Saturday, December 29, 2007

Ate Mae

Early this year, na-assign ang utol ko na mag-duty sa regional medical center sa amin sa Central Mindanao.

Lima yata sa kanilang magkakaklase ang magkakasama sa ospital bukod sa mga grupo galing sa ibang nursing school.

Doon niya nakilala si Ate Mae, isang estudyante sa ibang school. Pareho sila ng shift.

Normal lang daw sa unang tingin ang tinatawag nilang Ate Mae. Medyo maliit siya ng konti at stocky ang katawan. May suot siyang makapal na eyeglasses. At lagi siyang may dalang mahabang payong kapag pumapasok.

Isang araw, pauwi na ang utol nang biglang bumuhos ang ulan. Nagpatila siya sa tapat ng entrance ng ospital. Saktong lumabas si Ate Mae at nag-offer na isabay na siya. Kasya naman silang dalawa sa malaking payong na dala niya. Doon nagsimula ang pagbabatian nilang dalawa sa ospital.

Pero may napansing kakaiba ang utol ko sa tinatawag nilang Ate Mae. Minsan daw, naglalakad sila sa hallway, nang bigla siyang huminto at hinawakan sa braso ang utol ko.

Dahil nagulat sa pangyayari, huminto rin sa paglalakad ang utol ko.

“Bakit?” pagtatakang tanong ng utol ko. Inisip niya na baka may nalimutan lang na gamit si Ate Mae sa room na pinanggalingan nila

“May dumadaan,” sagot daw sa kanya ni Ate Mae pagkatapos gumilid.

Kinilabutan ang utol ko. Walang ibang tao sa hallway bukod sa kanilang dalawa.

“Ate, ’wag ka namang magbiro ng ganyan!” sigaw ng utol ko.

Ilang segundong no reaction lang ang kausap niya. Tas biglang magsasabi ng “Pwede na.” as if may nakadaan na nga sa harap nila.

Maraming beses na nangyari ang ganoon. Biglang hihinto si Ate Mae at tatabi sa gilid na parang may makakasalubong na tao pero wala naman. Dahil halos lagi silang magkasama, ang utol ko ang napagdidiskitahan ng mga ibang nurse at intern na kasama nila sa area. Matigas naman ang pagtanggi ng utol ko na wala siyang alam. Kahit pati siya ay nawi-weirduhan na sa ikinikilos ni Ate Mae.


Halos dalawang linggo na silang naka-duty sa ospital nang may mangyaring insidente sa lugar namin. Isang tindahan sa may terminal ng bus ang sumabog. Grabe ang casualty. Karamihan sa mga biktima ay isinugod sa ospital nila. Siguro aabot ng tatlumpu katao ‘yun, tantiya ng utol ko.

Isa sa mga biktima ang binawian ng buhay. Isang limang taong gulang na bata. Ang kapatid nitong babae na mas matanda sa kanya ng dalawang taon ay kasama sa mga nasa kritikal na kondisyon.

Laging nagpupunta si Ate Mae sa ward ng mga biktima ng pagsabog. Kahit pagkatapos ng shift niya. Binibisita niya pala ang batang babae. Hindi naman nagtaka ang utol ko dahil naisip niyang mahilig sa bata si Ate Mae.


Isang gabi, isang grupo ng mga intern na katatapos lang yatang mag-rounds ang kumaripas ng tumakbo pabalik sa nurse station. May narinig daw silang boses ng batang tumatawa nang maglakad sila sa tapat ng CR malapit sa radiology room. Sarado na ang radiology room nang mga oras na iyon. Sinilip nila ang CR pero walang tao.

Hindi pala iyon ang unang beses na may naramdaman sa area na iyon. May guwardiya na kakalabas lang ng CR ang dumaan sa harap ng radiology room.

Nakatalikod na raw siya nang may narinig niyang kumalabog ang pintuan ng radiology room. Pagkatapos, may narinig siyang click na parang may pumindot sa lock ng doorknob.

Nagulat ang guwardiya at bumuwelta sa radiology room. Nang i-check niya ang entrance, naka-locked ang pinto.


Magsisimula pa lang ang shift ng utol ko sa madaling-araw nang makasalubong niya sa hallway si Ate Mae.

“Sabay na tayo,” nakangiting bati sa kanya.

Nahihiya namang tumanggi ang utol ko.

Nagkuwentuhan sila habang naglalakad nang biglang huminto si Ate Mae.

“Saglit,” bulong niya sa utol ko at hinawi ang katawan niya para gumilid din siya.

“Ano ba ‘yon?” usisa ng utol ko. Pinilit daw talaga niyang magpatay-malisya.

“May dumadaan,” sagot sa kanya ni Ate Mae.

“Ayan na naman!” hintakot ng utol ko.


Out of the blue, ikinuwento ni Ate Mae sa utol ko ang sikreto niya. May pagka-psychic pala si Ate Mae. Kahit noong bata pa siya, nakakakita na siya at nakakausap ng mga espiritu ng mga namatay na tao.

Itinanong ng utol ko sa kanya kung ano ang itsura ng mga nakikita niya. Baka naman namamalikmata lang siya.

Aakalain mo raw na mga totoong tao ang mga espiritu. Pero translucent ang katawan nila. Madalas na nakalutang ang mga talampakan nila mula sa lupa. Saka wala silang mukha.


Sabi ni Ate Mae, pagala-gala sa hallway ang kaluluwa ng batang nasawi sa pagsabog. Hindi pa raw alam ng bata na patay na siya. Simula nang dalhin ang mga biktima sa ospital nila, nakikita na niyang palakad-lakad ang bata sa ospital. Minsan naglalaro mag-isa.

Napansin ng bata na nakikita siya ni Ate Mae. Kinausap siya ni Ate Mae at pinuntuhan ang kapatid nitong babae na nakaratay pa rin sa ward.


Isang araw, nadatnan ng utol ko si Ate Mae na nakaupo at pilit na ipinipikit ang mga mata.

Niyugyog siya ng utol ko at tinanong niya kung anong nangyayari.

Ito ang sabi sa kanya ni Ate Mae:

May kaluluwang nakalutang sa itaas ng ulo niya. Sunug na sunog daw ang balat nito. Sumasayad ang mga talampakan nito sa ulunan niya.

Hindi alam ng utol ko kung naapektuhan lang siya sa sinabi sa kanya ni Ate Mae pero may naamoy siyang parang nasusunog.

No comments: