Tuesday, May 24, 2011

Awit ni Daphne

Kapag lumilipat ka sa isang lumang bahay, para kang makikipisan sa isang taong hindi mo kilala. Kailangang kilalanin mo ang buong history niya. Kung ano siya; kung sinu-sino ang mga nakapaligid sa kanya; kung anu-ano ang mga karanasan niya.

Tulad ng bahay na nilipatan ko. Bahay ito ng lola ko. Noong una, plano kong pansamantala lang na tumira rito—mga one month, hanggang sa makakita ako ng bagong room for rent—dahil malapit ang bahay ng lola ko sa pinapasukan kong trabaho.

Medyo maliit ang bahay. Pero meron itong 2nd floor. Nakatira rito dati si lola at ang tita ko. Nagkaroon ng anak sa pagkadalaga ang tita ko, ang pangalan niya ay Daphne. Ugali na ng tita ko ang maging pabigla-bigla. Isang araw, nagpaalam na lang siya na magtatrabaho sa Singapore. Iniwan niya si Daphne sa poder ng lola ko. Silang dalawa lang ang naiwan sa bahay.

Mula noong nagkasakit ng malubha si lola, inako ng isa ko pang tita ang pag-aalaga kay Daphne. Sa Laguna na ngayon nakatira si Daphne. Namatay ang lola ko ilang araw lang matapos siyang isugod sa ospital. Kaya abandonado na itong nilipatan kong bahay mula pa noon.

Ako lang mag-isa ang nakatira rito. Okay lang. Sanay na akong mag-isa. Ginawa kong imbakan ng gamit ang kuwartong tinutulugan dati nina lola at Daphne sa 2nd floor. May dalawang kuwarto sa 2nd floor. ‘Yung mas maliit ay ginawa na nilang bodega dati pa. Sa sala ako natutulog. Kadalasan, nakakatulugan ko ang panunuod ng TV.

Paggabi ako sa trabaho. Nakakauwi ako ng bahay around 11 AM. Kaunting nuod ng TV. Kapag umuuwi ako ng bahay, hindi na ako nakakakain. Diretso ako ng higa sa sala. Mabilis akong nakakatulog sa pagod.

Isang tanghali, bigla akong naalimpungatan. May narinig akong tumawag ng boses ko. Boses ng isang batang babae. Tumayo ako at naglakad papunta sa pintuan. Sumilip ako sa bintana. Walang tao sa tapat ng gate. Ako lang naman ang tao sa bahay. Baka guniguni ko lang ‘yon, sabi ko sa sarili. Bumalik ako sa sala at nahiga. Agad din akong nakatulog.

Mga ala una ng tanghali, naalimpungatan ako ulit. Hindi ko muna binuksan ang mga mata ko para makatulog ako ulit. Biglang may kumalabog. Galing sa 2nd floor. Hindi ko iyon pinansin. Pero sa totoo lang, nagsimula na akong kilabutan. Inabot ko ang unan at ipinatong sa ulo ko para makakuha ulit ng tulog.

Pero biglang sunud-sunod na ang kalabog. Parang may tumakbo pababa sa hagdan. Napatayo ako sa gulat. Tumingin ako sa bandang hagdan. Huminto agad ang kalabog pagtayo ko.

Wala akong nakitang tao sa hagdan. Pag-upo ko, kinilabutan ako sa nangyari. Nakarinig ako ng static. Nakabibinging static. Tumagal ‘yon ng ilang minuto.

Ikinuwento ko ito kina mommy. Wala naman daw nakukuwento sina tita at lola sa kanya noong nakatira pa sila roon. Inisip ko na guniguni ko nga lang ang lahat. Dala ng pagod at puyat. Akala ko doon na matatapos ang pagpaparamdam.

Sabado ng gabi, nagtutupi ako ng mga nilabhang damit sa kama ni lola sa may kuwarto sa 2nd floor. Binuksan ko ang radyo para mabasag naman ang katahimikan sa bahay. Matatapos na ako sa ginagawa ko nang may marinig akong sumitsit.

Tumayo ako mula sa kama at naglakad papunta sa pintuan. Nagulat ako sa nakita ko. Isang bata. Nakatalungko sa pinakamataas na bahagi ng baitang ng hagdan. Hindi ko nakita ang mukha niya. Nakayuko siya. At yakap-yakap niya ang mga tuhod niya.

Sa takot ko, bumalik ako sa kama. Kinuha ko ang Holy Bible sa gilid ng aparador. Bumalik ako sa pintuan para silipin ang hagdan. Wala na roon ang multo ng bata.

Mula noon sa kuwarto na sa 2nd floor ako natutulog. May isang bagay akong napansin noon. May picture kasi si lola na nakaipit sa aparador. Bigla ‘yong nawala.

Hindi ko inaasahan na tumindi ang pagpaparamdam. Hindi ko na matandaan kung anong araw iyon. Nasa ibaba ako at naghuhugas ng pinggan nang may marinig ako sa itaas. May narinig akong kumakanta.

Una, mahina lang ang ungol. Pero palakas ito ng palakas. Nakilala ko ‘yong kinakanta. Sikat ‘yong kanta. May Bukas Pa. Boses ng isang batang babae.

Nilunok ko ang takot ko. Umakyat ako sa 2nd floor. Nasa hagdan ako nang tumigil ang kanta. Alam ko sa maliit na kuwarto nanggagaling ang boses kaya binuksan ko ang pinto ng kuwarto. Tulad ng inaasahan ko, walang tao.

Kinuwento ko ito kina mommy at kay tita sa Laguna. Kinilabutan ako sa sinabi nila.

Noon kasing umalis ang tita ko at iniwan kay lola ang anak niyang si Daphne, nalungkot daw ‘yung bata. Kapag nanunuod daw siya ng TV, kinakanta niya ‘yung May Bukas Pa. Pero istrikta ang lola ko. Ayaw na ayaw niyang naririnig na kinakanta ni Daphne ‘yung kanta. Pinapalo niya si Daphne kapag naririnig niya itong kumakanta.

Kaya ang ginawa ni Daphne nagkukulong siya sa maliit na kuwarto. Doon niya kinakanta ang May Bukas Pa. Umiiyak daw si Daphne kapag kinakanta niya iyon. Siguro nami-miss niya ng sobra ang nanay niya. Seven years old lang si Daphne pero naka-identify na agad siya sa kanta.

Buhay pa si Daphne at nakatira pa rin siya sa tita ko sa Laguna. Imposibleng siya ‘yung narinig kong kumakanta sa 2nd floor. Imposibleng siya rin ‘yung batang nakita kong nakatalungko sa hagdan. Naisip ko, siguro ganoon kalakas ang naramdamang lungkot ni Daphne. Naiwan ito sa bahay. Naiwan ito sa maliit na kuwarto kung saan siya dating nagkukulong. Naiwan niya ang pangungulila niya sa nanay niya.

No comments: