Tuesday, May 24, 2011

Batang Putik

Dito sa lugar namin, laging hinahanap ang kapayapaan. Halos masanay na kami sa masamang balita. Halos buwan-buwan may mababalitaan ditong hinaharang na bus, niraratrat na mga pasahero, o pinapasabog na poste ng kuryente.

Isa akong guro sa elementary sa isang baryo rito sa Lanao del Norte.

Isang umaga, habang naglalakad ako papunta sa klase, sinalubong ako ng mga estudyante ko sa grade VI at pilit na pinapupunta ako sa classroom.

Pagdating ko sa klase, nakita ko ang isa sa mga bata na naglulupasay sa sahig. Dali-dali akong tumakbo papunta sa estudyante at ipinatawag ang prinsipal.

Dinala namin ang bata sa clinic. Ang sabi, inatake raw ng epilepsi ang bata. Pero imposible dahil wala namang history ng ganoong sakit ang bata.

Nang kausapin ko ang bata, doon ako kinilabutan. Ang sabi niya, ang natatandaan niya, naghihintay siya noon sa pagdating ko nang mapatingin siya sa labas ng bintana. May nakita siyang isang batang naka-uniporme na nakatayo sa tabi ng puno ng talisay. Napansin niyang nakatingin ito sa kanya.

“Hindi lang nakatingin, ma’am,” kuwento niya. “Nakatitig po siya sa akin. Mapupula ang mga mata niya.”

Saka niya napansin na puro putik ang suot na uniporme ng batang nakatayo sa puno. At puro putik din ang buong katawan.

“Tinuro po niya ako. May sinasabi siya sa akin pero hindi ko siya maintindihan. Para siyang may hinahanap.” Doon nagdilim ang paningin niya.

Noong umpisa, hndi ako naniwala sa kuwento ng bata.

Pero ako naman ang nakaramdam.

Isang hapon, nasa classroom ako at nagliligpit ng mga gamit sa klase. Nakarinig ako ng maingay sa labas—boses ng batang tumatakbo at tumitili na parang hinahabol.

Tumayo ako para sawayin ang bata pero nang sumilip ako sa labas mula sa pintuan, wala akong nakitang tao sa corridor.

Sino kaya iyong batang narinig kong tumatakbo? Hanggang ngayon iniisip ko pa rin kung dala lang ng pagod o guniguni iyong nangyari.

Mula noon may mga napapansin na akong pangyayari sa classroom. Halimbawa, mga nawawalang gamit sa klase. Nawawalang lalagyan ng chalk, pambura ng blackboard. Isang araw, nakita kong nakalapag sa sahig ang isang visual aid na nakakabit sa dingding sa likod. Walang umaamin sa klase kung sino ang nagtanggal. Walang nakakita kung sino ang gumawa.

May araw na kinikilabutan ako kapag nagtataas sila ng kamay, at tingin ko, may sobrang kamay na nakataas. Na hindi ko alam kung sino ang nagmamay-ari.

May araw na napapasilip ako sa mga bintana sa tapat ng corridor kapag may mga batang naglalaro ng habulan. Iniisip ko na baka makita ko iyong batang nagpaparamdam.

O sa labas ng bintana. Baka makita ko iyong batang puro putik sa katawan na na nakatayo sa ilalim ng punong talisay nang makita ng isa sa mga estudyante ko.

Ilang buwan na ang nakakaraan nang may mangyaring trahedya rito sa aming elementary school. Nag-collapse ang aming school building sa sobrang lakas ng hampas ng hangin at ulan. Dalawang bata ang namatay.

May isang batang binawian ng buhay nang madaganan ng mga bato at graba. Siyam na estudyante pa ang nasugatan. Masyadong matanda na kasi itong building dito sa amin sa Poblacion, 1920s-era pa ito itinayo. Iyong isang pang bata ay namatay habang ginagamot sa ospital.

No comments: