Isang pangyayari sa buhay ko ang hindi ko makakalimutan. Nangyari ito noong nagbakasyon sa amin ang pinsan kong si Ben last sembreak.
Third year highschool si Ben. Matangkad, payat, at maitim. Maliit lang ang bahay namin kaya sa tabi ko siya matutulog.
Noong unang araw na dumating siya, walang siyang imik na nakaupo sa sala. Sinusundan niya kami ng tingin, isa-isa. Kahit noong pormal na kaming ipakilala sa isa’t isa (sa probinsiya kasi siya lumaki), parang hindi pa rin nagbago.
Kinagabihan, nakakuwentuhan ko si Ben. Yakap ko ang gitara ko at tinitipa ang mga kanta sa songhits nang mapansin ko siyang nakatitig sa ginagawa ko.
“Marunong ka maggitara?” tanong ko sa kanya.
Tumango lang siya.
Inabot ko sa kanya ang gitara. Hindi na niya kailangan ng songhits. Kabisado niya ang mga kanta. Kaya nag-jamming kaming dalawa.
Nang mapagod siya, isinoli na niya sa akin ang gitara. Tumayo siya at pumunta sa tapat ng bintana sa kuwarto ko. Buti naman malakas ang hangin noon. Masyado kasing maalinsangan.
“Ano tinitingnan mo diyan?” usisa ko sa kanya.
“Wala naman,” sabi niya. Pero hindi pa rin maalis ang pagkakatitig niya sa labas.
Tumayo rin ako para lumapit sa bintana. Nakatingin pala si Ben sa kabilang bahay.
“May babae,” sabi niya.
“Babae?”
“Babae… May hawak na kandila.”
Ipinakita pa ni Ben kung paano ang hawak ng sinasabi niyang babae sa kandila.
“Guniguni mo lang ‘yan!” biro ko sa kanya pero hindi ko alam kung bakit kinilabutan ako nang sabihin niya iyon. Nang tumingin kasi ako sa kabilang bahay, patay ang ilaw sa kanila. Sigurado ko kasi nakabukas kasi ang bintana. Paano makikita ni Ben ang tao sa kabila kung patay ang ilaw?
“May nakikita ka talaga?”
Tumango siya ulit.
“Naglalakad ‘yung babae, me hawak na kandila,” sabi niya. “Parang may hinahanap.”
“Ano itsura?”
“Maliit. Maigsi lang ang buhok. Bilog ang mukha. Medyo malabo ang mukha niya. Madilim kasi.
“Naglalakad lang siya.”
Sinubukan kong itutok ang mga mata ko sa bintana ng kabilang bahay. Baka may makita rin ako. Baka may lumitaw sa dilim. Pero wala.
“Nawala siya,” sabi ni Ben.
“May third eye ka?”
Hindi ako sinagot ni Ben.
“Ayan na ulit!” sabi niya. “Naglalakad na naman siya.”
Nang biglang nag-brownout. Nagsigawan ang mga kapitbahay namin. Mag-aalas nuwebe na kasi ng gabi.
“Teka,” sabi ko kay Ben na hindi ko alam kung paano, “bababa lang ako saglit. Kukuha lang ako ng kandila.”
Kinuha ko ang flashlight sa cabinet ko. Binuksan ko. Nagulat ako nang itutok ko kay Ben ang flashlight. Kumislap ang mga mata niya na nakatitig sa akin.
“’Wag ka namang manggugulat!” tawa ko sa kanya.
Nang makabalik ako dala ang kandila, ako na ang nagkuwento kay Ben. This year lang, nagkasunog dito sa me lugar namin. Actually, nasunog ang bahay sa tapat. Brownout din noon. Naiwan ng kapitbahay naming babae ang kandila na nakapatong sa lamesa. May dalawang anak ang babae.
Nakatulog ang babae at ang mga anak niya na may sindi pa rin ang kandila. Hinangin. Natumba. Nagliyab ang sahig at kumalat ang apoy sa buong bahay nila.
Buti hindi nakaabot sa amin ang sunog. Pero madaling natupok ng apoy ang bahay sa kabila dahil yari sa kahoy ang bahay.
Namatay ang babae at ang dalawang anak niya.
Ang ipinagtataka ko, nasaan ang multo ng dalawang bata. Bakit hindi sila nakita ni Ben?
Hindi niya raw alam.
“Nandiyan pa ba?” tanong ko sa kanya.
Tiningnan namin ang bintana. Pinailawan ko pa ng flashlight.
Wala namang tao. Ang alam ko nagbakasyon sa probinsiya ang mga tumira roon matapos ang sunog.
Pinadaan ko ang flashlight sa kaliwa papunta sa kanan. Pabalik. “Nakita mo?” tanong ko kay Ben. Baka nagtatago lang sa mga sulok ang multo ng mga bata.
“Wala…”
Wala. Wala na rin ang babaeng may hawak na kandila.
Pinatay ko ang flashlight.
Napahawak sa braso ko si Ben.
“Itutok mo ulit,” sabi niya.
Binuksan ko ulit ang flashlight.
“Sa kaliwa,” sabi niya.
Itinutok ko sa kaliwa ang ilaw.
“Patayin mo,” sabi niya.
Pinindot ko ang switch.
“Nakita mo?” usisa ko ulit sa kanya.
“Oo.”
“’Yung babae?”
“Hindi. ‘Yung mga bata,” sabi niya.
Isa sa mga bata ang nakita niya. Tumakbo sa ilalim ng lamesa. Nagtago. Kalahati lang ng mukha ang nakita niya. Nakatingin sa amin ‘yung bata. O akala niya nakatingin sa aming dalawa.
Nasaan kaya ‘yung isa pa?
Pagkatapos nagkailaw na. Nagpalakpakan ang mga kapitbahay. Pero siyempre pa, wala pa ring ilaw sa bahay sa tapat.
Wala na ang babaeng may hawak na kandila. Wala na rin ang batang nagtatago sa ilalim ng mesa. Hindi na sila nakita ni Ben nang sumunod na gabi.
Ang tingin ko, hinahanap ng nanay ang mga anak niya. Kaya siya may hawak na kandila. Tulad noong nasawi sila sa sunog. Akala niya buhay pa siya. Akala niya brownout pa rin. Pero ang mga anak naman niya siguro nakulong sa ibang oras, sa ibang dimensyon. Kaya sa oras na mawawala ang multo ng nanay, doon naman lilitaw ang multo ng mga anak niya. Hinahanap nila ang isa’t isa. Habambuhay. O hanggang sa kabilang buhay.
No comments:
Post a Comment