Thursday, December 27, 2007

Shoebox

Friday ng tanghali. Kaka-brunch ko lang dahil I woke up late na rin. Ipinagpatuloy ko ang pagbabasa ng hardbound edition ng Biographer’s Tale ni A.S. Byatt (I stopped reading when I saw the close-up photographs of Ibsen and the other one; they’re lying on their coffins). Kailangan ko siyang tapusin dahil may dalawa pang literary novels akong nabili nang mag-sale bookstore sa Shaw.

Bigla akong inantok. Hindi ko alam kung dahil busog ako o dahil sa info overload sa novel. Inipit ko yung used internet card page na iniwan ko bago ko itinabi ang libro sa ibaba ng kama. Hindi ko ugaling magtupi ng page bilang marker. Nakakaasar yung mga taong ganun.

Na-haggard ang mga talukap ng mga mata ko. Naidlip ako na nasa kamay ko pa ang aking celphone.

Bigla akong nagising. Someone’s turning my doorknob. Pilit niya rin itinutulak ang pinto. Kung si mama yun, ba’t hindi na lang tumawag at kumatok. Pero baka akala rin ni mama wala rin ako sa room.

Tumayo ako na mabigat pa ang ulo. Binuksan ko ang pintuan. Sumilip ako sa labas. Walang tao. Sino kaya ‘yun? Lumabas ako ng kuwarto at pumunta sa terrace. Sinilip ko rin ‘yung dalawa pang kuwarto namin. Swear, wala talagang tao. Ako lang mag-isa sa 3rd floor ng bahay namin.

Ayoko nang bumaba pa para tanungin si mama. Baka lalo lang mawala ang antok ko. Bumalik ako sa higaan at para bang hapung-hapo akong bumagsak sa isang malambot na hukay.

Nagising ako ulit. Nakalimutan ko palang i-silent ang cellphone ko. Ang lakas ng message alert. In-open ko yung bagong text message. Number lang ang lumabas. Who’s this? textback ko sa kanya. Si Rose pala, yung classmate ko nung college. Mga 2 years na rin mula nang huli ko siyang makita sa reunion ng klase namin. Jo, sabi niya sa text, wag k mbbgla. Alex s gone.

Huever u r, pls stop joking: warning ko sa kanya. Hndi aq ngbbiro, reply niya. Patay na c Alex.

“Lord!” bulong ko. Para ba akong sinikmuraan. Matagal ko na ring hindi nakikita si Alex. Hindi siya pumunta nung reunion namin sa isang comedy bar sa Timog. I don’t know how special Alex was to me. We dated ilang months before graduation. Hindi ko na rin siya nakita nung mag-march kami sa PICC.

Kinausap ko agad si Rose sa landline. Sabi niya, Alex died in an accident. “Ano’ng nangyari?” panginginig ng boses ko. Sa call center daw nagtrabaho si Alex. Umuwi raw siya nung madaling-araw. Ibinaba yata siya ng bus sa gitna ng EDSA pagkatapos nahagip siya ng humaharurot na kotse.

DOA na raw siya nung dalhin sa ospital ng nagkawanggawang taxi driver.

“Kelan kayo pupunta?” tanong ko kay Rose. Bukas pa raw ng gabi. Para free ang karamihan sa amin. “O sige,” sabi ko.

Bumalik ulit ako sa room ko. Sa ilalim ng kama, kinuha ko yung itinabi kong parang shoebox. Tinanggal ko ang takip ng box. Sa isang malaking stationery envelop, inilabas ko ang ilang cards at sulat—mga bigay ni Alex. Sa isang card nakaipit ang picture niya. Para maalala ko raw lagi ang kagwapuhan niya, sabi niya sa dedication niya sa likod. Loko talaga ang Alex na yun.

Nagpunta kami sa burol ni Alex, Sat night. Nakasara ang coffin. I don’t want to imagine kung ano’ng itsura ni Alex ngayon after mabundol siya. I mean, I’ve seen enough forwarded pictures sa email. Nasira daw ang mukha niya sa lakas ng collision. God! I don’t want to think about it talaga.

That’s when my family members started experiencing weird things in my room. Takot na ibinalita ng sister ko na nung gabi raw na gumimik ako, may narinig raw silang mga yabag galing sa room ko (plywood lang kasi ang divider ng mga room namin). Akala nga raw niya dumating na ako. Tinawag pa raw niya pangalan ko pero walang sumagot. Dalawang beses pang nangyari yun. Tinawanan ko lang siya. Sabi ko, baka kaluluwa ko lang yun; inaantok na at gusto nang matulog.

Isang umaga naman, napadaan sa room ko ang pinsan ko. May nakita raw siyang babaeng nakahiga sa kama ko. Long hair. Nakatalikod at tinakpan ng unan ang mukha. “Hoy, bakla!” biro daw niya. Hindi raw gumalaw yung nakahiga. Saka na lang niya nalaman na wala pala ako sa bahay.

May mga instances naman na may parang tumatakbo sa hagdan namin. Mabigat daw ang mga paa. Pati ako, one night, I was almost asleep when I heard someone calling my name. Dalawang beses inulit ang name ko. Lumabas ako ng room para tingnan kung sino. Sumilip ako sa terrace namin. Walang ilaw. I saw a shadow of someone standing near sa tanim naming balete. Sinino ko siya. Swear I saw a silhouette of a man. Nung igalaw niya ang arm niya bigla akong tumakbo ako pababa sa 2nd floor.

Tinext ako ulit ni Rose. Gusto raw ako makausap ng mommy ni Alex. Lammo, text ni Rose, ngppramdam raw c Alex sa haus nla. Hindi ako naniwala. Akala raw ng mommy niya galit ang kaluluwa ni Alex dahil nagbabasag raw ito ng mga gamit sa bahay nila. Nagpatawag siya ng ispiritista.

May message pala si Alex sa mommy niya.

Samahan mo q, reply ko kay Rose.

Nung makita ako ng mommy ni Alex bigla niya akong niyakap nang mahigpit. I was oblivious. She guided me to Alex’s room. Ang linis ng room: may wallpaper pa; may lampshade; may nakasinop na mga books sa study table. “Wait lang,” paumanhin ng mommy ni Alex. Magpapakuha daw siya ng pagkain sa katulong. We sat there sa bed ni Alex—si Rose (na nakapulupot sa braso ko) at ako. Bumalik ang mommy ni Alex, may dalang box ng snickers, at tumabi sa amin. Iniabot sa akin ang hawak niya.

I was dazed when I opened it. Mga letters ni Alex, all addressed to me. I didn’t think that Alex wrote these letters, some dated after na ng graduation. I didn’t realize his love was that strong.

No comments: