MAY KAKAIBANG PANLASA ang nanay ko sa mga bagay na antique. Mula noong magtayo ng antique shop sa tabi ng sakayan ng traysikel malapit sa amin, nagsimula na siyang “maaliw” sa mga lumang bagay. Hindi mapigilan ang kati ng kamay niya sa pagbili. Kaya dumating ang oras na linggu-lingo na siya kung magpasama sa akin para manghanting ng mga antique shops sa mga suluk-sulok ng Quezon City.
Kapag pumunta ka sa bahay namin, lilitaw ang ebidensiya ng mga nauuwing antique ni nanay. Naroon ang malalaking mga santo at kerubin na babati sa iyo sa bungad ng bahay namin. Naroon ang mga malalaking vase na nakadispley sa paligid ng sala. ‘Yung mga antique na manika at kandelabra sa binili niyang lumang estante.
Para bang may kung anong humihila sa kanya para bumili ng mga pinaglumaan ng kung sino (may mga binili rin siyang sepia photographs ng mga taong hindi niya kilala; karamihan sa kanila malamang abo na). Siguro may “old soul” ang nanay ko, tulad ng sabi nila.
Pero dumating ang araw na ako na ang sumuko sa nanay ko.
Isang hapon, dumating ako sa bahay galing sa school. Naabutan ko ang nanay ko sa sala at nanunuod ng TV.
“Cesar,” sabi niya, “umakyat ka sa kuwarto mo.”
Nagulat ako sa sinabi sa akin ng nanay ko.
“Bakit po?” pagtataka kong sagot sa kanya.
Tumayo siya at pumunta sa likod ko. Hinawakan niya ang magkabilang balikat ko saka ako itinulak paakyat sa hagdan.
“Bakit nga po?” natatawa kong sabi. May kaunting idea na rin ako sa mangyayari. Ganito siya ka-excited kapag may nadidiskubre siyang “kayamanan” galing sa antique shop.
Hanggang sa tapat ng pintuan ng kuwarto ko, nakahawak pa rin sa balikat ko si nanay.
Pagbukas ko ng pinto, nagulat talaga ako sa nakita ko.
Nawawala ang aparador ko!
Ang naroon ay isang malaking tokador! Isang lumang tokador!
“Nasaan ang aparador ko?” tanong ko kay nanay.
Ipinamigay niya raw sa kapitbahay. Nakakaasar!
Nahalata niya siguro ang galit ko kaya sabi niya, “Puwede naman nating ibalik kung hindi mo magustuhan itong tukador. Sinabi ko na kay Ludy, anytime kukunin mo ‘yung aparador mo.”
Nakatingin ako sa repleksyon naming dalawa sa malaking salamin ng tukador. May kakaiba akong naramdaman sa tokador na ito. Parang may kung ano. Yumuko ako para buksan isa-isa ang mga drawers sa sa kanan ng salamin.
“Saan ko naman ilalagay ang mga damit ko?” sabi ko kay nanay.
“Eh di diyan sa mga drawers. Tatlo naman ‘yan. Mahihiwalay mo mga gamit mo.”
“Pambabae ito, inay!” maktol ko sa kanya. “Bakit hindi n’yo na lang ilagay sa kuwarto n’yo?”
Kaya naman pala. Bumili rin siya ng sarili niyang aparador. Antique din.
“Kung saan-saan n’yo nagagastos pera n’yo, hindi na kayo nakakaipon,” sumbat ko sa kanya.
Kinabig ako sa braso ng nanay ko. “Pagpasensiyahan mo na nanay mo, anak. Ito lang kaligayahan ko.”
Sabagay dito niya ata ibinaling ang pangungulila niya sa tatay ko mula noong umalis ito para magtrabaho sa barko.
Pagbukas ko ng mga drawers, nakaayos na ang mga damit ko roon. Naisip ko na baka mag-amoy kahoy ang mga damit ko pero hindi ko na itinuloy pang pasakitan si nanay.
KINAGABIHAN, HINDI ako makatulog. Dahil siguro sa kakaibang bagay na ito sa kuwarto ko. Naaaninag ko sa dilim ang kalakhan ng tokador—ng aparador ko. Nakikita ko ang pag-bounce ng kaunting ilaw mula sa labas ng bintana sa salamin ng tokador.
Ilang oras din akong nakatingin sa salamin nang abutan ng bumigat ang mga mata ko. Tuluyan na rin akong nakatulog.
Naalimpungatan ako. Hinagilap ko ang cellphone ko sa tabi ng unan. Alas tres ng madaling-araw. Humiga ulit ako at tumingin sa madilim na kisame. Ipinikit ko ang mga mata ko.
Biglang kumalabog ang pinto ng kuwarto ko. Nagising ako sa gulat. Tumayo ako at binuksan ang pinto. Walang tao sa labas ng pintuan. Bakit kumalabog ng ganoon ang pinto? Nilingon ko ang bintana. Hindi naman malakas ang hangin.
Itinulog ko na lang ulit.
IKINUWENTO KO kay nanay ang nangyari kinabukasan. Hindi naman daw siya lumabas ng kuwarto niya. Kahit mga kapatid ko walang alam sa pangyayari. ‘Yung katulong malamang tulug na tulog din sa sala sa ibaba kung saan siya naglalatag ng kutson.
Akala ko matutuldukan na roon ang lahat. Hindi pala. ‘Yun lang pala ang simula.
Isang hapon, galing ako sa school. Umakyat ako sa kuwarto. May narinig akong boses sa loob ng kuwarto ko. May narinig akong kumakalabog. May humahagikhik. Akala ko naglalaro lang ang maliit kong kapatid sa kuwarto kaya galit kong hinawakan ang doorknob. Pagbukas ko ng pinto, walang tao sa kuwarto.
Hindi lang pala ako ang nakakaramdam ng kakaiba sa kuwarto ko.
Isang araw, pumasok ang katulong namin sa kuwarto ko para kunin ang basket na lalagyan ng mga maruruming damit ko. Papalabas na siya ng kuwarto nang may narinig siyang kalabog. Napatingin siya sa salamin. Nakakita raw siya ng batang babae sa labas ng bintana, nakasilip sa kanya. Bigla raw umalis ang batang babae nang mapansin niya.
Hindi makalimutan ng katulong ang mga mata ng batang babae sa salamin na nakasilip sa bintana at nakatitig sa kanya. Pati ako kinikilabutan kapag ikinukuwento ko ito sa mga kakilala ko. Imposible kasing may sumilip na tao sa labas ng bintana dahil nasa 2nd floor ang kuwarto ko.
Isang gabi, nanay ko naman ang nakaramdam. Pumunta siya sa kuwarto ko para tingnan kung nakauwi na ako. Nang buksan niya ang pinto, napatingin siya sa salamin ng tokador. May nakita siyang lalaking nakaitim na nakatayo sa tapat ng kama ko.
IBINALIK NAMIN ang lumang tokador sa antique shop. Buti na lang, pumayag ang kapitbahay na ibalik ang aparador ko.
Sabi ng may-ari ng antique shop, may nagsauli na rin sa kanila ng tokador na nabili namin. Maraming kababalaghan ang naranasan ng naunang nakabili ng tokador. May nakita rin silang lalaking nakaitim sa salamin. Sabi ng may-ari, isang doktor daw ang dating may-ari ng tokador. Isa raw siyang somnambulist. Isang araw, habang tulog na naglalakad, nasakal daw niya ang anak niyang babae at napatay. Nang magising at malaman ang ginawa niya, isinilid niya ang katawan ng anak niya sa loob ng isa sa mga drawer ng tokador.
Tuesday, May 24, 2011
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment