Monday, November 15, 2010

Sinehan

Naging comfort zone ng pinsan kong si Manny ang sinehan. Sa Bohol siya lumaki hanggang sa mag-college kaya nang lumipat siya rito sa Maynila para tumira at magtrabaho, nahirapan siyang mag-adjust. Wala kasi ang mga tropa niya rito.

Dito sa Maynila, laking tipid niya dahil sa isang tiyahin namin sa Pasig siya tumuloy. Pero kapag day-off niya hindi mo siya mapagkikita sa bahay. Madalas kasi siyang nanunuod ng sine.

Malakas din ang trip nitong pinsan ko dahil maghapon siya sa sinehan. Style niyan bibili ng pagkain pagkatapos papasok na sa loob ng sinehan, first showing pa lang ng palabas. Dun na siya matutulog maghapon. Paglabas niya gabi na.

Sa ganoon nasusunog ang sweldo ng pinsan ko. May okay na rin yun, sabi niya, mainit kasi sa kuwartong tinutuluyan niya sa tiyahin namin.

Ito ang kuwento niya sa akin.

Nangyari ito isang araw, bagong suweldo si Manny kaya excited siyang gastahin ang pera niya sa sine. Tulad ng dati, bumili muna siya ng pagkain na itinago niya sa ilalim ng bag para makalusot sa inspeksyon ng guwardiya. Walang magandang palabas noon kaya ang pinili niya ay iyong nausong kung fu horror. Pelikulang Intsik.

Naupo sa gitnang bahagi ng orchestra ang pinsan ko tulad ng nakasanayan niya. Kaunti lang ang tao sa sinehan. Pagkatapos tapusin ang kinakain niya, hindi napigilan ni Manny ang antok.

Naalimpungatan daw siya nang may maramdaman niyang gumalaw ang silya niya. Naisip niya na baka may umupo sa tabi niya. Hindi na bago sa pinsan ko yung mga taong tumatabi sa iyo sa sinehan, mga taong may masamang hangarin sa iyo, yung mga sasamantalahin ka sa dilim.

Sa sobrang antok, pinakiramdaman muna ng pinsan ko ang nangyayari sa paligid. Hindi muna niya iminulat ang mga mata niya. Pinakiramdaman niya kung may taong umupo sa kanan niya.

Bigla siyang nakaramdam ng malamig na haplos ng hangin. Nagtayuan ang mga balahibo niya sa braso. Parang may pumipigil sa braso niya. Sa gulat niya, bigla siyang napaigtad.

Nang buksan niya ang mga mata niya, wala siyang nakitang tao. Ang totoo, walang tao sa paligid niya. May nakita siyang dalawa, sa likod, pero magkahiwalay din sila. Isang lalaki na medyo malaki ang katawan. Sa dulo sa kanan, medyo inaninagan niya dahil madilim, isang babae na mahaba ang buhok at nakaputi.

White lady, naisip niya agad. Pero imposible! Walang white lady sa sinehan. Saang sinehan mayroong multo?

Tumayo ang pinsan ko para umihi. Habang naglalakad, sinimplehan niya ng tingin ang babaeng nakaputi. Diretso ang upo ng babae. Diretso ang tingin sa screen. Imposible namang multo. Pero nang makarating na sa bandang likuran ang pinsan ko, bigla siyang kumaripas ng takbo.

No comments: