Saturday, December 29, 2007

Kuwarto

Nangyari ang kuwentong ito noong nakatira pa kami sa isang bahay sa Sampaloc, Manila. May isang room sa dati naming bahay na ayaw na ayaw daanan ng mga katulong. Ito ang kuwarto ng kuya ko.

Para makarating sa laundry room kailangang daanan ang kuwarto ni kuya. Nagsimula ilang buwan pagkatapos mawala ni kuya sa amin. Nagpakamatay siya ilang araw bago siya mag-celebrate ng kanyang 20th birthday.

Si kuya ‘yung tipong extrovert. Hindi siya mahilig gumimik. Actually, wala akong natandaang barkada na dinala niya sa bahay. He was more into books. Pero hindi basta libro. Mga weird stuff like occult books. May mga tools rin siya for witchcraft tulad ng mga herbs at black candles.

Isang araw, umuwi raw ng maaga si kuya. Tuluy-tuloy siya sa kuwarto niya. Hindi na nananghalian. Akala ni mommy pagod lang siya at nakatulog. Pero mga 8pm na hindi pa siya lumalabas ng kuwarto. Kaya inutusan ni Mommy ang katulong para katukin siya.

Bumalik ang katulong at naka-lock daw ang pinto ni kuya. Nag-alala na si mommy. Nasa sala ako noon at nanunuod ng TV. Tinawag niya ako. Right then and there kinabahan na ako. Kitang-kita sa mukha ni mommy ang nerbiyos niya. Pati boses ng katulong tipong iiyak na rin.

Pinuntahan namin ang kuwarto ni kuya. Kinatok ko siya. Pinihit ko nang ilang beses ang door knob; naka-locked. Tinatawag namin ang pangalan niya pero walang sumasagot. Nilakasan ko ang katok ko pero wala pa rin. Idiniit ko ang tainga ko sa pinto. Tumutugtog ang component niya.

Sinabi ko kay mommy na kailangan nang puwersahin ang pinto. Bumalik ako dala ang screwdriver at tinungkab ko ‘yung door knob. Pagbukas namin ng pintuan, doon namin nakita si kuya. Ibinigti niya ang sarili niya sa bakal ng bintana gamit ang sarili niyang sinturon.


Ginawa naming bodega ang kuwarto ni kuya pagkatapos niyang ilibing. Naging mahirap iyong recovery stage. Nakapagpalit na kami ng katulong pero hindi pa rin maiwasan ni mommy ang bigla na lang matulala at humagulgol nang walang kaabug-abog.

Isang araw, papunta ang bagong katulong sa laundry room dala ang basket ng mga labahin. May narinig daw siyang biglang kumalabog sa loob ng kuwarto ni kuya. Kinilabutan siya pero inisip niya na pusa lang ‘yon kaya dumiretso siya sa laundry room at ipinagpatuloy ang trabaho. Nang mag-aahon na siya ng mga damit mula sa washing machine, bigla raw siyang may nakitang aninong dumaan sa tapat ng pintuan ng kuwarto ni kuya. Kakabog-kabog ang dibdib, sumilip siya sa labas. Pero siyempre walang tao dahil asa school ako at natutulog noon sa sala si mommy.

Hindi pa alam noon ng bagong katulong ang nangyari sa kuwarto ni kuya. Kaya nang magising si mommy, ikinuwento niya ang experience niya. Takut na takot daw siya nang sabihin ni mommy sa kanya na nagpakamatay si kuya sa kuwarto.

Hindi doon natapos ang mga pagpaparamdam sa kuwarto. Nasanay na ako sa mga kuwento ng katulong kapag umuuwi ako galing school. Minsan bigla na lang daw gagalaw ang motor ng washing machine kahit wala namang gumagamit. Minsan may maririnig na sumusutsot. Minsan may mga mawawalang gamit. Hanap kami ng hanap; halos baliktarin na namin ang bahay pero hindi namin makita. Tas biglang makikita iyon sa laundry room.

Kapag maglalakad ka sa tapat ng kuwarto ni kuya, paninindigan ka ng balahibo. Medyo malamig ang lugar at saka mahina pa ang lighting. Bumbilya lang ang ginagamit na ilaw sa laundry room. Madalas pang mapundi. Sabi ng katulong, may mga panahon daw na kikisap-kisap ang bumbilya sa laundry room. At kapag nangyari iyon, iniiwan niya talaga ang nilalabhan niya at tatakbo sa sala sa sobrang takot.

Hindi nagtagal, bumalik sa probinsiya niya ang katulong at nakahanap kami ng bago. Ipinalinis agad ni mommy ang kuwarto ni kuya. Ilang sandali lang, lumapit ang katulong kay mommy at putlang-putla. May kumakalabit daw sa kanya habang naglilinis siya sa loob ng kuwarto. Pero wala namang tao.

Bukas yata ang third eye nung katulong. Kasi isang gabi, nang papunta siya sa laundry para plantsahin ang mga natuyong damit, pinuntahan daw niya ang kuwarto ni kuya. Hindi raw niya maintindihan pero parang may tumawag sa kanya; may nagsabi sa kanya na pumasok sa loob. Pag-apak niya sa loob, may nakita raw siyang anino ng lalaki sa tapat ng bintana. Bigla raw itong gumalaw nang mapansin niya. Parang biglang umalis.

Ipina-blessing namin ang kuwarto ni kuya. May nakapagsabi rin sa amin na kailangang sunugin lahat ng mga gamit niya. Baka malakas pa raw ang kapit ni kuya sa mga gamit niya lalo na sa mga gamit niyang pang-occult. Nang ayusin namin ang kuwarto, doon lang namin nakita ang sinturon na ginamit ni kuya pambigti, naka-plastik pa ito at nakatago drawer sa ilalim ng aparador niya. Isinama namin ito sa susunugin.

Ibinenta namin ang bahay at lumipat kami sa Pasig. Hanggang ngayon hindi ko pa rin maintindihan kung bakit ginawa ni kuya ang bagay na iyon, isang araw bago siya mag-birthday. Parang unfair kasi hindi niya sinabi sa amin ni mommy kung may problema siya. Itinabi lang niya sa loob.

No comments: