Isa akong nursing student. A year ago, lumipat kami ng residence. From north to south. Halos tatlong oras ang biyahe mula sa bago naming bahay papunta sa school. Nahulog nga ang katawan ko pagkatapos ng ilang linggo. Sabi ni mama, kesa antayin kong maging anemic ako, kumuha na lang ako ng dorm.
Nagkalat ang mga boarding house sa paligid ng school. Makakapag-canvas ka talaga ng lugar. Yun nga lang. Magtitiis ka sa mura kasi bukod sa inaanay na ang bahay, masisikip pa ang mga kuwarto.
Suwerte naman kasi yung kuya kong nasa Saudi ang nangakong magsusustento ng renta ko kaya yung bagong tayo na ang kinuha ko.
Tig-dalawa ang occupants per room. Apat ang kuwarto. May kuryente, tubig, at lutuan na rin. So okay na.
Bawal sa dorm ang mga bata.
Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpapasok ng mga bata sa dorm, bilin ng may-ari. Isang matandang dalaga ang may-ari, si Aling Lydia. Ubanin na ang matanda. Tattoo ang mga kilay. At makapal ang lipstick kahit umagang-umaga. Lagi siyang may dalang pamaypay. Amoy beha siya kahit hindi naman siya Intsik.
*
Tuwing weekends umuuwi ako sa bahay namin. Tas bumabalik ako sa dorm tuwing Sunday ng hapon. Isang diretsong biyahe ng bus ang dorm mula sa bahay namin. South to north.
One time bumaba ako sa tapat ng mall. Isang jeep ang layo nun sa school namin. May kailangan kasi akong bilhin sa mall. Gamit sa project. Wala akong nakita na gusto kong bilhin kaya umalis din agad ako.
Naglalakad na ako papunta sa sakayan ng jeep nang may mapansin akong batang sumusunod sa akin. ‘Yung normal na mukhang pulubi na bata. Marungis, payat. ‘Yung parang rugby lang lagi ang laman ng tiyan.
Sumuut-suot ako sa mga kariton ng mga nagtitinda ng goto, prutas, at lamang-loob. Pero nakabuntot pa rin sa akin ang bata. Nakakaasar na dahil hihingian lang ako ng barya neto, naisip ko.
Shempre hindi ko naman bibigyan.
Buti na lang at nakasakay na ako ng jeep. Marami nang pasaherong nakasakay kaya sandali lang at umandar na ang jeep.
Tiningnan ko sa labas ng bintana ang bata. Wala na siya. Buti naman. Napanatag ang loob ko. Baka may iba na siyang nakitang susundan.
*
Bumaba ako sa bukana ng eskinita papunta sa dorm. Sa isa pang kanto pagkalampas lang ng school ang dorm ko.
Nakakakilabot! Nakita ko ‘yung bata sa kabilang kalsada. Nakatingin sa akin.
Sa takot ko kumaripas ako ng takbo papunta sa dorm. Nataranta talaga ako at nanginginig pa pagkapasok ko ng bahay. Nakampante lang ako nang makita ko ang mga dormmates ko na mga classmates ko rin.
Natawa pa sila nang ikuwento ko na may sumunod sa aking batang yagit.
*
Kinagabihan habang nanunuod kami ng TV at nagre-review/gumagawa ng assignment sa sala, dumating si Aling Lydia, ang aming landlady.
Ugali na niya ang dire-diretsong pagsasalita. Rambol na ang mga sentences. Madalas nagkakabuhul-buhol na nga. “May gasul pa ba kayo? Kelangan na ata palitan ang antenna ng TV. Medyo malabo na ang reception. ‘Wag kayong mag-iwan ng nakabuyangyang na pagkain sa mesa. Lalapitan tayo ng mga ipis at daga rito. Pupunta ako bukas sa Divisoria. May papabili ba kayo?”
May takot din kami kay Aling Lydia kaya attentive din kami.
“Saka pala, Nicole,” harap niya sa akin, “nakauwi na ba ‘yang pinsan mo?”
Nagkatinginan kaming magkaka-dorm.
“’Yung kasama mong bata kanina pumasok dito. Alam mo naman ang bilin ko tungkol sa mga bata.”
“Wala naman pong kasama si Nicole pagdating niya,” salo ng classmate ko.
“Oo nga po.”
“Wala ba? O siya. Ilista n’yo na lang kung may pabibili kayo sa Divisoria.” Saka umalis na may palaisipan sa mukha si Aling Lydia.
*
Hindi ko maubos-maisip na isang multo ‘yung batang nakasunod sa akin nang araw na iyon. At hindi lang siya mag-isa. May kasama pa siyang mga kalaro.
Hindi ko alam kung gaano sila karami. Lima, sampu. Pero nakuwento ng isang dormmate ko, minsan, habang mag-isa lang siya sa kuwarto, may narinig siyang mga boses ng batang naglalaro sa sala. Shempre nagtataka siya dahil bawal ang bata sa dorm.
Minsan naman nagigising na lang kaming magulo ang mga gamit sa sala. Nakatagilid ang sala set. Bagsak ang mga silya ng kainan. Minsan may mawawalan ng gamit sa kuwarto. Minsan may biglang magbubukas ng TV sa kalagitnaan ng gabi.
Kinalaunan medyo nabawasan ang mga pagpaparamdam. Nabawasan na yata ang mga bata sa dorm. Pero may mga natira pang ilan.
Thursday, September 3, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment