Tahimik ang lugar na nilipatan namin sa Maynila. Kakaiba nga, dahil para itong isang hiwalay na lugar dahil napaliligiran ito ng mga barangay na pinuputakti ng mga tambay na tsismosa at lasinggero. Ng mga nagtitinda ng itlog na orange at barbeque. Mga barangay na pinuputakti ng mga magkakalabang gang kaya madalas din ang mga riot.
Pagliko mo sa barangay namin tahimik na. Nakasara ang mga bintana at pinto ng bawat bahay. Binubukod din ng mga kapitbahay namin ang kanilang sariling pamilya. Mga me kayang pamilya kasi halos lahat ng mga nakatira sa amin na kung pwede lang e tatayuan ng mataas na bakuran ang harap ng bahay nila.
Nilalakad ko lang papunta sa amin para makatipid. Para na rin makabili ng itlog na orange sa labas na mimiryendahin ko bago ako matulog.
Isang gabi, naglalakad ako pauwi galing sa school. May nakita akong isang lalaki sa may kanto malapit sa amin. Medyo madilim noon sa kanto. Nasira yata yung ilaw sa poste noong gabing iyon.
Nakatayo lang ang lalaki sa tabi ng poste. Parang naghihintay ng traysikel. Medyo inaantok na rin ako noon dahil sa sobrang pagod ko sa school kaya hindi ko na rin makontrol ang ginagawa ko. Pero napansin ko na tinititigan niya ako kaya inaninag ko siya sa dilim.
Nang papalapit na ako, nasigurado ko, oo nga, tinititigan nga ako ng lalaki. Sinubukan kong kilalanin ang mukha niya. Baka kapitbahay na kilala ako sa mukha o kung sino. Bigla ba namang may traysikel na lumitaw mula sa likod ko. Bumusina ng malakas kaya nagulat ako. Muntik na akong mabangga. Siguro naglalakad na ako sa gitna ng kalsada noon. Hindi ko namalayan dahil sa sobrang antok.
Paglingon ko sa poste, wala na roon ang lalaki. Bigla akong kinilabutan. Nakakita yata ako ng multo. Hindi ko naman napansin kung nakatapak nga ang mga paa niya sa lupa dahil sa dilim.
Pag-uwi ko sa bahay, ikinuwento ko ito agad sa ate ko. Laking gulat ko nang malaman kong hindi lang pala ako ang naka-engkuwentro sa multo ng lalaki. Marami na pala sa mga kapitbahay namin ang nakakita sa kanya.
Tugmang-tugma ang sinabi ng ate ko sa itsura ng lalaking nakita ng mga kapitbahay namin.
“Mga 20 years old. Medyo payat. May kaitiman ang balat. Nakabihis ng puting polo, parang uniporme. May nakasukbit na bag sa likod.”
Hindi ko maalala na may dala siyang bag pero sigurado ko na nakaputi siyang polo. Nakasuot ng pantalong itim. Oo, uniporme nga ng estudyante. Kaya akala ko kapitbahay namin na nakikita ako sa may labasan. Baka balak akong batiin kaya nakatingin sa akin noon kahit sa dilim.
Sabi ng mga nakakita, nakatayo ang multo ng lalaki sa tabi ng poste. Naghihintay. Lahat ng mga multo ay naghihintay. Kaya hindi sila makapunta sa liwanag.
Naghihintay ang lalaki sa tabi ng poste. Hinihintay niya ang girlfriend niya na nakatira sa kabilang barangay. Hindi sila legal. Anak ng sundalo ang babae. Doon sa tabi ng poste sila nagtatagpo.
Isang gabi, pinagtripan ng ilang miyembro ng gang ang lalaki. Pinagsasaksak. Doon mismo sa tabi ng poste. Doon siya iniwan. Doon siya namatay. Walang nakasaksi sa krimen. Walang makapagturo sa mga suspect.
Sabi naman ng iba, nadiskubre ng tatay ng girlfriend niya ang pinaggagawa nila, ang relasyon nila, kaya pinapatay siya.
Noong gabing naghintay siya roon, hindi dumating ang babae.
Kaya hanggang ngayon patuloy siya sa paghihintay sa girlfriend niya. Sa kanto sa lugar namin. Sa tabi ng poste na pundido na ang ilaw. Hindi matahimik ang kaluluwa niya. Umaasa pa rin, kahit sa kabilang buhay, na babalikan siya ng babaeng mahal niya.
No comments:
Post a Comment