Sabi sa librong binabasa ko tungkol sa yurei, may iba’t ibang klaseng multo sa Japanese culture: ang onryo, multong nagbalik mula sa purgatoryo para maghiganti; ang ubume, multo ng inang namatay sa panganganak o inulila ang kanyang mga anak; ang goryo, multo ng isang aristokratang martir; ang funayurei, multo ng nasawi sa gitna ng dagat; ang zashiki-warashi, mapagbirong multo ng bata; mga sundalong multo na napatay sa Genpei War at nagpaparamdam sa Noh Theater; at multo ng babaeng nakikipagrelasyon sa lalaking buhay.
Tinitingnan ko yung painting ng yurei nang hablutin ng kaklase ko ang libro.
“Ano na naman ‘tong tinitira mo, Edge?!” urirat sa akin ng adakrabs kong si Rjhay.
Okay, sige aminin ko na. Isa akong lesbiana. Ikaw ba naman ang “ikulong” na parang kalapati ng nanay mo dito sa Holy Mamaw mula elementary. Puro kalapati na lang tuloy ang nakikita ko. Kaya kung ma-in love man ako sa kapwa ko kalapati, si mommy ang ihaharap ko sa mga mag-uusisa sa akin.
“Nababasa mo ba ‘nakasulat?” sagot ko sa kanyang may pagkainis. “Akin na nga!” bawi ko sa kanya ng libro.
Ang ingay na naman ng klase simula pa lang ng araw. Hindi na naman kasi pumasok si Miss Tuazon, ang adviser namin. Nasaan na ba ‘yun? Balita namin may sakit siya. Kung ano ang sakit niya, hindi sa amin sinasabi ng ibang faculty.
May kumatok na estudyante sa pinto pero hindi namin siya pinansin. Tinawag ng kaklase ko ang class president namin. Nang makausap niya ang dumating, lumapit siya kay Therese.
Tahimik na tumayo si Therese. Ganun naman talaga siya. Naaasar ako sa katahimikan niya dahil hindi dapat ganun ang babae. Baka samantalahin lang siya ng mga lalaki. Ewan ko. Pero siguro bunga lang ng pagtingin ko sa kanya ang pagkaasar ko.
Sinundan ko siya ng tingin nang dalhin niya ang kanyang gamit palabas ng pinto.
Binuklat ko ulit ang librong binabasa ko. Inisip ko kung yung babaeng yurei, kung pwede rin siyang makipagrelasyon sa buhay na tibo. Napangiti ako. Napansin ko ang malisyosong titig sa akin ni Rjhay.
“Ano na naman?!” usisa ko sa kanya. Malisyoso ang ngiti niya. Isinenyas niya ang paglabas ni Therese sa pintuan.
Alam ni Rjhay na may gusto ako kay Therese. Pero hindi ako katulad niya. Medyo discreet pa ako. Takot kasi ako kay mommy. Takot din ako sa kuya ko, baka ipagkalat niya sa pamilya pag matuklasan niyang ganito ako.
Pumasok sa kuwarto namin ang head ng Physics Department, si Mrs. Ugay. Sabay-sabay namin siyang binati.
“Take your seats, class,” panuto niya. Sumunod naman ang mga kaklase kong nakatayo at nagbibiruan. Nagsipasukan rin ang mga nakakalat sa labas ng classroom.
“I have something to say,” seryoso ang hulog ng mukha ni Mrs. Ugay. “We have two bad news that we received today.
“Miss Tuazon will not attend your class, officially, starting today. She was diagnosed with cervical cancer.”
Nakarinig ako ng mura sa bulong ng mga kaklase ko. Napatakip ako ng bibig.
“And second,” pagpapatuloy ni Mrs. Ugay, “Therese’s father just passed away.”
Pinunit ng panlulumo ang katahimikan ng klase namin.
Tumango si Mrs. Ugay. “Include them in your prayers, okay? And I am expecting you to behave. I will come back later to inform you who will take over Miss Tuazon as your adviser.”
Hindi ako makapaniwala. Binuklat ko ang librong hawak ko sa isang page na nagpapaliwanag kung ano ang hitodama—isang pares ng bolang apoy na kulay blue, green, o purple na lumilipad paikot sa isang yurei. Kanina may parang nakita akong ganito sa paligid ni Therese. Pinanindigan ako ng balahibo sa batok.
Isang linggong hindi papasok si Therese, ibig sabihin isang linggong hindi ko siya makikita. Noong gabing iyon tinawagan ko siya sa telepono. Kinumusta ko siya. Nag-ingat ako sa pagtatanong, di gaya ng dati. Introvert ako pero mas kulob ang loob ni Therese, masyadong mahinhin.
Nagbaril pala ang erpat niya. Lagi kong pinupunan ang long pause ni Therese sa kabila ng awditibo. “Wag mong sasabihin sa iba ha,” pakiusap ni Therese sa akin. “Nagselos kasi siya sa mama ko. May fall-out na kasi sila. May nabasa siyang text message sa celphone ng mama ko galing sa officemate niya.”
“Don’t worry, Therese. You can trust me naman,” bulong ko sa kanya. Nakarinig ako ng impit na ‘salamat’. Bago ako matulog, tinext ko rin siya ng ganoon.
Pagkatapos ng dalawang araw, dumating sa amin ang balita na patay na si Miss Tuazon. Natural na reaksyon na magimbal ang klase.
Itinago ko ito sa kanila. Pero noong umagang iyon, bago ianunsyo ang pagkamatay niya, nakita kong pumasok si Miss Tuazon sa klase. Tulad ng dati, nakita ko siyang lumitaw sa pinto hawak ang lesson plan niya, ang libro namin sa Filipino 2, at ang pencil case niya.
Nakita ko siyang tumawid sa harap ng blackboard patungo sa cabinet niya sa kabilang dulo. Nakita ko siyang ibinaba ang gamit niya sa teacher’s table.
Kanina lang, pagdaan ko sa locker, nakita ko siyang pumasok sa Faculty Room.
Hindi ko maintindihan ang mga nakikita ko. Pero sabi nila, sa quantum physics, kapag paulit-ulit mong dinadaanan ang isang lugar, gumagawa ka ng pattern sa plane. Pinupunit mo ‘yung plane. Na kahit wala ka na, patuloy pa ring umiiral ‘yung pattern at, minsan, nagma-manifest iyon sa naked eye.
Ewan ko. Dati, noong bata pa ako, natatakot sa akin ang katulong namin dahil lagi raw akong may itinuturo sa kanya sa bahay pero wala naman daw siyang nakikita. Nakakatawa.
Pero siguro iyon din ang dahilan kung bakit ko itinago iyon sa mga kaklase ko. Kahit kay Rjhay. Baka hindi sila maniwala na nakita ko ang yurei ni Miss Tuazon. Baka tawanan lang nila ako. Tulad ng takot kong pagtawanan ako ng tao kapag malaman nilang nagkakagusto rin ako sa kapwa ko babae.##
Thursday, December 27, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment