Monday, November 15, 2010

Cindy

Nakatira kami sa isang lumang bahay sa Antipolo. Lumang bahay, hindi dahil matagal na itong itinayo (ang totoo, kasama ito sa mga bagong bahay na under ng Pag-IBIG Fund). Luma dahil dito tumira ng ilang taon ang pamilya ng tita ko. Bumalik na sa Bohol ang asawa niya at doon na mamamalagi. At siya naman ay nakatakda nang mag-abroad. Kaya ako na ang sumalo sa pagbabayad ng bahay.

Isang trahedya ang dumapo sa pamilya ng tiyahin ko noon. Namatay sa pneumonia ang anak nilang babae na 3 years old lang. Iyon siguro ang nagbunsod sa kanilang dalawa para layuan ang bahay. Maraming alaala ng anak nila ang naiwan doon.

Suwerte naman sa akin dahil naghahanap ako ng bahay na paglalaanan ko ng housing loan sa Pag-IBIG.

Naging madali na para sa amin ang lumipat ng bahay. Tatlo kaming lumipat: ako, ang utol kong lalaki, at dalawang pinsan galing probinsiya na sa amin pumisa at nakihati na rin sa gastos ng bahay.

Isa sa mga pinsan ko ay may anak na batang babae, si Loraine, magtu-2 years old. Dahil dito nagkalat ang mga laruan sa sala.

Isa sa mga laruan ni Loraine ay isang manyikang naglalakad at nagsasalita. Hi! My name is Cindy. –ang sabi ng naka-record na boses. Ito yung tipong mamahaling antique na manika. Ibinigay daw ito sa bata ng lola niya sa side ng tatay. May lalagyan ito ng baterya sa likod. Malaki ang kaha ng manyika. Medyo mabigat. Kaya dalawang malaking baterya ang kailangan para paandarin ito.

Isang Sabado ng tanghali, nanunuod kami ng TV ng mga pinsan ko. Umakyat ako saglit para maligo sa CR na katabi ng kuwarto ko. Bago ako umakyat, nakita ko ang manyika na nakatayo sa ibabaw ng lamesa. Malapit nang maluto ang ihinanda kong pagkain kaya sinabi ko sa kanila na ayusin na ang lamesa para makakain na kami agad.

Pagbalik ko sa sala, nadatnan kong putlang-putla ang mga pinsan ko. Nakita ko ang manyika na nasa ibabaw pa rin ng mesa. Sabi ko, kakain na ba’t hindi pa nila ayusin ang lamesa. Bakit nasa mesa pa rin ang manyika ni Loraine.

Nanginginig ang boses ng pinsan ko nang sumagot. Gumalaw daw ang manyika. Naglakad ang manyika, tumawid mula sa isang dulo ng lamesa papunta sa kabila. Gumalaw ang mga kamay.

Habang nagsasalita siya, nagsalita ang manyika at gumalaw ang mga kamay. Hi! My name is Cindy. Hi!

Sa gulat ng pinsan ko, napalundag siya sa akin sabay kapit sa braso ko, halos makaladkad ang anak niyang si Loraine na umiiyak na rin, hindi dahil sa nangyari pero dahil sa nakitang sindak sa nanay niya na hindi niya maintindihan kung bakit. Sa takot, nakaya namang talunin ng isa ko pang pinsan ang tapat ng hagdan mula sa sala.

Baka nag-malfunction lang ang sirketo ng laruan, sabi ko sa mga pinsan ko. Ang totoo, ginapangan din ako ng takot sa batok. I-check mo, kako, ang baterya. Baka naiwang naka-on ang power ng manyika.

Pero walang baterya ang manyika. Inalis niya ang mga baterya kagabi bago ipatong sa mesa. Papalitan na nila dapat ang baterya.

Baka may nagbalik, sabi ko. Nakatayo na ulit ang manyika, nakataas ang isang kamay, at nakangiti sa amin. Nilapitan ko ito at binuksan ang kaha sa likod. Wala ngang baterya. Lumapit ang pinsan kong nagtago sa pasimano ng hagdan. Wala ngang baterya.

Kung paanong nangyari, hindi namin maipaliwanag. Ibinalik namin agad sa kahon nito ang manyika at itinago sa aparador.

Isang araw, naikuwento ko ito sa tita ko na nagtatrabaho na noon sa Italy. Hindi rin siya makapaniwala dahil noong nakatira pa sila roon sa bahay, wala naman daw silang naramdaman. Pero nang malaman niya kung anong date yun nangyari, doon ako kinilabutan.

Iyong araw na iyon na gumalaw ang manyika, naglakad at nagsalita, death anniversary pala iyon ng anak ni tita. Posible kayang nagparamdam sa amin ang bata? Hindi ko matiyak kasi wala sa aming mga nakatira ngayon ang nakakita sa bata dahil malayo nga ang Antipolo sa dati naming bahay. Lalo na ang mga pinsan ko na nakatira pa noon sa probinsiya.

Hindi rin namin maintindihan kung gumagala pa rin sa loob ng bahay ang anak ni tita. Siguro. Bukod sa nangyari sa manyika, wala nang nagparamdam sa amin.

No comments: