THIRD WEEK ng April, tanda ko pa, nagtext sa akin ng kaklase kong Edmund. Nag-family outing kami nun sa Pagudpod. Sabi niya, nasunog daw ang school.
Dahil doon, hindi na ako nakabalik sa tubig. Pinagte-text ko na ang mga kaklase namin.
Pero hindi naman pala buong school. Yung isang bahagi ng Tech department, yung room na gagawing Computer Lab, yun ang muntikan nang masunog.
Nang magsimula ang pasukan, dun na kumalat ang mga bali-balita.
Minadali raw kasi nilang tapusin ang Computer Lab. Bahagi kasi ito ng special project ng school. Dami nga nagreklamo kasi ito ang ginawa nilang sangkalan sa pagtaas ng tuition.
Kahit nung bakanteng kuwarto pa lang yung ginawang Computer Lab, marami na ang nagsasabi na may nagpaparamdam doon.
May mga 4th year students na nag-stay sa school para gumawa ng project. Mga bago mag-alas siyete ng gabi yun. Naglalakad sila sa corridor, dun sa area ng mga lamesang ginagamit sa table tennis, nang may makita silang batang tumatakbo mula sa dilim, tas nawala pagtapat sa bakanteng kuwarto.
Sa sobrang takot nila napakaripas sila ng takbo papunta sa may gate.
Minsan naman me teacher na napagabi nang pag-uwi. Nung dumaan siya dun sa lugar, bigla me naghagis ng bato sa tapat niya. Paglinga niya sa paligid, wala namang tao. Ang takot nung teacher, bumalik siya sa loob ng faculty room para magpasama sa co-teacher niyang lalaki.
Nung mag-decide ang school na ipa-renovate yung Tech building, damay na yung bakanteng room.
Sabi ni Mang Jani, yung matandang janitor sa school namin, maski na yung mga trabahador na gumawa ng Computer Lab, pinagpakitaan ng bata. Biglang kumakalampag yung mga tabla. Tas natutumba yung mga lata ng pintura.
Lunchbreak ng mga trabahador nang magyosi yung isang kasamahan nila. Naitapon niya sa mga basahan na natapunan ng thinner yung upos ng yosi niya, hindi niya namalayan nagliyab yung mga basahan. Nasunog ang mga kamay at braso nung trabahador.
Binalak ko ngang interbyuhin yung trabahador na yun para sa school paper namin. Tatanungin ko dapat siya kung ano ang nangyari at kung binayaran ng school ang expenses niya sa pagpapagamot. Kaso naisip ko malamang soplakin ng adviser ang gagawin kong news article. Bubusisiin ko rin kasi ang mga health benefits nila saka yung expenditures ng school sa pagpapa-renovate ng Tech building versus increase ng tuition namin for that school year. Sophomore pa lang ako noon pero subersibo na ang image ko.
Sabi nila, kagagawan ng multo ng bata yung aksidente sa Computer Lab. Siya ang nagbubukas ng mga lata ng pintura. Madalas, kuwento ng mga trabahador kay Mang Jani, pagbalik nila galing break, daratnan nilang nakakalat yung mga sininop nilang mga kagamitan sa konstruksyon.
Isang araw raw bago maganap yung aksidente, inabisuhan raw nung trabahador na nasunog ang mga braso yung mga kasamahan niya na may nagdrowing sa pader na pininturahan niya sa Computer Lab…Ian.
Minsan nabanggit namin ito kay Mr. Guerzon, yung teacher namin sa Economics. Walking encyclopedia kasi ang bansag namin sa kanya.
Sabi niya, may scientific explanation raw yung aksidente. May mga materials talagang flammable at combustible. Yung mga tipong mag-e-evaporate ang chemicals at pwedeng humalo sa hangin. Yung level na mitsa ng pagkasunog base sa temperature, flashpoint raw ang tawag run. Saka may iba’t ibang flashpoint raw ang mga chemicals. Gasolina, solvent, thinner, pintura… yang mga ganyan daw. Malamang sobrang init nang araw na yon kaya konting sindi lang galing sa upos ng sigarilyo, nag-start na ng sunog.
Kaya raw pag asa gasolinahan inaabisuhan ang mga motorista na wag magsindi ng sigarilyo. Delikado ang mga fumes ng gasolina. Hindi mo alam nakakarga na sa hangin kahit hindi mo siya maamoy.
Tinanong namin si Mr. Guerzon kung ano ang perspective niya kung nag-e-exist ba ang mga multo. Sabi niya mga energies lang daw iyon na naiiwan ng tao sa lugar na madalas nilang puntahan. Halimbawa raw, pag matagal kang nakaupo sa upuan. Tas pagtayo mo, paghawak mo sa upuan mainit pa rin. Hindi mo nakikita yung energy pero nararamdaman mo yung init ng umupo roon. Ganun raw yung mga multo.
Mga 4th year students ang huling nagkaklase sa Computer Lab. Kadalasan, inaabot sila ng lampas 6pm doon sa room.
May isang maliit na grupo ng mga Seniors na naiwan sa lab. Nagpaalam ang teacher nila at may kukuning gamit sa faculty room. Mga ilang minuto pagkalipas non, bigla raw may nagbukas ng pintuan. Nakatutok silang lahat sa isang computer at gumagawa ng algorithm para sa Visual Basic.
Tinawag ng isang kaklase nila yung teacher nila para magtanong. Hindi sumagot yung teacher. Nang puntahan ng student sa elevated station ng mga teacher, wala raw siyang nakitang tao. Sigurado ng grupo na may nakita silang pumasok sa loob ng Computer Lab. Nagkagulo na sila nung dumating ang teacher nila. Hindi makapaniwala yung Computer teacher pero naririnig na niya sa iba na may nagpaparamdam talaga sa Computer Lab.
Kapag walang nagkaklase sa lab, pwedeng humingi ng permiso ang mga estudyante para gumamit ng computers. Mga dalawa o tatlong estudyante minsan ang laman ng lab.
Isang instance, may estudyanteng mag-isang nagko-computer sa lab. Pagtingin niya sa monitor ng nakapatay na computer, may nakita siyang batang tumakbo sa likuran niya. Madalas biglang gagalaw ang mga upuan sa lab na parang may nakaupo. Minsan may parang tatapik sa mga processor.
Madalas kong madaanan pauwi yung dating kinalalagyan ng fire extinguisher na ginamit sa aksidente sa Computer lab. Wala na roon yung fire extinguisher. Marka na lang ang naiwan. Pag nagagawi ako sa lugar na iyon, naiisip ko yung batang nagmumulto. Alam kaya niyang patay na siya? ##
Thursday, December 27, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment