Ilang gabi na rin akong ginagabi ng uwi sa bahay. Malapit na kasi ang exam nun. Gawaan na ng projects lalo na ng santambak na research papers.
Nagkikita-kita kami ng mga kaklase ko sa kanya-kanyang bahay. Minsan sa fastfood. Dun na rin kami nagre-review sa ino-occupy naming table sa sulok.
May dala-dala na akong susi ng bahay. Alas diyes pa lang kasi ng gabi tulog na silang lahat. Lights off na. Ganun ang nakaugalian sa bahay namin. Nadala na namin yun mula nang lumipat kami dito sa Manila galing sa probinsiya.
Isang gabi dumating ako ng bahay ng pasado alas onse na. Shempre alam kong tulog na silang lahat.
Madali lang buksan ang gate namin. Ilulusot ko lang ang braso ko sa butas ng design sa gilid ng pintuan ng gate tas kakalawitin ko lang yung lock. Konting kanti lang magbubukas na yun. Dapat sakto ang kamay mo.
Medyo madilim ang daan papunta sa pinto namin pero kabisado ko na kaya kaya ko nang kapain. Medyo malamig din nang gabing iyon. Tumayo nga ang balahibo ko nang hipuin ako ng lamig ng hangin.
Huminto ako sa tapat ng saradong pinto ng bahay. Bukas ang ilaw sa sala tulad ng dati. Iniiwan nila yung bukas kapag may gustong bumaba para magbanyo. Katabi lang kasi ng sala ang kusina kung saan naroon ang banyo.
Itinapat ko sa kaunting liwanag sa nakasaradong mga bintana ang bag ko. Kinapa ko ang loob. Wala ang susi. Patay. Naiwan ko yata sa kuwarto kaninang umaga.
Ilang minuto ko ring kinapa ang bag. Inilabas ko na nga ang mga gamit sa loob. Binuksan ko lahat ng bulsa. Pero wala ang susi.
Katukin ko na kaya sila mama? naisip ko. Sira kasi ang doorbell. Mabubulabog ang lahat ng tao sa bahay kapag kumatok ako nang malakas. Magigising silang lahat. Ibinalik ko sa bag ang mga gamit ko. Nakaasar. Nabasa pa ang binder ko. Basa pala sa tapat ng pintuan.
Inis na inis ako sa sarili ko dahil sa katangahan. Out of the blue inikot ko ang doorknob.
Biglang bumukas ang pinto.
Sino naman ang nakaiwang bukas ang pinto? Lagot. Malamang may masesermunan nito. Baka lumabas lang si daddy. O baka hindi pa rin nakakauwi si Tanya, ang nakababatang utol ko.
Blessing in disguise. Nakapasok ako ng bahay.
Walang tao sa sala. Kumikisap-kisap ang ilaw habang tumatawid ang isang butiki sa kisame.
Wala ring tao sa kusina.
Tulog na siguro sila lahat.
Bago ako dumiretso sa kuwarto tsinek ko muna sila. Tulog si Tanya sa kuwarto niya. Tulog na rin sina mommy at daddy. Sa loob ng kuwarto ko, naghubad agad ako ng uniform at nag-shorts. Kinuha ko ang tuwalya.
Bumaba ako sa sala. Dumaan ako sa kusina. Isinara ko ang pinto ng banyo, isinabit ko ang tuwalya sa sampayan, at saka nagsimulang magbuhos ng tubig.
Magtu-twelve na siguro. Ang lamig ng tubig. Napapapadyak ako sa ginaw.
Nagsasabon ako ng katawan nang biglang tumayo ang mga balahibo ko sa braso. Parang may sumisilip sa akin. Dahan-dahan akong tumingin sa maliit na bintana ng banyo. Anino lang ng mga dahon ng puno sa likod-bahay ang nakita ko. Pero may naramdaman talaga ako nakatingin sa akin.
Dali-dali akong nagbanlaw. Nagpupunas na ako ng tuwalya nang may marinig akong umupo sa couch sa sala. May nagising kaya sa kanila?
“Mommy?!” sabi ko. “Tanya?!” tawag ko.
Pero walang sumagot. Tahimik pa rin ang paligid.
Lumabas ako ng banyo.
Nagulat ako sa nakita ko.
Patay ang ilaw sa sala. Ba’t ganoon? Iniwan ko yung nakabukas bago ako maligo.
Pinigil ko na lang ang takot at binuksan ko ang ilaw. Sabi ko, baka may nagising at nakaramdam na asa bahay na ako.
Kinaumagahan, ikinuwento ko sa kanila ang nangyari. Sabi ni mommy, isinara raw ni Tanya ang pinto. Tsinek nga niya ulit kung naka-lock talaga bago sila umakyat sa kuwarto.
Saka walang bumangon para bumaba nang mga oras na iyon. Kung ganoon sino ang nagpatay ng ilaw sa sala? Baka raw ako.
Thursday, September 3, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment