Nagsimula ang lahat noong Christmas vacation. Akala ko boring ang bakasyon ko. Hindi kami nag-out of town. Wala raw kasi kaming pera, sabi ng tatay ko. Kaya inaraw-araw kong maglaro ng ps2. Nang magsawa ako, psp naman. Pero nagsawa rin ako agad. Kahit panunuod ng TV kinasawaan ko na.
Buti na lang nag-ayos kami ng bahay. Pinaglilipat yung mga gamit sa sala. Naboring din siguro sina ate kaya pati kuwarto ko pinagdiskitahan. Kutson lang kasi ang higaan ko. Kaya nilipat nila sa kuwarto ko yung dating kama ni lola puwera lang yung lumang kutson.
Ngayon ko lang naisip na doon nagsimula ang kakaibang karanasan ko sa mga multo.
Ilang beses din akong binangungot. Isang beses, ako lang mag-isa sa bundok. Tumatakbo ako dahil hinahabol ako ng isang lalaking pugot ang ulo. Sumunod naman, nag-uusap kami ng ate ko at ng nanay at tatay ko sa sala nang biglang gumuho ang kisame. Naramdaman kong nadaganan ako ng mga tipak ng bato at hindi ako makagalaw. Isa pa, nahulog daw ako sa bangin. Pagkatapos nahulog ako sa tubig. Kampay daw ako ng kampay at hindi na ako makahinga sa pagkalunod.
Karamihan sa mga ito, alam ko na nananaginip lang ako. Alam ko na binabangungot ako kaya pinipilit kong gumising. Isang beses pa, nakahiga lang ako sa kama, madilim, pero hindi ako makagalaw. Alam kong binabangungot na ako noon. Pilit ko talagang ginalaw ang katawan ko. Hanggang sa tuluyan na akong magising.
Saka ko lang naalala na nagsimula ang lahat ng mga bangungot ko nang ilipat sa kuwarto ko ang dating kama ni lola.
Wala namang kakaiba sa kama ni lola bukod sa isa itong lumang papag na gawa sa kahoy. Ang alam ko, namana pa ito ni lola sa mga magulang niya. Isa ito sa mga alaala sa amin ni lola buhat noong mawala siya.
Inatake ng Alzheimer’s disease si lola. Isang araw, hindi namalayan sa amin na nakalabas siya ng bahay. Ganoon siya. Biglang tumatakas. Naglalagalag. Binibisita yata yung mga dating napuntahan na niya. Pero nakakaligtaan na niya ang daan pabalik. Minsan sinasabi na lang sa amin ng mga kapitbahay kung nasaan si lola. Minsan nakita siyang nakatayo lang sa tapat ng pilahan ng traysikel. Nakatingin lang siya sa mga dumaraang sasakyan. Tulala.
Isang mainit na araw ng Abril, lumabas ng bahay si lola at iniwang nakabukas ang pinto. Hindi na siya nakabalik. Hanggang dumating ang Christmas vacation namin hinahanap pa rin namin si lola. Ilang presinto na ang sinadya namin. Nakarating na nga kami sa mga probinsiya. Bakasakaling napadpad sa mga lugar na iyon si lola. Baka binabalikan niya ang mga lugar na napuntahan na niya.
Kaya hindi ko alam kung bakit pumayag silang ilipat sa kuwarto ko ang kama ni lola dahil hindi naman talaga siyang nawala. Nawawala siya. Isang araw, matatagpuan din namin siya. Sana.
Isang madaling-araw, napanaginipan ko si lola. Nakaupo siya sa kama. Hindi siya nakatingin sa akin. Nakayuko siya. Malungkot ang mukha. Katabi niya ang ate ko. Sa panaginip ko, isa siyang matigas na bangkay. Nangingitim na ang balat niya. Nakasandal siya sa ate ko na walang imik. Hindi ko alam kung alam ng ate ko sa panaginip ko na patay na ang katabi niya.
Sa panaginip ko, tinawag ko ang pangalan ni lola. Lumapit ako sa kanya at hinawakan ko siya sa magkabilang balikat. Nang biglang matumba ang bangkay ni lola mula sa pagkakaupo. Magkahalong lungkot at hilakbot ang naramdaman ko noon. Lungkot dahil nami-miss ko na ang lolang binibiro ko noon. Hilakbot dahil isang bangkay na ang kaharap ko. Patay na ang lola ko sa panaginip ko.
Nang bigla akong hawakan sa braso ni lola. Dinakma ako ng takot. Madali kong inalis ang malamig na kamay ni lola sa pagkakakapit sa braso ko. Alam ko noon na binabangungot ako at kailangan ko nang gumising.
Pinilit kong sumigaw pero walang boses na lumalabas sa bibig ko. Pinilit kong gumalaw pero parang nakatali ang katawan ko.
Hindi ko alam kung paano pero bigla na lang akong nagising. Siguro dahil na rin sa pagpipilit kong gumising. Salamat naman at nakaligtas ako sa malagim na bangungot.
Pero hindi doon nagtapos ang mga pangyayari.
Minsan ginabi ako nang uwi. Dahil pagod ako sa biyahe at sa maghapong ginawa ko sa school, hindi na ako kumain. Dumiretso na ako ng akyat sa kuwarto ko sa 2nd floor. Madilim sa kuwarto ko. Sa tabi lang ng pinto ang sindihan ng ilaw kaya inisip ko na pagbukas ko ng pinto, kakapain ko agad ang switch.
Pero pagbukas ko ng pinto, may naaninagan akong tao na nakaupo sa gilid ng kama ko. Alam kong tao iyon kahit madilim. Kilala ko ang may ari ng anino na iyon. Hindi ako puwedeng magkamali. Ang nakaupo sa gilid ng kama ko ay ang nawawala kong lola. Binuksan ko agad ang ilaw. Walang tao sa kama. Walang tao sa kuwarto ko. Ang totoo, ako lang ang tao sa 2nd floor. Lahat sila nasa sala sa ibaba. Doon lang ako kinilabutan.
Hindi namin alam kung patay na o buhay pa rin ang lola ko. Hanggang ngayon patuloy pa rin kami sa paghahanap. Kaming buong pamilya. Hindi ko alam kung guniguni ko lang yung nakita kong multo ni lola sa kuwarto ko. Kung siya man yun, baka nagparamdam siya sa akin para sabihin sa amin na nasa mabuting kamay na siya.
No comments:
Post a Comment