Tuesday, May 24, 2011

Number 8

Noong lumuwas ako dito sa Manila para magtrabaho, nakilala ko si Mike. Ipinakilala siya sa akin ng officemate ko. Ka-building namin siya. Nagkataong naghahanap siya noon ng matitirhan dito sa Manila at ako naman ay naghahanap ng housemate.

Galing sa Samar si Mike. Ako naman tubong Laguna. Hindi nalalayo ang edad namin kaya nagkasundo kami agad.

Mahilig magbasa at magsulat si Mike. Punung-puno ng libro ang kuwarto niya. Isang araw, nabanggit sa akin ni Mike na gumagawa siya ng libro tungkol sa akin. Nagulat naman ako. Itinuring ko iyong biro.

“Ba’t mo naman ako gagawan ng kuwento?” sabi ko sa kanya.

“Basta!” sabi niya.

“Tungkol saan naman ‘yan?” dugtong ko.

“Tungkol ito sa iyo,” sabi niya.

Naalala ko ang kakaibang balik ng liwanag sa mga mata niya nang sabihin niya iyon.

“Bahala ka,” sabi ko sa kanya. “Ipabasa mo na lang sa akin ‘pag tapos mo na.”

Pero isang linggo pagkatapos mangyari ang usapan namin, binawian ng buhay si Mike. Namatay siya sa loob mismo ng kuwarto niya. Namatay siya habang natutulog. Bangungot. Hindi ko alam kung ano ang nangyari sa isinusulat niyang kuwento tungkol sa akin, kung natapos ba niya o ano.

Kinuha ng mga kamag-anak ni Mike ang mga gamit niya ilang araw matapos ang libing. Kinuha nila ang mga damit at personal effects niya. Pero iniwan sa kuwarto ang koleksyon niya ng mga libro.

Ilang linggo pagkatapos ng libing niya, bumalik si Mike sa dati niyang kuwarto.

Natutulog ako noon sa kabilang kuwarto nang bigla akong gisingin ng malalakas na katok. Tumayo ako sa kama na ang nasa isip ko ay si Mike. Baka may kailangan, sabi ko sa sarili. Madalas niya kasi akong katukin pag nauubusan siya ng toothpaste o ‘pag nawawala ang hair wax niya.

Pupungas-pungas akong pumunta sa pintuan. Pagkabukas ko ng pinto, walang tao. Saka ko lang naalala na patay na nga pala ang housemate ko. Tumayo ang mga balahibo sa braso ko sa takot. Ako lang mag-isa sa bahay. Hindi ako dapat matakot. Tumingin ako sa orasan, 3:05 AM, tandang-tanda ko. May pasok pa ako ng umaga. Isinara ko ang pinto at bumalik sa higaan. Nagtalukbong ako ng kumot.

Mula noon, madalas nang may nagpaparamdam sa bahay. Bandang madaling-araw kapag naaalimpungatan ako at may maririnig na mga kalatog sa kusina sa ibaba. May parang nagtutulak ng silya. May mga gumagalaw ng pinggan. Pinapatay ko ang ilaw sa kusina bago ako umakyat ng kuwarto kaya natatakot akong bumaba at silipin kung may tao roon. Baka may makita nga akong tao. Baka makita ko ang kaluluwa ni Mike.

Naisip ko na baka hindi pa alam ni Mike na patay na siya. Ganoon daw ang ginagawa ng mga lagalag na kaluluwa. Hindi pa nila alam na patay na sila kaya nakikipamuhay pa sila sa mundo natin. O kaya may mga kailangan silang gawin na hindi nila natapos noong buhay pa sila. Kaya sila nagpaparamdam para maghabilin sa ating mga buhay pa.

Isang gabi, natutulog ako sa kuwarto. Bigla na lang akong napabalikwas nang may marinig akong kalabog. Napatayo ako sa kama. Malakas na kalabog iyon, galing sa labas ng kuwarto. Galing sa kuwarto ni Mike. Parang itinulak ng malakas ang pinto ng kuwarto niya.

Pero imposibleng mangyari iyon kasi naka-lock ang pintuan ng kuwarto ni Mike.

Tumayo ako ng kama at nanginginig na naglakad palabas ng kuwarto ko. Tiningnan ko ang oras. 3:05 AM na naman. Ganitong oras din noong magising ako dati. Parang may malamig na hangin na humihip sa batok ko. “Tae, Mike! ‘Wag mo ‘kong tatakutin!” sigaw ko.

Binuksan ko ang pintuan. Tahimik at madilim ang paligid. Madilim sa corridor papunta sa kuwarto ni Mike. Kinapa ko ang ilaw. Ang lamig ng paligid.

“Susi…” Naalala ko ang susi sa kuwarto ni Mike. Naka-lock nga pala ang kuwarto niya. Bumalik ako sa kuwarto ko. Hinanap ko pa sa kabinet kung saan ko naitago ang susi sa kuwarto niya.

Lumabas ulit ako ng kuwarto ko. Hawak ang susi, naglakad ako palapit sa kuwarto ni Mike. Hinawakan ko ang malamig na doorknob. Bukas ang pinto! Hindi ko maalalang naiwan ko itong bukas.

Binuksan ko ang pinto at kinapa ang switch. May naaninagan akong anino na nakaupo sa kama ni Mike. Lumakas ang kabog ng dibdib ko. Hindi ko iyon gustong pansinin pero napansin ko. Ano iyon? Si Mike ba iyon? Para akong mabubulunan sa takot. Dali-dali kong binuksan ang ilaw.

Sa kama ni Mike, nakita ko ang notebook niya na lagi niyang sinusulatan. Naalala ko, sabi niya sa akin noon na gumagawa siya ng libro tungkol sa akin. Bakit nasa kama ni Mike ang notebook eh alam ko nagligpit na ang mga kamag-anak niya noong pumunta sila sa bahay para kunin ang mga gamit ni Mike.

Kinuha ko ang notebook at umupo ako sa kama niya. Malamig ang kama. Nanlalamig na rin ako. Pakiramdam ko, umuuga ang kama sa lakas ng kabog ng dibdib ko. Binuksan ko ang notebook.

After 8 days, sulat ni Mike, I found myself asleep. Iyon lang ang laman!

Isang linya lang ang nasulat ni Mike. Sabi niya tungkol iyon sa akin pero bakit parang tungkol iyon sa kanya.

Ilang araw ang nakalipas nang maisip ko na namatay si Mike eksaktong walong araw matapos niyang sabihin sa akin na gumagawa siya ng kuwento tungkol sa akin. Ang date, August 8..8/8. ‘Yung oras na nagigising ako tuwing madaling-araw—3:05 AM—3 plus 5 equals 8. Saktong 8 weeks din buhat ng mamatay si Mike noong magsimulang may magparamdaman sa bahay. Saka ko rin naalala na naging obsessed si Mike sa number 8. Ang mga gamit niya may number 8. Ang mga t-shirt niya. Ang baseball cap. Ang mga posters na nakakabit sa dingding, may number 8.

Hindi ko maintindihan kung ano ang koneksyon ng pagpaparamdam ni Mike sa number 8. Pero kinaumagahan noon, kinontak ko ang mga kamag-anak niya para kunin na ang lahat ng gamit niya sa kuwarto. Nagpa-bless na rin ako ng bahay. Pero hanggang ngayon may takot pa rin ako kapag nakakakita ako ng number 8. Naaalala ko ang nangyari kay Mike.

Batang Putik

Dito sa lugar namin, laging hinahanap ang kapayapaan. Halos masanay na kami sa masamang balita. Halos buwan-buwan may mababalitaan ditong hinaharang na bus, niraratrat na mga pasahero, o pinapasabog na poste ng kuryente.

Isa akong guro sa elementary sa isang baryo rito sa Lanao del Norte.

Isang umaga, habang naglalakad ako papunta sa klase, sinalubong ako ng mga estudyante ko sa grade VI at pilit na pinapupunta ako sa classroom.

Pagdating ko sa klase, nakita ko ang isa sa mga bata na naglulupasay sa sahig. Dali-dali akong tumakbo papunta sa estudyante at ipinatawag ang prinsipal.

Dinala namin ang bata sa clinic. Ang sabi, inatake raw ng epilepsi ang bata. Pero imposible dahil wala namang history ng ganoong sakit ang bata.

Nang kausapin ko ang bata, doon ako kinilabutan. Ang sabi niya, ang natatandaan niya, naghihintay siya noon sa pagdating ko nang mapatingin siya sa labas ng bintana. May nakita siyang isang batang naka-uniporme na nakatayo sa tabi ng puno ng talisay. Napansin niyang nakatingin ito sa kanya.

“Hindi lang nakatingin, ma’am,” kuwento niya. “Nakatitig po siya sa akin. Mapupula ang mga mata niya.”

Saka niya napansin na puro putik ang suot na uniporme ng batang nakatayo sa puno. At puro putik din ang buong katawan.

“Tinuro po niya ako. May sinasabi siya sa akin pero hindi ko siya maintindihan. Para siyang may hinahanap.” Doon nagdilim ang paningin niya.

Noong umpisa, hndi ako naniwala sa kuwento ng bata.

Pero ako naman ang nakaramdam.

Isang hapon, nasa classroom ako at nagliligpit ng mga gamit sa klase. Nakarinig ako ng maingay sa labas—boses ng batang tumatakbo at tumitili na parang hinahabol.

Tumayo ako para sawayin ang bata pero nang sumilip ako sa labas mula sa pintuan, wala akong nakitang tao sa corridor.

Sino kaya iyong batang narinig kong tumatakbo? Hanggang ngayon iniisip ko pa rin kung dala lang ng pagod o guniguni iyong nangyari.

Mula noon may mga napapansin na akong pangyayari sa classroom. Halimbawa, mga nawawalang gamit sa klase. Nawawalang lalagyan ng chalk, pambura ng blackboard. Isang araw, nakita kong nakalapag sa sahig ang isang visual aid na nakakabit sa dingding sa likod. Walang umaamin sa klase kung sino ang nagtanggal. Walang nakakita kung sino ang gumawa.

May araw na kinikilabutan ako kapag nagtataas sila ng kamay, at tingin ko, may sobrang kamay na nakataas. Na hindi ko alam kung sino ang nagmamay-ari.

May araw na napapasilip ako sa mga bintana sa tapat ng corridor kapag may mga batang naglalaro ng habulan. Iniisip ko na baka makita ko iyong batang nagpaparamdam.

O sa labas ng bintana. Baka makita ko iyong batang puro putik sa katawan na na nakatayo sa ilalim ng punong talisay nang makita ng isa sa mga estudyante ko.

Ilang buwan na ang nakakaraan nang may mangyaring trahedya rito sa aming elementary school. Nag-collapse ang aming school building sa sobrang lakas ng hampas ng hangin at ulan. Dalawang bata ang namatay.

May isang batang binawian ng buhay nang madaganan ng mga bato at graba. Siyam na estudyante pa ang nasugatan. Masyadong matanda na kasi itong building dito sa amin sa Poblacion, 1920s-era pa ito itinayo. Iyong isang pang bata ay namatay habang ginagamot sa ospital.

Asylum

Nakarinig na ako dati ng mga kuwento na may mga school na dating sementeryo. Mga kuwento na pinamumugaran ang mga ito ng mga ligaw na kaluluwa dahil tinambakan lang ang lugar ng semento kaya nasa ilalim pa ng lupa ang mga bangkay ng mga dating nakalibing na hindi kinuha ng kamag-anak nila.

Nakarinig na rin ako ng mga kuwento na may mga school na dating ospital. Mga kuwento na may mga nagpaparamdam sa dating morge na ginawang science lab. Mga kuwento ng mga kaluluwang naglalagalag pa rin sa mga kuwarto dahil hindi pa nila alam na namatay sila sa oras ng doktor.

Ang ikukuwento ko ay tungkol sa school namin sa Batangas. Isa iyong technical school. Maliit lang ang building, dalawang palapag lang, at kaunti lang ang populasyon ng mga estudyante.

Bagong gawa ang harapang bahagi ng school kaya aakalain ng mga hindi tagarito na ito ay isang bagong gawang building. Ito ang hall kung saan mapupuntahan ang office ng principal, faculty room, at registrar.

Pero kapag pinasok mo na ang school, makikita mo ang mga senyales na isa itong matandang gusali. May mga lumang kuwarto pa na magkokonekta sa history ng building. Ayon sa mga sabi-sabi, dating ospital ang aming school. Pero hindi basta ospital lang. Dati itong ospital ng mga baliw.

May mga kuwentong kumakalat tungkol sa mga nagpaparamdam na kaluluwa sa school namin. Maski mga teachers may mga kuwentong multo. Minsan napag-usapan namin ito sa klase ng Humanities prof namin na halos kaedad lang namin. Bb. Rhoda ang tawag namin sa kanya.

Isang gabi, naglalakad daw si Bb. Rhoda sa corridor papunta sa faculty room. Normal na may mangilan-ngilang mga estudyante pang nakatambay malapit sa faculty room dahil may mga klase pa sa gabi. Ang totoo, ang technical school ay para sa mga estudyanteng may trabaho sa umaga para mabigyan sila ng pagkakataong dumalo sa klase sa gabi.

Nakaramdam daw ng kakaibang lamig si Bb. Rhoda habang naglalakad. Tumayo ang mga balahibo niya sa braso. Saka lang niya napansin na walang tao sa corridor. Nagtataka siyang nagpatuloy sa paglalakad.

Ang faculty room ay sa dulo ng building, malapit sa hagdan papunta sa mga classroom sa second floor. Walang ilaw nang mga panahong iyon sa hagdan. Medyo ginapang na ng takot si Bb. Rhoda pero nagpatuloy lang siya sa paglalakad. Dire-diretso siya sa pintuan ng faculty room nang walang lingun-lingon.

Paghawak niya ng doorknob, may nakita siyang aninong gumalaw malapit sa hagdan. Sinubukan niyang hindi iyon pansinin. Sabi niya, baka ‘yung janitor lang ‘yun na natapos nang maglinis ng mga classroom.

Pagbukas niya ng pinto, sinalubong siya ng init ng faculty room. May nagpatay sa aircon. Wala kasing professor sa loob. Kinapa niya ang ilaw sa gilid ng pintuan at binuksan. Pumasok siya at dumiretso sa dulo ng kuwarto, sa tapat ng mga nakasarang bintana, para buksan ang aircon.

Sinisilip ni Bb. Rhoda ang mga nakasarang bintana habang naglalakad para alisin ang takot. Naghahanda rin kasi siya baka may sumilip sa kabila ng mga bintana o may dumaang tao. Naghihintay siya na baka may magpakitang multo. Kung sakali, sabi niya sa amin, handa siyang tumakbo.

Bago pa niya mabuksan ang aircon, may malamig na hanging dumampi sa mga braso niya. kanina pa siya nilalamig sa kaba.

Tahimik siyang umupo sa tapat ng mesa at nagbuklat ng mga test papers na ire-record. Nang biglang may kumatok sa pinto.

Pagbukas ng pinto, tumambad sa kanya ang janitor, isang matandang bantay ng school.

“Ginulat n’yo naman ako, manong,” sabi ni ma’am.

“Pasensiya na po,” paumanhin ng janitor.

“Siya nga pala,” sabi ni ma’am, “kayo po ba ‘yung bumaba kanina sa hagdan?”

Nagtaka ang janitor. “Ay, hindi po ma’am. Galing po ako sa labas. May pinabili po kasi si dean sa akin.”

Hindi na lang pinansin ni Bb. Rhoda ang pangyayari.


Marami pang mga katatakutang nararamdaman sa school. Isang grupo raw ng magkakaklase ang nagpaiwan sa school isang gabi para mag-meeting. Nag-stay daw sila sa classroom. Habang tahimik na nagmi-meeting ang magkakagrupo, bigla na lang silang may narinig na humalakhak. Boses daw ng isang lalaki ang narinig nila at galing ito mismo sa loob ng classroom. Pero hindi ito galing sa isa man sa kanila.


Ako naman, nakasanayan ko nang pumasok ng maaga. Halos kasabay kong dumating ang guwardiya ng school. Umupo ako sa bangko malapit sa classroom namin at nakinig muna ng tugtog gamit ang mp3 player ko.

Habang nakikinig ako ng music, nagtaka ako dahil parang may ibang boses na sumasabay sa pinapakinggan ko.

Hindi nga ako nagkamali. May naririnig ako kasabay ng tugtog. Parang boses ng isang lalaki. At tinatawag ang pangalan ko. Pinatay ko ang mp3 para masiguro kung galing nga sa pinapakinggan ko ang boses. Nawala ang ungol. Lumingon ako sa paligid. Ako lang mag-isa.

Bubuksan ko na sana ulit ang mp3 nang biglang may narinig akong halakhak. Tawa ng isang lalaki. Pagpatay ko ng mp3 may narinig akong malakas na kalabog. Parang silya na ibinagsak.

Sa loob ng classroom, naisip ko. Pero imposible dahil walang tao sa kuwarto. Tumayo ako at sinilip ang kuwarto mula sa pintuan. Wala ngang tao. Doon na ako kinilabutan.

Ikinuwento ko ito sa klase ni Bb. Rhoda. Kung mga kaluluwa ng pasyente ‘yun ng dating ospital, hindi ko sigurado. Maaaring hanggang ngayon hinahanap pa rin nila ang daan palabas.

Babae sa Hagdan

Totoo pala ang bilin ng mga matatanda na huwag mong bibiruin ang mga kaluluwa dahil baka balikan ka nila. Napatunayan namin ito ng mga classmates ko noong mag-duty kami sa isang private ospital sa Pampanga.

Lima kaming na-assign sa Pampanga. Ako, si Jordan, at tatlo kong kaklaseng babae. Dahil sa Manila kami lahat nakatira, naghanap kami ng isang house for rent na malapit sa ospital. May nakapagsabi sa amin na pinaparentahan ang bahay sa dulo ng village. Pag-aari ito ni Aling Norma.

Nag-migrate na raw sa US ang may-ari ng bahay at ipinagkatiwala kay Aling Norma na nakatira malapit sa bahay na rerentahan namin. Hindi naman kalumaan ang bahay. Nagkalat ang mga picture frames. Pwede raw namin itabi ang mga ito kung gusto namin, sabi ni Aling Norma. Ang kakaiba lang sa bahay ay ‘yung malaki at matarik na hagdan papunta sa apat na kuwarto sa itaas. Nasa gitna ang hagdan. Parang hagdan ng isang malaking bahay ng Kastila. Parang hagdan ng isang haunted house.

Lagi naming napagbibiruan na may nagpaparamdam sa hagdan. Ibinilin kasi sa amin ni Aling Norma na huwag tumakbo sa hagdan.

“Baka kayo madulas,” babala niya.

“Baka ayaw ng multo na may maingay sa bahay,” sabi ng makulit kong kaklaseng si Jordan.

Tinitigan siya ni Aling Norma.

“Sabi nila, may nagpaparamdam daw diyan sa hagdan. Iyan ang kuwento ng ibang mga tumira rito. May babaeng naglalakad sa hagdan tuwing hatinggabi.”

Natakot ang mga kasama naming babae. Nag-ayawan na. Maghanap na lang daw kami ng ibang boarding house. Pero sabi ko sa kanila, ito lang ang papayag na magkakasama kaming lima. Saka, isa pa, mura lang ang singil ni Aling Norma. Napapayag ko naman silang lahat.

“Ayan na ang multo!” sigaw ni Jordan.

Nagsigawan ang mga kaklase ko.

“’Wag ka naman manakot,” sabi ko kay Jordan.

Ayon sa kuwento ng mga tumira na sa bahay, isang babaeng nakaputi raw ang madalas na makitang nakatayo sa itaas ng hagdan. May iba namang nakakakita sa multo ng babae na bumababa ng hagdan tuwing hatinggabi. Isang white lady? Hindi. Isang babaeng nakadamit-pangkasal.

Kapatid daw ito ng lola ng may-ari ng bahay, sabi ni Aling Norma. Nagbigti ito sa tapat ng hagdan pagkatapos takasan ng kasintahan sa araw ng kanilang kasal. Kung tutuusin hindi parte ng village ang bahay. Nasa dulo ito ng village. Sa bahagi na matataas ang damo. Na wala pang gaanong nakatira.

“Tandaan n’yo,” sabi ko sa kanila, “sabi ni Aling Norma hindi magpapakita ang multo kapag hindi natin siya gagambalain.”

“Ayoko na!” sabi ng isa kong kaklaseng babae.

“Sure,” sagot naman ni Jordan.


Nakalipas ang ilang araw pero tahimik naman ang bahay. Wala pa sa amin ang nakakakita ng sinasabi nilang multo ng babaeng nakadamit-pangkasal.

Hanggang isang gabi, nagkayayaan kaming mag-inuman dahil natapat na wala kaming pasok lahat kinabukasan. Sinamantala namin iyon dahil bihira na magkatapat-tapat ang restday naming lahat.

Nasa kalagitnaan na kami ng tagayan nang matapat ang usapan sa multo sa hagdan. Nag-iinuman kami sa isa sa kuwarto ng mga babae.

“Nakita n’yo na ba ‘yung white lady sa hagdan?” sabi sa amin ni Jordan na medyo namumula na ang mukha.

“Hindi naman totoo ‘yun,” sabi ko sa kanya.

“Oo nga! Kung meron, eh di nakita na naten!” sabi ng isang kasama naming babae.

“Kung totoo ‘yun, nagpakita na ‘yun sa iyo!” sabi ng kasama naming babae kay Jordan.

“Bakit sa akin magpapakita ‘yun? Eh hindi naman ako takot sa multo!” sagot ni Jordan.

“Sige nga. Kung hindi ka takot, bumaba ka mag-isa sa kusina,” sabi pa ng isang kasama naming babae.

“Oo nga, Jordan. Ubos na yelo natin. Kumuha ka ng yelo,” sabi ko sabay abot sa kanya ng pitsel.

“Hindi ako takot sa multo ah!” sigaw ni Jordan nang tumayo siya para abutin ang pitsel.

“Hindi ka nga takot. Sige na! Wala na tayong yelo!” sabi ko.

Tumayo si Jordan at naglakad palabas sa pintuan. Iniwan niyang bukas ang pinto.

“Baka lang me magparamdam…” sabi niya sa amin habang tumatawa kaming lahat sa kanya.


Lumipas ang ilang minuto hindi pa rin bumabalik si Jordan. Napansin na iyon ng mga kaklase kong babae.

“Baka kinuha na ‘yun ng multo,” sabi ko sa kanila.

Nagtawanan kami.

“Teka nga,” sabi ko. “Pupuntahan ko na siya.”

Nang biglang mag-ring ang cellphone ko. Si Jordan tumatawag. Sunduin ko raw siya sa ibaba.

Pag-akyat namin, todo-kantiyaw sa kanya ang mga kaklase kong babae.

“Takot ka pala sa multo eh! Hahaha!” sabi ng isa kong kaklase.

“Guys, bumili kasi ako ng yelo sa labas,” sabi ni Jordan na namumutla.

“Sabihin mo na sa kanila,” sabi ko sa kanya.

“Sige na nga. Ano ‘yun?”


Habang kumukuha ng yelo sa ref, may napansin si Jordan sa hagdan. May para siyang nakitang damit na puti na agad niyang napansin. Pagkakita niya, isang babaeng nakaputi ang dahang-dahang bumababa sa hagdan. Huminto ang babae sa huling baitang ng hagdan at tumingin sa kanya.

Pulang-pula ang mga mata ng babae, kuwento ni Jordan habang nanginginig. “Guys, hindi ako nagbibiro!!” sabi niya. Sa takot, naiwan pa niya ang yelo sa mesa sa ibaba. Sabay-sabay kaming lumabas ng kuwarto at bumaba sa hagdan. Pero hindi namin nakita ang babaeng nakaputi. Hindi rin namin alam kung nagbibiro lang sa amin si Jordan.

Buddha

May isang hindi maipaliwanag na pangyayari sa buhay ko. Nangyari ito noong bata pa ako at nakatira pa kami sa probinsiya. Maraming kuwento sa aming probinsiya. Kuwento ng lola ko, noong bata pa siya, nakakita siya ng mga duwende. Isang madaling-araw iyon, nagising siya sa mga sigawan. Pinakinggan niya kung saan nanggagaling ang mga boses. Parang nanggagaling sa ilalim ng kubo nila. Nang sumilip siya sa sahig na kawayan, nakita niya ang isang grupo ng mga duwende na para bang nagpaparada.

Isa lang iyon sa mga kuwentong kababalaghan ng lola ko. Kuwento pa niya, mga mangkukulam ang nakatira sa tapat ng bahay namin. Laging nakasara ang gate ng kapitbahay namin kaya hindi ko rin mausyoso. Isa pa, bata pa ako noon.

Pero hindi ko makalimutan ang nangyari sa akin. Mga 12 years old ako noon. Kumakain kami sa kusina habang nanunuod ng TV. Napansin ko na mabigat ang pakiramdam ko noon. Saka para akong nabibingi.

“May lagnat ka?” tanong sa akin ng ate ko. Napansin niya akong matamlay na lumabas ng kuwarto.

Umiling lang ako. Mabigat talaga kasi ang ulo ko.

Lumapit sa akin si nanay at ipinatong ang kamay niya sa nuo ko. “Wala naman,” sabi niya. “Baka lagnat-laki lang ‘yan. Bilisan mong kumain at maligo ka na. Male-late ka na.”

Tumango lang ako.

Inubos ko ‘yung pagkain. Nakalimutan ko na kung anong ulam. Tumayo ako at bumalik sa kuwarto para kunin ang tuwalya ko. Mabigat pa rin ang ulo ko.

Hinila ko ang mga paa ko papunta ng banyo. Papalapit pa lang ako ng banyo nang makita kong bukas nang kaunti ang pinto.

Nagimbal ako sa nakita ko. May malaking lalaki na nakatayo sa loob ng banyo namin. Sa takot, hindi agad ako naligo. Nanuod muna ako ng TV. Nakita ko ang ate ko na pumasok ng banyo. Wala na roon ang malaking lalaki.

Nang lumabas si ate, pinagalitan niya ako.

“Ba’t hindi ka pa naliligo?” angas niya. “Tingnan mo, anong oras na?”

Sinabi ko sa kanya ang totoo.

“Ate, me nakita ako kanina sa banyo,” sabi ko.

“Ano na naman ‘yun?” asar niya.

“Malaking lalaki. Parang buddha. Nakita ko kanina nakasilip sa pinto.”

“Ahh, ‘yun ba?” sabi niya. “Nakita mo rin pala.”

“Anong nakita, ate? Nakita mo rin?”

Matagal na pala nilang nakikita ang malaking lalaki sa banyo. Hindi lang nila sinasabi sa akin. Hindi namin matiyak kung sino o ano iyong nagpaparamdam doon.

“’Yun ang Lolo Damasco n’yo,” sabi sa akin ni nanay.

Madalas daw dati magtabako si lolo sa banyo kapag nagbabawas siya. Paboritong lugar niya ang banyo. Isang araw, nakahanap ako ng picture ni Lolo Damasco. Hindi ko alam kung siya nga ‘yung multo sa banyo namin pero mukha rin siyang buddha sa picture.

Awit ni Daphne

Kapag lumilipat ka sa isang lumang bahay, para kang makikipisan sa isang taong hindi mo kilala. Kailangang kilalanin mo ang buong history niya. Kung ano siya; kung sinu-sino ang mga nakapaligid sa kanya; kung anu-ano ang mga karanasan niya.

Tulad ng bahay na nilipatan ko. Bahay ito ng lola ko. Noong una, plano kong pansamantala lang na tumira rito—mga one month, hanggang sa makakita ako ng bagong room for rent—dahil malapit ang bahay ng lola ko sa pinapasukan kong trabaho.

Medyo maliit ang bahay. Pero meron itong 2nd floor. Nakatira rito dati si lola at ang tita ko. Nagkaroon ng anak sa pagkadalaga ang tita ko, ang pangalan niya ay Daphne. Ugali na ng tita ko ang maging pabigla-bigla. Isang araw, nagpaalam na lang siya na magtatrabaho sa Singapore. Iniwan niya si Daphne sa poder ng lola ko. Silang dalawa lang ang naiwan sa bahay.

Mula noong nagkasakit ng malubha si lola, inako ng isa ko pang tita ang pag-aalaga kay Daphne. Sa Laguna na ngayon nakatira si Daphne. Namatay ang lola ko ilang araw lang matapos siyang isugod sa ospital. Kaya abandonado na itong nilipatan kong bahay mula pa noon.

Ako lang mag-isa ang nakatira rito. Okay lang. Sanay na akong mag-isa. Ginawa kong imbakan ng gamit ang kuwartong tinutulugan dati nina lola at Daphne sa 2nd floor. May dalawang kuwarto sa 2nd floor. ‘Yung mas maliit ay ginawa na nilang bodega dati pa. Sa sala ako natutulog. Kadalasan, nakakatulugan ko ang panunuod ng TV.

Paggabi ako sa trabaho. Nakakauwi ako ng bahay around 11 AM. Kaunting nuod ng TV. Kapag umuuwi ako ng bahay, hindi na ako nakakakain. Diretso ako ng higa sa sala. Mabilis akong nakakatulog sa pagod.

Isang tanghali, bigla akong naalimpungatan. May narinig akong tumawag ng boses ko. Boses ng isang batang babae. Tumayo ako at naglakad papunta sa pintuan. Sumilip ako sa bintana. Walang tao sa tapat ng gate. Ako lang naman ang tao sa bahay. Baka guniguni ko lang ‘yon, sabi ko sa sarili. Bumalik ako sa sala at nahiga. Agad din akong nakatulog.

Mga ala una ng tanghali, naalimpungatan ako ulit. Hindi ko muna binuksan ang mga mata ko para makatulog ako ulit. Biglang may kumalabog. Galing sa 2nd floor. Hindi ko iyon pinansin. Pero sa totoo lang, nagsimula na akong kilabutan. Inabot ko ang unan at ipinatong sa ulo ko para makakuha ulit ng tulog.

Pero biglang sunud-sunod na ang kalabog. Parang may tumakbo pababa sa hagdan. Napatayo ako sa gulat. Tumingin ako sa bandang hagdan. Huminto agad ang kalabog pagtayo ko.

Wala akong nakitang tao sa hagdan. Pag-upo ko, kinilabutan ako sa nangyari. Nakarinig ako ng static. Nakabibinging static. Tumagal ‘yon ng ilang minuto.

Ikinuwento ko ito kina mommy. Wala naman daw nakukuwento sina tita at lola sa kanya noong nakatira pa sila roon. Inisip ko na guniguni ko nga lang ang lahat. Dala ng pagod at puyat. Akala ko doon na matatapos ang pagpaparamdam.

Sabado ng gabi, nagtutupi ako ng mga nilabhang damit sa kama ni lola sa may kuwarto sa 2nd floor. Binuksan ko ang radyo para mabasag naman ang katahimikan sa bahay. Matatapos na ako sa ginagawa ko nang may marinig akong sumitsit.

Tumayo ako mula sa kama at naglakad papunta sa pintuan. Nagulat ako sa nakita ko. Isang bata. Nakatalungko sa pinakamataas na bahagi ng baitang ng hagdan. Hindi ko nakita ang mukha niya. Nakayuko siya. At yakap-yakap niya ang mga tuhod niya.

Sa takot ko, bumalik ako sa kama. Kinuha ko ang Holy Bible sa gilid ng aparador. Bumalik ako sa pintuan para silipin ang hagdan. Wala na roon ang multo ng bata.

Mula noon sa kuwarto na sa 2nd floor ako natutulog. May isang bagay akong napansin noon. May picture kasi si lola na nakaipit sa aparador. Bigla ‘yong nawala.

Hindi ko inaasahan na tumindi ang pagpaparamdam. Hindi ko na matandaan kung anong araw iyon. Nasa ibaba ako at naghuhugas ng pinggan nang may marinig ako sa itaas. May narinig akong kumakanta.

Una, mahina lang ang ungol. Pero palakas ito ng palakas. Nakilala ko ‘yong kinakanta. Sikat ‘yong kanta. May Bukas Pa. Boses ng isang batang babae.

Nilunok ko ang takot ko. Umakyat ako sa 2nd floor. Nasa hagdan ako nang tumigil ang kanta. Alam ko sa maliit na kuwarto nanggagaling ang boses kaya binuksan ko ang pinto ng kuwarto. Tulad ng inaasahan ko, walang tao.

Kinuwento ko ito kina mommy at kay tita sa Laguna. Kinilabutan ako sa sinabi nila.

Noon kasing umalis ang tita ko at iniwan kay lola ang anak niyang si Daphne, nalungkot daw ‘yung bata. Kapag nanunuod daw siya ng TV, kinakanta niya ‘yung May Bukas Pa. Pero istrikta ang lola ko. Ayaw na ayaw niyang naririnig na kinakanta ni Daphne ‘yung kanta. Pinapalo niya si Daphne kapag naririnig niya itong kumakanta.

Kaya ang ginawa ni Daphne nagkukulong siya sa maliit na kuwarto. Doon niya kinakanta ang May Bukas Pa. Umiiyak daw si Daphne kapag kinakanta niya iyon. Siguro nami-miss niya ng sobra ang nanay niya. Seven years old lang si Daphne pero naka-identify na agad siya sa kanta.

Buhay pa si Daphne at nakatira pa rin siya sa tita ko sa Laguna. Imposibleng siya ‘yung narinig kong kumakanta sa 2nd floor. Imposibleng siya rin ‘yung batang nakita kong nakatalungko sa hagdan. Naisip ko, siguro ganoon kalakas ang naramdamang lungkot ni Daphne. Naiwan ito sa bahay. Naiwan ito sa maliit na kuwarto kung saan siya dating nagkukulong. Naiwan niya ang pangungulila niya sa nanay niya.

Ang Aparador

MAY KAKAIBANG PANLASA ang nanay ko sa mga bagay na antique. Mula noong magtayo ng antique shop sa tabi ng sakayan ng traysikel malapit sa amin, nagsimula na siyang “maaliw” sa mga lumang bagay. Hindi mapigilan ang kati ng kamay niya sa pagbili. Kaya dumating ang oras na linggu-lingo na siya kung magpasama sa akin para manghanting ng mga antique shops sa mga suluk-sulok ng Quezon City.

Kapag pumunta ka sa bahay namin, lilitaw ang ebidensiya ng mga nauuwing antique ni nanay. Naroon ang malalaking mga santo at kerubin na babati sa iyo sa bungad ng bahay namin. Naroon ang mga malalaking vase na nakadispley sa paligid ng sala. ‘Yung mga antique na manika at kandelabra sa binili niyang lumang estante.

Para bang may kung anong humihila sa kanya para bumili ng mga pinaglumaan ng kung sino (may mga binili rin siyang sepia photographs ng mga taong hindi niya kilala; karamihan sa kanila malamang abo na). Siguro may “old soul” ang nanay ko, tulad ng sabi nila.

Pero dumating ang araw na ako na ang sumuko sa nanay ko.

Isang hapon, dumating ako sa bahay galing sa school. Naabutan ko ang nanay ko sa sala at nanunuod ng TV.

“Cesar,” sabi niya, “umakyat ka sa kuwarto mo.”

Nagulat ako sa sinabi sa akin ng nanay ko.

“Bakit po?” pagtataka kong sagot sa kanya.

Tumayo siya at pumunta sa likod ko. Hinawakan niya ang magkabilang balikat ko saka ako itinulak paakyat sa hagdan.

“Bakit nga po?” natatawa kong sabi. May kaunting idea na rin ako sa mangyayari. Ganito siya ka-excited kapag may nadidiskubre siyang “kayamanan” galing sa antique shop.

Hanggang sa tapat ng pintuan ng kuwarto ko, nakahawak pa rin sa balikat ko si nanay.

Pagbukas ko ng pinto, nagulat talaga ako sa nakita ko.

Nawawala ang aparador ko!

Ang naroon ay isang malaking tokador! Isang lumang tokador!

“Nasaan ang aparador ko?” tanong ko kay nanay.

Ipinamigay niya raw sa kapitbahay. Nakakaasar!

Nahalata niya siguro ang galit ko kaya sabi niya, “Puwede naman nating ibalik kung hindi mo magustuhan itong tukador. Sinabi ko na kay Ludy, anytime kukunin mo ‘yung aparador mo.”

Nakatingin ako sa repleksyon naming dalawa sa malaking salamin ng tukador. May kakaiba akong naramdaman sa tokador na ito. Parang may kung ano. Yumuko ako para buksan isa-isa ang mga drawers sa sa kanan ng salamin.

“Saan ko naman ilalagay ang mga damit ko?” sabi ko kay nanay.

“Eh di diyan sa mga drawers. Tatlo naman ‘yan. Mahihiwalay mo mga gamit mo.”

“Pambabae ito, inay!” maktol ko sa kanya. “Bakit hindi n’yo na lang ilagay sa kuwarto n’yo?”

Kaya naman pala. Bumili rin siya ng sarili niyang aparador. Antique din.

“Kung saan-saan n’yo nagagastos pera n’yo, hindi na kayo nakakaipon,” sumbat ko sa kanya.

Kinabig ako sa braso ng nanay ko. “Pagpasensiyahan mo na nanay mo, anak. Ito lang kaligayahan ko.”

Sabagay dito niya ata ibinaling ang pangungulila niya sa tatay ko mula noong umalis ito para magtrabaho sa barko.

Pagbukas ko ng mga drawers, nakaayos na ang mga damit ko roon. Naisip ko na baka mag-amoy kahoy ang mga damit ko pero hindi ko na itinuloy pang pasakitan si nanay.


KINAGABIHAN, HINDI ako makatulog. Dahil siguro sa kakaibang bagay na ito sa kuwarto ko. Naaaninag ko sa dilim ang kalakhan ng tokador—ng aparador ko. Nakikita ko ang pag-bounce ng kaunting ilaw mula sa labas ng bintana sa salamin ng tokador.

Ilang oras din akong nakatingin sa salamin nang abutan ng bumigat ang mga mata ko. Tuluyan na rin akong nakatulog.


Naalimpungatan ako. Hinagilap ko ang cellphone ko sa tabi ng unan. Alas tres ng madaling-araw. Humiga ulit ako at tumingin sa madilim na kisame. Ipinikit ko ang mga mata ko.

Biglang kumalabog ang pinto ng kuwarto ko. Nagising ako sa gulat. Tumayo ako at binuksan ang pinto. Walang tao sa labas ng pintuan. Bakit kumalabog ng ganoon ang pinto? Nilingon ko ang bintana. Hindi naman malakas ang hangin.

Itinulog ko na lang ulit.


IKINUWENTO KO kay nanay ang nangyari kinabukasan. Hindi naman daw siya lumabas ng kuwarto niya. Kahit mga kapatid ko walang alam sa pangyayari. ‘Yung katulong malamang tulug na tulog din sa sala sa ibaba kung saan siya naglalatag ng kutson.

Akala ko matutuldukan na roon ang lahat. Hindi pala. ‘Yun lang pala ang simula.

Isang hapon, galing ako sa school. Umakyat ako sa kuwarto. May narinig akong boses sa loob ng kuwarto ko. May narinig akong kumakalabog. May humahagikhik. Akala ko naglalaro lang ang maliit kong kapatid sa kuwarto kaya galit kong hinawakan ang doorknob. Pagbukas ko ng pinto, walang tao sa kuwarto.


Hindi lang pala ako ang nakakaramdam ng kakaiba sa kuwarto ko.

Isang araw, pumasok ang katulong namin sa kuwarto ko para kunin ang basket na lalagyan ng mga maruruming damit ko. Papalabas na siya ng kuwarto nang may narinig siyang kalabog. Napatingin siya sa salamin. Nakakita raw siya ng batang babae sa labas ng bintana, nakasilip sa kanya. Bigla raw umalis ang batang babae nang mapansin niya.

Hindi makalimutan ng katulong ang mga mata ng batang babae sa salamin na nakasilip sa bintana at nakatitig sa kanya. Pati ako kinikilabutan kapag ikinukuwento ko ito sa mga kakilala ko. Imposible kasing may sumilip na tao sa labas ng bintana dahil nasa 2nd floor ang kuwarto ko.

Isang gabi, nanay ko naman ang nakaramdam. Pumunta siya sa kuwarto ko para tingnan kung nakauwi na ako. Nang buksan niya ang pinto, napatingin siya sa salamin ng tokador. May nakita siyang lalaking nakaitim na nakatayo sa tapat ng kama ko.


IBINALIK NAMIN ang lumang tokador sa antique shop. Buti na lang, pumayag ang kapitbahay na ibalik ang aparador ko.

Sabi ng may-ari ng antique shop, may nagsauli na rin sa kanila ng tokador na nabili namin. Maraming kababalaghan ang naranasan ng naunang nakabili ng tokador. May nakita rin silang lalaking nakaitim sa salamin. Sabi ng may-ari, isang doktor daw ang dating may-ari ng tokador. Isa raw siyang somnambulist. Isang araw, habang tulog na naglalakad, nasakal daw niya ang anak niyang babae at napatay. Nang magising at malaman ang ginawa niya, isinilid niya ang katawan ng anak niya sa loob ng isa sa mga drawer ng tokador.

Pinto

Lumipat kami sa isang malaking bahay sa Sampaloc around 10 years ago. Two storey lang ang bahay pero malawak siya. Binili namin ang bahay dahil sa garahe sa lote. Nakatira kasi kami noon sa isang bahay sa looban ng mga eskinita.

Maayos ang bahay. Tiles na ang flooring. May isang malaking hagdan sa kanan, sa tapat ng pinto palabas ng bahay. Hindi raw ito maganda, sabi ng mga matatanda. Yari sa kahoy ang mga baitang ng hagdan, patunay na hindi ito ginalaw. Hindi namin pinansin dahil medyo malayo naman ang pintuan sa paanan ng hagdan. Isa pa, wala na raw budget si daddy sa pagpapagawa ng bahay kaya isinantabi na lang ang planong pagre-renovate ng bahay.

Biru-biruan namin na may multo sa bahay dahil luma nga. First few months naming nakatira roon wala naman nagpaparamdam. Life went on, sabi nga.

Pero iyon ang akala namin. Nanunuod sa sala ang pinsan ko. Mga 8.30 na ng gabi. Nasa labas pa kami lahat noon. Siya lang ang bantay ng bahay.

Kuwento ng pinsan ko, kampante siyang nakahiga sa sala set noon at nanunuod ng TV. Pinatay niya ang ilaw sa sala dahil wala pa naman kami. Liwanag lang na galing sa TV ang natirang liwanag sa buong bahay.

May narinig siyang kumalabog sa itaas. Sa loob-loob niya, baka pusa na nakapasok sa bintana sa may terrace. Tumayo siya para akyatin ang 2nd floor at i-check kung may pusa nga. Wala naman siyang naabutan. Baka nakaalis na.

Pagbaba niya ng hagdan napansin daw niyang may malakas na hangin na humampas sa kanya. Nagtayuan ang mga balahibo niya sa braso sa lamig ng hangin na kakaiba dahil sobrang maalinsangan nang gabing iyon.

Pero hindi niya iyon pinansin. Tuluy-tuloy siyang bumaba sa sala at itinuloy ang panunuod ng TV.

Ilang sandali pa, nakarinig ulit siya ng kalabog. Napatingin siya sa pinakamataas na baitang ng hagdan para silipin ang 2nd floor. Bigla siyang kinilabutan sa naaninagan niya sa itaas. Nakakita siya ng pugot na mga paa.

Sa takot, tumakbo raw palabas ng bahay ang pinsan ko. Naiwan pa niyang bukas ang TV. Naabutan siya ng ate ko na nakaupo sa harap ng gate. ‘Ke lalaking tao, sabi ng ate ko, takot sa multo.

Iyong kalabog na narinig ng pinsan ko sa 2nd floor, kalaunan na lang niya naisip na mga yabag pala ‘yun ng paa.

Akala namin ay doon na matatapos ang pagpaparamdam. Hindi pala. Iyon pala ang simula.

Isang Sabado ng tanghali, nasa kusina ang ate ko at naghahanda ng pagkain nang bigla siyang nakarinig ng malakas na kalabog sa hagdan. Isinigaw niya raw ang pangalan ko. Boyet! ‘Wag kang tatakbo sa hagdan! sigaw daw niya. Boyet!!

Pero nang hindi ako sumagot, ibinaba raw niya sa lamesa ang mga hawak niya at sinilip ako sa sala. Wala namang tao.

Tulog pa ako ng mga oras na iyon. Pero sumpa man, sabi ng ate ko, may narinig siyang mabilis na bumaba sa hagdan. Yari sa kahon ang hagdan kaya dinig na dinig mo ang kalabog.

Madalas nang may maririnig kang bumababa sa hagdan damin. Maririnig mo ang mga yabag ng paa. Pero hihinto ang mga yabag sa gitna ng hagdan. Pagkatapos mawawala. Madalas mangyari ito ng alas otso ng gabi (‘yung oras na may nakitang pugot na mga paa sa itaas ng hagdan ang pinsan ko) at tanghaling tapat (‘yung oras na naghahanda ng tanghalian ang ate ko nang makarinig ng tumatakbo pababa sa hagdan). Para itong cycle. Parang entrance ng mga multo ang hagdan.

Isang gabi, ‘yung katulong naman namin ang nakakita sa multo. Nagpapahinga siya noon sa sala at nanunuod ng TV kasama ng lola ko nang bigla siyang mapatingala sa itaas ng hagdan. Nakakita siya ng isang matandang babae, nakatayo sa itaas ng hagdan. Akma itong bababa pero nakalutang ang mga paa.

Mula noon, madalas na nilang makita iyong babae na bumababa sa hagdan. Kahit ‘yung officemate ng ate ko, nang bumisita sila sa bahay, nakita iyong matandang babae. Medyo malaki ang katawan ng babae. Nakabestida. Pero hindi makikita ang mukha.

Isang gabi pa, nagsisilong naman ng sinampay ang katulong namin. Nang bigla niyang makita ang multo ng matandang babae na naglalakad sa pasilyo papunta sa direksyon ng hagdan. Pero lumagos siya sa pader.

Bukod sa multo ng matandang babae, may multo rin daw ng bata sa bahay. Isang batang babae. Mahilig daw maglaro ang bata. Siya raw ang nagdadabog at nagsasara ng mga pinto sa 2nd floor. Isang gabi, nakita rin siya ng katulong namin na tumakbo papunta sa hagdan pero lumagos sa pader.

‘Yung multo ng batang babae siguro ang narinig ng ate ko na tumakbo pababa sa hagdan.

Sa totoo lang, hindi ko pa nakikita o nararamdaman ang mga multong ikinukuwento nila sa akin.

Pero isang araw, may bisita kami sa bahay. Isang matandang babae galing probinsiya. Bukas pala ang kanyang third eye. Pagpasok na pagpasok pa lang niya sa pinto, sinabi na niya sa lola ko na may dalawang multo sa bahay: isang matandang babae at isang batang babae. Mababait naman daw sila kaya ‘wag silang pansinin.

Dating may-ari ng bahay ang matandang babae. Bago pa kami lumipat sa bahay, may malaking pinto sa itaas ng hagdan na lumalagos sa kabilang bahay. Isinara na ito ngayon at ginawa nang pader. Kaya pala nakikita ang matandang babae at batang babae na lumalagos sa pinto. Nakagawian na nila siguro itong gawin noong buhay pa sila.

Ang Kaibigan ni Ben

Kaunting tao lang ang nakakaalam ng nagagawa ko. Pero alam ko sila mamaalam nila. Kinukuwento kasi lagi ni lola na nung bata pa ako kung saan-saan ako tumuturo. Sa dilim. May tinuturo ako pero walang tao. May lalaki, pero wala. May babae, pero nakaturo lang ako sa madilim na parte ng pader. Walang posibleng makadaan. May kalaro akong bata na hindi nila nakikita. Ang pangalan pa nga raw ay Ben.

Hindi ko na maalala ang tungkol kay Ben. Siguro nawala na rin sa sistema ko ang tungkol sa kakayahan kong makakita at makipag-usap sa mga kaluluwa. Siguro kasi lumaki na ako. Marami na akong pinagkakaabalahan. At saka lumipat na kami ng bahay. Baka walang nagbabantay sa bahay na nilipatan namin kaya hindi na rin ako nakakaramdam. Walang kaluluwang ligaw. At saka nabaling na kasi ang utak ko sa kaka-computer games maghapon.

Pero nung mag-3rd year ako bumalik ang kakayahan kong makakita ng mga kaluluwa.

Nangyari ‘yung sa bago naming bahay.

Tanghaling tapat nun. Nag-uusap kami ng mamako habang nanunuod ng TV sa kuwarto nila. Biglang may dumungaw na lalaki sa kusina. Kalbo at maitim ang lalaki. Dingding lang ang pagitan ng kusina at kuwarto ni mommy kaya kita mo agad ang labas ng kusina.

Nagtaka agad si mama dahil halatang nagulat ako.

“Nakita mo ‘yun?” tanong ko sa kanya.

“Alin?” pagtataka niya.

Kaming dalawa lang ni mama nun sa bahay. Magkakalayo ang mga bahay sa village namin kaya tahimik na tahimik ang lugar.

Ikinuwento ko kay mama ang nangyari. Binanggit niya na nung bata pa ako madalas akong makakita ng kaluluwa sa lumang bahay namin.

Mula nun natatak na sa isip ko ang mukha ng kalbo at maitim na lalaki. Sino kaya ‘yung?


Akala ko hindi na ‘yung masusundan.

Madaling-araw nangyari itong pangalawa. Around 12 or 2 AM. Natutulog ako nun sa kuwarto ng tita ko. Nagising ako dahil sa init at saka nauuhaw ako nun. Naisip kong bumangon at pumunta ng kusina para kumuha ng tubig.

Paggising ko may nakita akong lalaking nakabarong na nakatayo malapit sa akin. Nakasuot siya ng sumbrero ng magsasaka. May hawak siyang kandila. Pero hindi ko nakita ‘yung mukha niya.

Upper body lang ang nakita ko. Nakatayo siya sa sala. ‘Yung pinto ng kuwarto ng tita ko katabi lang ng sala. Naka-open ‘yung pinto nung magising ako.


Tas mayroon pa. Mga tanghali na ‘yun. Papasok na ako sa school nun.

May nakita akong isang lalaking nakaupo sa sala. Nakatalikod sa akin kaya hindi ko agad nakita ang mukha. Tinawag ko kasi magpapaalam na ako na aalis na ako para pumasok.

Nakailang tawag na ako pero ayaw lumingon. Pero pinabayaan ko na lang. Nagmamadali na ako nung umalis dahil male-late na ako.

Pag-uwi ko tinanong ko si daddy kung siya ‘yung nakita ko nung tanghali. Hindi naman daw.

That time namatay na pala ‘yung may sakit na asawa ng naglalaba sa amin.


Nagtataka lang ako kasi tuwing November lang o Mahal na Araw nangyayari ‘yung mga ganun. ‘Yung tungkol sa kalaro ko raw noong bata pa ako, si Ben, hindi ko na maalala kung ano ang itsura niya. Hindi ko rin alam kung nandiyan lang siya sa paligid, nagbabantay sa akin. Baka hindi ko lang din napapansin.

Bilin

Para sa maraming tao, mabigat ang kamatayan ng isang miyembro ng pamilya lalo na at biglaan. Pero sa pagdaan ng panahon, madalas nawawala na sa isip natin ang ating mga patay. May kanya-kanya silang mga paraan ng pagpaparamdam diumano. Tulad ng nangyari sa akin.

Kagabi napanaginipan ko si nanay. Naroon daw kami sa loob ng kuwarto ko. Nakatayo siya sa harap ko: buhay na buhay. “Akala mo hindi ko alam ang ginagawa ninyo ni Santi,” sabi niya sa akin.

Bigla akong nagulat, hindi dahil nakita ko si nanay at alam kong patay na siya. Pero dahil sa sinabi niya. Si Santi ang officemate ko na napag-iigihan ko ng loob. Kasalanan iyon kung tutuusin dahil naturingan akong may-asawa at may dalawang anak pero hiwalay ako sa asawa. At may girlfriend din si Santi. Natakot ako sa sinabi ni nanay sa panaginip na alam niya. Tumatak sa isip ko ang reaksyon ng mukha niya. Nanunumbat na akala mo sumugod ako sa giyera at umuwi akong luhaan.

Hindi ko alam kung nagparamdam siya sa panaginip. Nagsabi ng tingin niya tungkol sa nagsimulang relasyon namin ni Santi. O baka ako lang ito. Baka guilty feelings ko lang ito na lumabas sa panaginip ko.

Saka ko na lang nalaman, ilang oras pagkagising ko, dahil buong araw ko itong inisip, na malapit na pala ang kamatayan ni nanay. Baka nga paraan niya ito para iparamdam sa akin na nakabantay pa rin siya sa aming pamilya.

Pero hindi roon nagsimula ang mga pagpaparamdam ni nanay.

May strong character si nanay. Noong nabubuhay pa siya, kung ituring siya ay para siyang kabesa de barangay. Kilala siya ng maraming tao dito sa amin. Siya rin ang hingian ng tulong kapag may kailangan sila.

Na hindi minamasama ni nanay. Dati may karinderya kami. Sa amin kumakain lahat ng mga factory workers sa kabilang kanto. Pati na ang mga kapitbahay namin na walang oras na magluto, sa karinderya na rin kumakain.

Palabiro si nanay. Maboka pero hindi tsismosa ang dating niya. Para siyang ina ng buong barangay namin. Marami siyang kaibigan. Ito yatang karinderya ang naging outlet niya mula noong mamatay si tatay. Itinaguyod nila itong dalawa noong nagtrabaho si tatay bilang seaman.

May alta presyon si nanay. Hindi nagtagal nagkaroon siya ng sakit sa puso. Noong mga huling buwan ng buhay niya, lagi kami sa ospital. Inabutan pa siya ng isang stroke bago siya binawian ng buhay.

Noong mga huling linggo ni nanay nagsimula ang mga paramdam. Nangyari ito sa loob ng karinderya. Mga alas onse na ng gabi noon. Nagliligpit na kami ng gamit ng kapatid kong si Otep. Nagbibilang ako noon ng kinita sa buong araw nang kumaripas ng takbo si Otep papunta sa akin.

Namumutla siya. Tinanong ko siya kung bakit.

“May multo!” sabi niya. Namumutla ang mukha niya.

“Saan?” kako na hindi makapaniwala.

Ipinapatong niya ang mga silya sa mga pinunasang mesa nang may makita siyang lalaking nakatayo sa tapat ng pinto.

Nakabarong ang lalaki. Pero hindi niya nakita ang mukha. Nang makita niya ang barong kumaripas siya ng takbo papunta sa akin. Nahulog pa ang silyang hawak niya na ikinagulat pati ni nanay na nagpapahinga na noon sa sala.

Isang gabi pa, anak ko naman ang nakakita ng multo. May itinuturo sa labas ng pinto ang anak kong 3 years old. Wala namang tao.

Saka na lang namin naisip na baka “sundo” iyon ni nanay. Baka si tatay ang multo. Baka sinusundo na niya si nanay noon.

Isang araw, sumikip na lang bigla ang dibdib ni nanay. Inatake na pala siya sa puso.

Alas diyes ng gabi nang isugod namin sa ospital si nanay. Inabot pa kami ng hanggang umaga. Akala namin tulad lang ito ng dati. Kailangan lang pababain ang blood pressure niya. Imbes na painumin, ininjectionan na siya ng gamot. Naging masigla ng kaunti ang lagay ni nanay. Kaya hindi namin inakala na noong nakatulog siya, inatake siya sa puso. Sa ospital na siya binawian ng buhay.

Nasa ospital kaming lahat noon. Hindi kami nakapagbukas ng karinderya. Ni-text ko ang ilang kapitbahay para ipaalam sa kanila ang nangyari. Dumating kami sa bahay makapananghalian na.

Sa burol namin nalaman ang kuwento ng mga kapitbahay.

Binisita sila isa-isa ng kaluluwa ni nanay.

Alas singko ng umaga, kakagising lang ng kapitbahay naming si Rolly. Lumabas siya ng bahay para mag-igib ng tubig. Nilapitan siya ni nanay at kinausap siya.

Nagising naman daw sa katok sa pintuan ang kapitbahay naming si Lorna. Pagbukas niya ng pinto, nakita niya ang nanay ko na nakatayo roon, suot ang normal niyang suot na daster. Kinausap siya.

Pati ang kapitbahay naming lasinggero. Pinagpakitaan ni nanay at kinausap niya.

Iisa lang ang sinabi sa kanila ni nanay. Ibinilin niya sa kanila kaming dalawa ni Otep pati ang mga apo niya. Ibinilin niya na bantayan kami at iadya sa masama. Hanggang sa huling sandali niya sa mundo, ipinakita ni nanay hindi lang sa amin kundi pati na rin sa mga kapitbahay ang tiwala at pagmamahal niya.

Bakat

Linggo ng gabi nang umuwi ang utol ko galing sa swimming ng tropa niya sa Laguna. Ugali na niyang maghubad ng t-shirt sa harap namin kaya napansin agad siya ni nanay.

Papunta siya sa CR nang makasalubong siya ni nanay. Napansin ni nanay ang kakaibang marka sa dibdib niya.

Nangitim ang utol ko dahil sa swimming pero alsadung-alsado yung marka sa dibdib niya. Kung hindi ako nagkakamali, sabi ni nanay, marka iyon ng mga kamay.

Dalawang maliliit na kamay na parang kamay ng bata ang hugis ng marka sa dibdib ng utol ko. Iyong parteng ‘yun ang hindi na-sunburn. Parang may isang bata na naglapat ng magkabilang kamay sa dibdib niya.

Nag-alala agad ang nanay ko. Baka nakulam ang utol ko o nabati nang mag-swimming sila sa Laguna. Nagsimula na siyang magtanong kung saan sila nagpunta.

Sa public swimming pool sila nag-outing pero may mga puno raw silang dinaanan, sabi ng utol ko. Medyo malayo ang swimming pool sa may gate. Dumaan sila sa gilid ng isang maliit na bundok. Maraming puno. Doon din sila nagkuhaan ng picture, kuwento pa niya.

Wala naman daw siyang nararamdaman. Hindi naman siya nilalagnat. Baka napagkatuwaan lang siya ng isa sa mga tropa niya. Baka nagkataon lang na hugis kamay iyong marka sa dibdib niya.

Kinabukasan hindi nakapasok ang utol ko. Hindi makatayo sa kama. Nangangatog sa ginaw. Namimilipit ang tiyan. Nananakit ang buong katawan. Trinangkaso.

Siguro. Baka trinangkaso. Pero nang tingnan ni nanay ‘yung marka sa dibdib niya, parang naging prominente ito. Naging malinaw na hugis kamay ng bata kumpara nang tingnan namin noong gabi. Lalong lumakas ang kutob ng nanay ko na baka nabati nga ng mga engkanto ang utol ko.

Lumipas ang isang linggo ay hindi pa rin bumababa ang lagnat ng utol ko. kaya ipinatawag ni nanay ‘yung kapitbahay naming nagtatawas. Sabi niya, isang elemental spirit ang nagbiro sa utol ko noong magswimming sila. Baka nagambala nila ang bahay ng elemental nang mag-swimming sila kaya siya napagkatuwaan. Nagbigay siya ng instruction na susundin namin para gamutin ang utol ko. Ikukulong daw niya ang espiritu ng elemental sa loob ng mga patak ng kandila na kailangan naming sunugin kasama ng damit na sinuot ng utol ko.

Unti-unti namang gumaling ang utol ko. Sinunod namin ang sinabi ng nagtatawas. Pero sinabayan din namin ng gamot. Dinala namin sa doktor ang utol ko. Para makasigurado na rin. Mabuti na ‘yung may bisa ng medisina na tutulong sa pagpapagaling sa utol ko. Hindi lang ‘yung nakikipagsugal kami sa galing ng nagtatawas.

Pero akala namin ay tapos na.

Nag-iba ng ugali ang utol ko. Kung dati-rati ay masigla at palabiro ang utol ko, ngayon lagi na siyang tahimik. Pag umuuwi siya ng bahay ay dumidiretso agad sa kuwarto niya. Maaabutan na lang namin na nakasubsob sa libro ang mukha o nakikinig ng mp3. Nawalan din siya ng ganang kumain.

Nag-alala ang nanay ko. Sabi niya, baka bumalik ang elemental na nagbiro sa kanya noon sa swimming nila ng tropa niya.

Inilapit ulit siya sa nagtatawas at hindi nga kami nagkamali. Bumalik nga ang elemental. Sinunod namin ang mga bilin ng nagtatawas pero, sa pagkakataong ito, hindi nagbalik ang sigla ng utol ko.

Isang gabi, inaya kong makipag-inuman ang utol ko. Kinatok ko siya sa kuwarto. Naabutan ko siyang nakahiga at hindi maalis ang titig sa kisame. Lumingon lang siya saglit sa akin pero hindi siya sumagot. Kinatok ko siya ulit. Pumasok na ako sa kuwarto para hindi na siya makatanggi. Naobliga namang lumabas ang utol ko para samahan akong uminom.

Nag-usap kami tungkol sa pamilya. Sa planong pagreretiro ng tatay ko na construction worker sa Iraq. Sa plano ni tatay na pagtatayo ng maliit na tindahan sa tapat ng bahay namin para naman malibang si nanay. Napag-usapan namin ng utol ko ang mga kalokohan namin noong mga bata pa kami. Noong pumuslit kami isang hapon para maglaro sa quarry. Noong umuwing duguan ang tuhod ng utol ko dahil nadulas siya sa bundok ng mga bato. Itinago namin kay nanay ang aksidenteng iyon pero natuklasan din niya. Nanay kasi siya, sabi ni utoy. Malakas ang kutob.

Noon ako nakasilip ako ng puwang para pag-usapan namin ang buhay ng utol ko. Ang plano niya pagkatapos niyang mag-graduate. Gagayahin din ba niya si tatay na nagtrabaho sa ibang bansa?

Hanggang sa mapag-usapan namin ang lovelife ng utol ko. Kuwento niya, bago pala sila mag-swimming noon ay nag-break sila ng girlfriend niya. Inisip ko kung sino iyon. Naalala ko iyong maliit na babaeng dinala niya isang tanghali sa bahay para sila mag-lunch. Pagkatapos ay umalis din dahil gagawa raw sila ng project.

Biglang napahagulgol ang utol ko. Ewan kung sa sobrang kalasingan. Pero matapat siya sa sarili. Matapat niyang sinabi sa akin ang sakit na nararamdaman niya hanggang ngayon, sa pagbe-break-up nila noong babae. Hanggang ngayon minumulto siya ng alaala ng ex niya.

Naisip ko tuloy ngayon na hindi binati ng engkanto ang utol ko. Ang mga marka ng mga kamay sa dibdib niya ay isang manipestasyon ng kapit sa kanya ng ex niya. Sa sobrang pag-iisip niya, lumabas ito at nagpakita ng sarili. Mula noon, naintindihan ko na ang utol ko. Tinulungan namin siya ni nanay na makaraos sa maliit at di seryosong problema niya sa relasyon pero sineryoso namin dahil siya ay bahagi ng pamilya.