Ang sabi nila, maraming mga lagalag na kaluluwa sa ospital dahil ilan sa mga pasyenteng inabutan ng flatline ay hindi pa conscious na patay na sila. Honestly, nang mag-medical intern ako sa isang malaking ospital sa E. Rod wala naman akong naging ghost encounter. Maraming mga kuwentu-kuwento tungkol sa mga multong nagpaparamdam sa ospital na iyon.
Napasabak na ako sa maraming ospital kahit sa labas ng Manila. Kung saan-saan rin ako napapadpad para sa mga medical missions ng university namin.
Hindi ko makalimutan ang experience namin ng mga kasama kong intern nang ma-assign kami sa isang mental institution.
Honestly, first time ko noong makapasok sa mental. Malaking gusali siya. Para siyang school pero may rehas ang mga classroom na parang kulungan. May takdang oras rin sila para lumabas ng mga ward pero sa garden lang sila pinapayagang lumaboy.
Natoka kaming mag-profile ng pasyente: kunin ang personal at (kung pwede) ang family background nila. Inatasan rin kaming i-monitor ang kalusugan at behavior nila araw-araw.
Karamihan sa mga pasyente ay tulala o umiiyak. Mga iniwan ng asawa o kasintahan. Mga tinunaw ng drugs ang utak. Bawal sa loob ang mga kutsara at tinidor o kahit na anong matulis at matalas na bagay.
Isang araw na may duty ako, bigla nila kaming inalerto. Nang lumapit ako, nakita ko ang isang pasyenteng duguan ang kaliwang mata. Sabi ng kasama kong intern, tinarakan daw siya ng ballpen ng isa pang pasyente. Nakasalisi raw iyong pasyente ng ballpen na gamit ng isang intern na nagmo-monitor. Nakapagtataka naman na hindi man lang umaray ang pasyenteng tinusok ng ballpen. Kakaiba. Honestly, parang wala siyang nararamdamang sakit.
Nang matapos ang rounds namin, nagpaalam ako sa senior nurse na naka-duty para mag-power nap sandali.
Honestly, mabigat na ang pakiramdam ko nang buksan ko ang pintuan ng sleeping quarters. Nakakasakal ang hangin. Ewan ko ba. Honestly , para akong mauubusan ng hininga noong moment na iyon. Baka dala lang ito ng naghalong antok at pagod. Two days straight na kasi akong naka-duty noon at para na rin akong isang pasyenteng nakalutang sa hangin o naglalakad sa ibabaw ng tubig.
May iba pang mga interns na nagpapahinga sa sleeping quarters. Biglang nagsara ang pinto. Pumitlag iyong isang intern na natutulog. Tiningnan lang niya ako. Nakatitig rin sa akin ang dalawang interns na nagkukuwentuhan. Honestly, sa sobrang pagkapahiya ko, pinamulahan siguro ako ng mukha. Abut-abot ang paumanhin ko sa kanila.
Nagtalukbong na ng kumot ang nagising kong intern. At ako naman ay naghanap na ng puwesto.
Madali akong nakatulog pero mababaw siguro ang tulog ko. Nanaginip ako.
Napaka-vivid ng panaginip ko. Nakahiga raw ako sa katre sa sleeping quarters nang maramdaman kong nagko-close in ang mga pader sa akin. Maraming braso na lumitaw sa pader at pilit akong inaabot. Hindi ako makapalag. Ni hindi ko maibuka ang bibig ko. Habang nananaginip ako alam ko nang binabangungot ako. Pinilit kong igalaw ang mga daliri ko para pisilin ang aking hita.
Nang maalimpungatan ako, bigla akong dinamba ng takot. Isa-isang yumugyog ang mga katre na parang lumilindol. Lumilindol yata, sabi ng isang intern. Lumilindol ba? Hindi naman umuuga ang fluorescent lamp na nakalambitin sa kisame. Hindi rin gumagalaw ang wall clock.
Hindi ito lindol. Kakaiba na ito. Tiningnan ko ang mga kasama kong interns, namumutla na rin ang mga mukha nila. Sh*t! Para talaga siyan horror movie.
Nagsisigaw kami lahat at the top of our lungs para humungi ng tulong. Nang huminto sa pagyugyog ang mga katre, tumakbo kami palabas ng quarters. Nakapagtatakang wala man lang pumunta sa room para tulungan kami.
Habol ang hininga, tinanong namin ang nurse na naka-duty kung narinig niya kaming nagsisigaw. Sabi niya—at sa gulat namin—wala naman daw siyang narinig na sumisigaw. Imposibleng hindi nila kami marinig. Ilang hakbang lang sa lugar niya ang sleeping quarters at tahimik sa lugar na iyon.
Ibinalita sa amin ng nurse na dating ward ang sleeping quarters. Nasunog ito noong araw at may mga pasyenteng nakulong at namatay sa loob.
May mga interns na rin dati na pinaparamdaman ng mga kaluluwa ng pasyente. Minsan may isang intern daw na natulog mag-isa sa quarters at bigla siyang nagising dahil biglang may humawak sa braso niya. Siya lang mag-isa sa kuwarto. Tumayo siya para silipin kung may tao sa labas at binibiro siya, wala siyang nakita. Minsan naman, may nakita ang janitor na taong naka-uniform ng pasyente na pumasok sa loob ng sleeping quarters. Dahil off limits ito sa mga pasyente, dagling pinasabihan ng janitor ang nurse na naka-duty. Pero nang pumunta sila sa quarters, wala namang tao sa loob.
Halos nabaon na sa limot ang experience kong ito sa mental institution. Isa na akong ganap na doktor ngayon. Anaesthesiologist na ako. Nagbalik lang sa akin ang mapanindig-balahibong ghost encounter ko nang itanong sa akin ng highschool friend kong writer kung may mga multo raw ba sa ospital. Honestly, hindi ko na lang pinansin. Pero marami kaming nasa sleeping quarters nang mangyari iyon. Tawagin mo itong mass hysteria o kung anuman. Bahala ka.
Thursday, December 27, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment