ayun, dun na siya binawian ng buhay. Makikita mo na rin sa mukha niya, sa katawan niya, na hapong-hapo na siya. Kaya kumbaga isinurrender na namin siya kay Lord.
Sa punerarya siya ibinurol. Nung 3rd day ng kamatayan niya nagpakita sa akin si lola.
Umaga, dumiretso ako sa punerarya galing sa work. Night shift kasi ako sa isang call center sa Libis. Nadatnan ko ang mom ko, ang mga kapatid ko, saka ang tita at uncle ko kasama ang mga anak nilang bata.
Siguro mga isang oras din akong nag-stay sa burol.
Nagpaalam na ako kina mommy na uuwi na ng bahay. Actually hindi naman ako pagod noon dahil sa puyat. Hindi rin ako gutom. Pero me pasok din kasi ako kinabukasan saka me gagawin pa ako kaya kelangan ko na talagang umuwi.
Bago umuwi, naisipan kong pumunta muna sa CR. Mga isa’t kalahating oras din kasi ang biyahe mula sa punerarya papunta sa bahay namin.
May dalawang urinals sa loob ng CR. Saka isang cubicle na may toilet bowl. Medyo masangsang ang bungad ng amoy ng CR pagkapasok ko. Mukhang madalang itong linisin. Pero ihing-ihi na ako noon kaya tiniis ko na lang.
Ipinatong ko sa tabi ng lababo ang dala kong bag at saka ako naghugas. Tatlong lababo ang nakahilera sa akin. Iyong dalawa walang tubig ang gripo. Ang gumagana lang ‘yung gripo sa dulo kaya sa dulo ako naghugas.
Pagkatapos kong maghugas nagsuklay ako ng buhok. Nakatingin ako sa buhok ko nang biglang bumukas ang pintuan nung cubicle. Kinilabutan ako noon dahil ako lang mag-isa sa loob ng CR, sobrang tahimik pa. Pero kinalma ko ang sarili ko. Sabi ko, baka hangin lang. Nagpatuloy akong magsuklay.
Biglang nagtayuan ang mga balahibo ko sa braso. Sa gilid ng mata ko sinilip ko ‘yung kabilang dulo ng CR, dun sa mga urinals. Pagbalik ng mga mata ko bigla akong nasindak. Sa katapat kong salamin nakita kong nakatayo ang lola ko sa likuran ko.
Kumaripas ako ng takbo palabas ng CR. Nang may makita na akong mga tao—mga ibang nakikipaglamay sa ibang burol—nagbagal na ako ng lakad na parang walang nangyari.
Sinabi ko sa mom ko ang nangyari. Hindi sila makapaniwala. Sabi ko na lang uuwi na ako kasi biglang bumigat ang katawan ko noon. Para akong inaantok na hindi mo mawari.
After an hour, nagulat na lang ako. Nagtakbuhan pauwi ang mom at mga kapatid ko kasi nag-text daw ako na mamamaalam na sa kanila. Na-shocked ako kasi tulog ako all that time.
Ang paalam ko sa kanila uuwi ako. Nung nasa bahay na ako natulog lang ako. Pero may na-received daw silang text galing sa akin na parang mamamatay na ako at naghahabilin na sa kanila.
Nagtaka lang ako kasi wala akong load noon.
Hindi na ulit nagpakita sa akin si lola mula noong nangyari sa akin sa punerarya. Pero hanggang ngayon may mga nararamdaman pa rin akong mga kaluluwa sa paligid.
Thursday, September 3, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment