Monday, November 15, 2010

Katrina

Katrina ang pangalan ng anak ng katulong naming si Ate Mercy. Kapangalan ng bagyong nanalanta sa New Orleans. Kuwento ni Ate Mercy, tulad ng katukayo ng anak niya, parang malakas na bagyo rin si Katrina, “Lahat ng daanan niyan akala mo nagiba.”

Magnu-nuwebe anyos lang si Katrina. Nag-stop siya ng pag-aaral last year dahil na rin sa wala siyang pampaaral. Kalagitnaan ng taon, tinamaan ng sakit sa atay ang asawa ni Ate Mercy dala ng sobra nitong pag-inom ng alak.

Sobrang maaawa ka talaga sa kuwento ni Ate Mercy. Noon kasing maospital ang asawa niya, si Katrina na mismo ang nagsabi sa nanay niya na hihinto na lang siya ng pag-aaral. Sasama na lang siya sa mga kapitbahay niyang nagtutuhog ng sampaguita para ilako sa simbahan para makatulong sa pagpapagamot ng tatay niya.

“Ayoko man,” nanginginig ang boses na kuwento ni Ate Mercy, “hindi ko na siya kayang pag-aralin. Kung kani-kanino na nga ako nangungutang.”

Kung kani-kanino na rin siya nagpagamit para mairaos lang ang pamilya niya lalo pa nang lumala ang sakit ng asawa niya. Hanggang sa makarating na nga siya dito sa Maynila; sa amin para magkatulong.

Dalawang oras ang biyahe mula sa kanila sa Bulacan. Doon sa kanilang barung-barong sa tabi ng ilog naiiwang mag-isa si Katrina. Lingguhan kung umuwi ng Bulacan si Ate Mercy. Isinisingit ni Ate Mercy ang pagte-text kay Katrina kahit tambak siya ng trabaho dito sa bahay. Para kumustahin siya roon sa kanila.

“Paano siya kumakain?” pagtataka ko.

“Ibinibilin na lang siya sa kapitbahay namin. Inaabutan ko na lang ng kaunting pera pangkain niya. Naiintindihan naman nila, kelangan ko talagang kumayod.”

Isang linggong bumuhos ang malakas na ulan. Alalang-alala si Ate Mercy sa kanyang anak na naiwan sa barung-barong nila. Hindi niya mabitawan ang cellphone. Nakatutok sa balita. Naghihintay kung may report na ba sa kanilang barangay sa Bulacan.

Sunud-sunod ang text niya sa anak niya. Sunud-sunod din ang text niya sa mga kapitbahay. Kaunting kaluskos, nagugulat si Ate Mercy. Akala nag-ring ang kanyang cellphone. O may text na pumasok.

Pero walang reply mula sa anak niya. Wala ring reply sa kapitbahay.

Nakatapos na siyang maghugas ng mga platong pinagkainan. Nalinis na rin niya ang lababo. Nanunuod kami noon ng late night news. Ibinabalita ang pagtaas ng baha sa maraming lugar sa Maynila at Bulacan.

Pinapanuod namin balitang umapaw ang ilog sa lugar malapit sa bahay ni Ate Mercy. Pinapanuod namin ang rumaragasang tubig na kulay putik. Lumulutang ang mga sanga ng puno at mga basura.

“Haaay! Diyosko!!”

Biglang tumambling si Ate Mercy.

“Bakit? Ano’ng nangyari?”

Nagulat din ang lola ko sa kanya.

Nakita niya si Katrina.

“Saan?”

Pinasadahan ko ang aking memorya. Wala akong matandaang batang babae sa dinaanan ng camera. Nalunod ba siya? Nakatayo ba siya katabi ng iba pang tao? Sinasagip? Ano?

Nakita siya ni Ate Mercy na nakatayo sa gitna ng baha. Ang kanyang si Katrina, magulo ang buhok, puno ng putik ang mga braso at binti. Nakalutang ang mga talampakan sa tahimik na baha sa binagyong sapa. Mabilis na mabilis lang daw nang makita niya.

Imposible namang makatayo sa ibabaw ng tubig ang anak niya. Multo? Ano ang ibig sabihin noon? Wala pa siyang balita sa kanila. Maiyak-iyak na siya.

Kinaumagahan lang niya nalaman ang balita, mula sa kapitbahay na nagpasok sa kanya, na umabot hanggang baiwang ang baha sa kanila. Nakituloy si Katrina sa kapitbahay nila pero inabot din ng baha ang loob ng barung-barong.

Itong si Katrina ay nagpaalam na babalik sa kanilang bahay, may naiwang kung ano. Hindi pinayagan. Tumakas. Bumalik sa kanila. Inabutan ng rumaragasang baha. Pilit sigurong kumapit sa tinatangay na ring mga puno. Puro sugat ang mga braso nang matagpuan. Patay na si Katrina. Nalunod sa baha.

Si Katrina ba iyong batang babaeng nakita ni Ate Mercy sa TV? Nagparamdam ba sa kanya ang anak niya?

No comments: