Monday, November 15, 2010

Pinto

One year old ang pamangkin kong si Bessy nang umalis ang kanyang Dad papuntang Bahrain. Anak sa pagkadalaga si Bessy ng kapatid kong si Tessa at ng long-time boyfriend niyang si Dapong. Pareho silang nursing graduate at parehong nakapasa sa bar exams.

Hindi na nagpakasal ang dalawa. Kahit isinunod sa pangalan ni Dapong ang apelyido ni Bessy, sa panig namin tumira ang bata.

Kapag tinatanong siya kung nasaan ang Dad niya, itinuturo ni Bessy ang langit. “Airplane,” sabi niya na medyo hindi pa namin maintindihan. Matalinong bata. Marami na siyang nasasabi kahit one year old pa lang.

Malakas din ang kutob ng bata. Noong nandito pa sa Pilipinas ang Dad niya, kapag lagi niyang binibigkas ni Bessy ang “Dad… Dad…” asahan mo na darating sa bahay ang Dad niya para bumisita. Madalas para kunin siya para magbakasyon ng isang linggo sa bahay nila sa Bulacan.

Hindi na rin naisama si Bessy sa airport nang lumipad papuntang Bahrain ang Dad niya.

Mga tatlong buwan nang asa Bahrain si Dapong nang magsimula ang mga nakakatakot na pangyayari.

May mga panahong tawag nang tawag si Bessy. “Dad… Dad…” turo niya sa nakasarang pintuan.

“Si Dad? Wala…” alo ng nanay niya.

“Nasaan si Dad? Sa airplane!”

“Mumu… Mumu…” sabi ng bata.

“Saan?” laro ko sa kanya.

“Duun…” turo niya sa pintuan.

“Wala naman a!” sabi ko sa kanya.

“Mumu!”

“Walaaa!” sagot namin sa kanya.

Hindi namin alam na may nangyayari na pala kay Dapong sa Bahrain. Nagkakainitan daw ang grupo ng mga Pinoy at Pakistani sa opisina niya. Trabaho ang dahilan. Kumparahan ng lahi. Minsan daw natuloy talaga sa gulo. Nagkasakitan ng matatalim na salita sa simula. Hanggang sa magkapisikalan. Isa si Dapong sa mga Pinoy na nadamay sa gulo.

Mabuti na lang at naayos ang gulo. Nang mabalita sa bahay ang nangyari sa grupo nina Dapong nakamata sa amin si Bessy na parang matamang nakikinig; parang naiintindihan ang usapan ng mga matatanda.Nakikibalita tungkol sa nangyari sa kanyang dad.

“Dad,” sabi niyang namimilog ang mga mata.

Isang patay na hapon,nagsisiyesta si Bessy. Bigla siyang tumayo, kinusot ang mga mata, at pumalahaw ng iyak. Iyak nang iyak si Bessy. Hindi namin mapatahan. Kinarga na ng nanay niyang si Tessa. Kinarga na rin ng lola niya. Sa akin naman at sa isa ko pang kapatid, ayaw niya magpakarga.

“Bakit, anak ko, bakit?” alo ni Tessa.

“Natakot ata.”

“Baka nanaginip ng masama.”

Binangungot.

Binabangungot na ba ang batang ganito ang edad?

“Bakit, mahal?” alo naman ng lola.

“Mumu…” sagot ni Bessy. “Mumu…”

“Saan?” salo ko.

Itinuro ni Bessy ang nakasarang pintuan.

Lumapit ako sa pintuan para buksan ang pinto. Ipinakita ko kay Bessy ang nasa likod ng pinto. “Wala naman e. Tingnan mo o!”

“Wala o. Tahan na, mahal.”

Ibinigay namin kay Bessy ang paborito niyang stuffed toy na Spongebob para siya maaliw at maiba ang isip. Tumahan naman ang bata.

Ang totoo, ipina-bless na namin sa pari ang bahay na ito. Noon kasi, halos gabi-gabi na parang may naririnig kaming mga yabag sa sala. Mga mumunting yabag. May mga nag-aangat ng mga silya. Gumagalaw ng mga gamit na nakadispley.

Hanggang sa magkalagnat ako na tumagal ng isang linggo. Nang ipatawas ako, sinabi ng mananambal na may mga duwende sa sala. Nagambala ko. Ibinalot niya sa diyaryo ang mga dinurog niyang patak ng kandila kung saan niya nakita ang hugis ng isang lalaking duwende. Inutos niya sa tiyahin kong ibaon ito sa lupa sa paso sa terasa.

Gumaling naman ako pero itinuloy na rin namin ang pagpapabendisyon sa bahay. Para manahimik na ang lahat ng mga espiritu na namamahay sa bahay. Ang lahat ng mga kaluluwa.

Ang totoo, wala nang mga ganitong kuwento sa bahay. Hanggang sa dumating sa buhay namin si Bessy. Hanggang sa umalis ang kanyang dad papuntang Bahrain.

Isang gabi, nanunuod kaming lahat ng TV. Biglang tumayo si Bessy at naglakad papunta sa pintuan. Mayroon na naman siyang itinuturo.

“Saan ka pupunta?” sabi ko sa kanya.

“Duuun…” turo niya sa labas ng nakabukas na pinto.

Wala namang tao sa labas.

“Mumu…” sabi niya.

“Ano’ng mumu? Asan?”

“Dad…” sabi niya. “Dad…”

Kumiriring ang telepono. Ako na ang tumayo para sumagot. Tumingin ako sa orasan. Hindi ko alam kung bakit.

Si Carlota ang nasa kabilang linya. Si Carlota ang kapatid ni Dapong. Ipinasa sa nanay niya ang telepono. Hinahanap si Tessa.

Napatingin ako ulit sa orasan. Advanced ng limang oras ang oras natin sa Bahrain.

Isang balita ang dala ng nanay ni Dapong. Isang balitang gumulat din sa aming lahat. Nagkainitan na naman ang mga grupo ng Pinoy at Pakistani.Nasabak na naman sila sa gulo.

May mga nakulong. Nakulong si Dapong?

Hindi siya kasama sa mga nakulong. Salamat naman. Ayos lang ba siya?

Umawat si Dapong sa isang Pinoy at Pakistani na nagrarambulan na sa sahig. Naawat naman. Nakaharap si Dapong sa kapwa-Pinoy, inaawat ito, kaya hindi niya namalayan ang pagbalik ng Pakistani. May dala palang pambukas ng sulat ang Pakistani. Napuruhan si Dapong.

Iyong mga sandaling na nag-aagaw-buhay si Dapong sa ospital, iyon ang sandaling lumapit si Bessy sa nakabukas na pinto, itinuturo ito, sinasabi, “Dad… Dad…” Bumisita kaya sa kanya ang kaluluwa ng kanyang Dad nang mga oras na iyon. Ang totoo, maski kami ay hindi makuhang maniwala.

No comments: